“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtubos sa mga Patay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtubos sa mga Patay
Mag-isip ng isang pagkakataon kung saan may isang bagay na ginawa para sa iyo ang isang tao na hindi mo magagawa nang mag-isa. Ano ang nadama mo para sa taong ito? Sa iyong pag-aaral, maaari mong isaalang-alang kung ano ang maaaring madama para sa iyo ng iyong mga yumaong kapamilya kapag ginagawa mo para sa kanila ang hindi nila magagawa para sa kanilang sarili—magsagawa ng mga kinakailangang ordenansa para sa kanilang kaligtasan.
Bahagi 1
Ano ang nangyayari sa mga taong namatay nang hindi nalalaman ang tungkol sa ebanghelyo?
Sa edad na 17, labis na nagdalamhati si Joseph Smith sa biglaang pagkamatay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Alvin, na lubos niyang minahal at hinangaan. “Hiniling ng pamilya [Smith] sa isang pastor na Presbyterian sa Palmyra, New York na siya ang mamuno sa burol ni Alvin. Dahil hindi miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, iginiit ng pastor sa kanyang sermon na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ni William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph: ‘Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin]’” dahil hindi nabinyagan si Alvin (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 472–73).
Maaaring masakit ang sinabi ng pastor sa pagkamatay ni Alvin. Gayunman, ang turo niya ay batay sa katotohanan na dapat tanggapin ng lahat ng tao si Cristo at mabinyagan para maligtas (tingnan sa Juan 3:5).
Noong Enero 1836, mahigit 12 taon pagkamatay ni Alvin, kasama ni Propetang Joseph Smith ang kanyang ama at iba pang mga lider ng Simbahan sa isang silid sa itaas ng malapit nang matapos na Kirtland Temple. Sa miting na ito, ang propeta ay nagkaroon ng isang pangitain tungkol sa hinaharap, na ngayon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 137.
Si Joseph ay “namangha” nang makita niya ang kanyang kapatid na si Alvin sa kahariang selestiyal dahil hindi pa nabinyagan si Alvin. Pagkalipas ng apat na taon, noong Agosto 1840, sinimulang ituro ng Propeta sa mga Banal ang doktrina ng binyag para sa mga patay. Naituro ni Apostol Pablo ang doktrinang ito sa Bagong Tipan bago ito ipinanumbalik ng Panginoon sa ating panahon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29).
Sa isang liham sa kanyang asawa, isinulat ni Vilate Kimball ang kasiyahan ng mga Banal tungkol sa bagong ipinanumbalik na doktrinang ito:
Si Pangulong Smith ay nagsimulang magturo ng isang bago at napakagandang paksa. … Sinabi niya na pribilehiyo ng [mga miyembro ng] simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang mga ninuno na pumanaw na bago pa dumating ang ebanghelyong ito. … Sa paggawa nito, tayo ang kumakatawan sa kanila, at binibigyan natin sila ng pribilehiyong bumangon sa unang pagkabuhay na mag-uli. Sinabi niya na ipapangaral sa kanila ang Ebanghelyo sa Bilangguan [ng mga espiritu]. … Mula nang ipangaral ang orden na ito, naging abala ang ilog sa mga nagpapabinyag para sa mga patay. Sa kumperensya, kung minsan ay may walo hanggang sampung elder na magkakasabay na nagbibinyag sa ilog. … Hindi ba’t napakagandang doktrina nito? (Vilate Kimball, sa Janiece Johnson and Jennifer Reeder, The Witness of Women: Firsthand Experiences and Testimonies from the Restoration [2016], 181)
Tiyak na tuwang-tuwa ang pamilya Smith nang mabinyagan si Hyrum para sa kanyang kapatid na si Alvin.
Nang sumunod na taon, noong 1841, ipinahayag ng Panginoon na “ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay” at na pagkatapos maihanda ang bautismuhan sa templo, ititigil na ng mga Banal ang pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay sa ilog (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–34). Si Joseph Smith ay nagbigay ng mga karagdagang tagubilin tungkol sa pagtubos sa mga patay sa dalawang liham na isinulat niya para sa mga Banal habang nagtatago siya dahil sa mga maling paratang. Ang nilalaman ng mga liham na ito ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 127 at 128. Itinuro ng Propeta na kapag isinagawa ang isang ordenansa ng ebanghelyo, tulad ng binyag para sa mga patay, sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at nag-ingat ng isang wastong talaan ay saka pa lamang nabubuklod ang ordenansa sa lupa at sa langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 127:5–7; 128:1–9).
Bahagi 2
Ano pa ang inihayag ng Panginoon tungkol sa pagtubos sa mga patay sa pangitaing ibinigay Niya kay Pangulong Joseph F. Smith?
Pagkatapos mamatay ni Propetang Joseph Smith, patuloy na naghayag ang Panginoon ng mga katotohanan tungkol sa Kanyang plano na tubusin ang mga patay nang “taludtod sa taludtod” (Doktrina at mga Tipan 98:12). Noong 1918, nakatanggap si Pangulong Joseph F. Smith ng isang pangitain na naghayag ng mga karagdagang katotohanan tungkol sa pagtubos sa mga patay. Ang pangitain niyang ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138.
Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naging handa si Pangulong Joseph F. Smith na tanggapin ang kahanga-hangang pangitaing ito:
Noong nabubuhay pa siya, si Pangulong Smith ay nawalan ng ama [sa edad na 5], ina [sa edad na 13], isang kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae, dalawang asawa, at labintatlong anak. Alam na alam niya kung gaano kalungkot ang mawalan ng mahal sa buhay. …
Lalong masakit para sa kanya ang taon na [1918]. Nagdalamhati siya sa dami ng mga namatay sa Unang Digmaang Pandaigdig na patuloy na dumami hanggang sa umabot ng mahigit 20 milyong tao. Bukod pa riyan, lumalaganap noon ang trangkaso sa buong mundo na kumitil sa buhay ng mga 100 milyong tao.
Sa taong iyon, namatay din ang tatlo[ng] pinakamamahal na mga kapamilya ni Pangulong Smith. Biglang namatay si Elder Hyrum Mack Smith ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang panganay niyang anak at lolo ko, nang pumutok ang apendiks nito.
Isinulat ni Pangulong Smith: “Wala akong masabi—[napipi] sa dalamhati! … Lungkot na lungkot ako; at parang hindi ako makahinga! … Ah! Minahal ko siya! … Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa nagpapasalamat ako sa Diyos para sa kanya! Pero … Ah! Kinailangan ko siya! Siya ay kinailangan nating lahat! Napakalaking tulong niya sa Simbahan. … At ngayon … O! ano ang puwede kong gawin! … O! Diyos ko tulungan Mo po ako! …”
Kaya nga, noong Oktubre 3, 1918, matapos dumanas ng matinding kalungkutan sa milyun-milyong nangamatay sa mundo dahil sa digmaan at sakit pati na sa pagkamatay ng sarili niyang mga kapamilya, natanggap ni Pangulong Smith ang paghahayag ng langit na kilala bilang “pangitain ng pagtubos sa mga patay.” (M. Russell Ballard, “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 72)
Natanggap ni Joseph F. Smith ang pangitain mula sa Diyos habang pinagbubulayan ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at binabasa ang paglalarawan ni Apostol Pedro tungkol sa ministeryo ni Jesus sa daigdig ng mga espiritu matapos ang Kanyang Pagkapako sa Krus (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:1–11).
Sa iba pang pagkakataon, itinuro ni Pangulong Smith na tinatawag din ang matatapat na kababaihan para mangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Gospel Doctrine, 5th ed. [1939], 461).
Bahagi 3
Paano makatutulong sa akin ang pakikibahagi sa gawain ng pagtubos sa mga patay para mas mapalapit ako sa Tagapagligtas?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Sa aking palagay ang nakapagliligtas na gawaing iyan para sa mga patay ang mas malapit sa ginawang sakripisyo ng Tagapagligtas kaysa sa anupamang ibang mga gawain na alam ko. …” [“Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Ene. 1998, 73]
Ang kagustuhan nating tubusin ang mga patay at ang oras at resources na ginugugol natin sa gawaing iyon ay, higit sa lahat, pagpapahiwatig ng ating patotoo kay Jesucristo. Ito ay isa sa pinakamatitinding pahayag na maaari nating masabi hinggil sa Kanyang banal na katangian at misyon. …
Sa pagtukoy sa mga ninuno natin at pagsasagawa para sa kanila ng nakapagliligtas na mga ordenansa na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili, pinatototohanan natin ang walang hanggang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (D. Todd Christofferson, “The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 10)