“Lesson 6 Materyal ng Titser: Ang Aklat ni Mormon—ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 6 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 6 Materyal ng Titser
Ang Aklat ni Mormon—ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na “ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Layon ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maipaliwanag kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon at mapalakas ang kakayahan nila na sagutin ang mga pambabatikos laban dito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Aklat ni Mormon ay mahalaga sa Simbahan ng Diyos at sa ating mga patotoo.
Maaari mong simulan ang klase sa pagtataas ng kopya ng Aklat ni Mormon at pagkakaroon ng maikling talakayan tungkol sa sumusunod na pahayag at tanong:
Marami sa mga pagbatikos na nagmumula sa mga kritiko ng Simbahan ay nakatuon sa Aklat ni Mormon. Sa palagay ninyo bakit ganoon?
Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang o pumunta sa pahina ng pambungad ng Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na noong Linggo, Nobyembre 28, 1841, ginugol ni Propetang Joseph Smith ang buong araw sa pagpulong sa Labindalawang Apostol sa bahay ni Pangulong Brigham Young, na pangulo ng korum na iyon (tingnan sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume C-1, 1255, josephsmithpapers.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikaanim na talata sa pambungad sa Aklat ni Mormon para malaman kung ano ang sinabi ni Joseph sa mga Apostol. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang mga katotohanang itinuro ni Joseph.
-
Mayroon ba sa inyo na gustong magbahagi ng mga naiisip o patotoo tungkol sa alinman sa mga turong ito? (Paalala: Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na ideya sa pagtuturo upang tulungan silang maunawaan ang mga katotohanang itinuro ni Joseph sa Labindalawa.)
Ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo.
Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo” na ginagamit ang impormasyong matatagpuan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.
Maaari mo ring ipaliwanag sa mga estudyante na ang pahayag ni Joseph Smith ay hindi nangangahulugan na wala nang kamalian ang mga nakalimbag na edisyon ng Aklat ni Mormon. Gumawa na ng mga pagwawasto sa bawat edisyon ng Aklat ni Mormon mula noong 1829. Maliliit na pagwawasto ang ginawa sa pananalita o sa pagbabaybay, pagbabantas, o paggamit ng malaking titik. Ang paggamit ng salitang tumpak sa pahayag na ito ay tumutukoy sa mga makapangyarihang katotohanang nakapaloob sa Aklat ni Mormon ngunit hindi ibig sabihin na walang nang kamalian sa nakalimbag na teksto.
Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.
Kapag nabanggit ng mga estusyante ang Aklat ni Mormon bilang “saligang bato ng ating relihiyon,” maaari mong ipakita ang isang larawan ng saligang bato, tulad ng nasa materyal sa paghahanda. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit kaya magandang metapora ang isang saligang bato para sa Aklat ni Mormon.
Ipabasa o ipabuod sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. (Ang pahayag na ito ay nagpapaliwanag ng tatlong dahilan kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.) Maaari mong itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa mga itinuro ni Pangulong Benson tungkol sa pagiging saligang bato ng Aklat ni Mormon.
-
Paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo?
-
Sa anong mga paraan tatayo o babagsak ang Simbahan ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon?
-
Paano napalakas ng inyong patotoo sa Aklat ni Mormon ang patotoo ninyo sa iba pang doktrina at mga turo ng Simbahan?
-
Naging saligang bato ba ng inyong personal na patotoo ang Aklat ni Mormon? Kung oo, paano?
Mas mapapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo sa Aklat ni Mormon.
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at sabihin sa kanila na ibahagi at ipaliwanag ang mga scripture passage mula sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa kanila na mas mapalapit sa Diyos. (Maaaring sumangguni ang mga estudyante na nag-aral ng materyal sa paghahanda sa isinulat nila sa dulo ng bahagi 4.) Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang mga grupo kung paano nakatutulong sa kanila ang pagsunod sa mga turo na nakatala sa mga scripture passage na pinili nila na maging higit na katulad ni Jesucristo.
Tinatangka ng mga kaaway ng Simbahan na pabulaanan ang Aklat ni Mormon.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Brother Tad R. Callister, dating Sunday School General President, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Ang bigat ng katotohanan [ng Aklat ni Mormon] ay mas nakahihigit kaysa sa pinagsama-samang mga argumento ng mga kritiko. Bakit? Sapagkat kung ito ay totoo, kung gayon si Joseph Smith ay isang propeta at ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, anupamang kasaysayan o iba pang mga argumento ang sumalungat dito. Sa dahilang ito, layunin ng mga kritiko na pabulaanan ang banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon, ngunit ang mga balakid na kinakaharap nila ay napakalaki dahil ang aklat na ito ay totoo. (“Makapangyarihang Saksi ng Diyos: Ang Aklat ni Mormon,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 107)
Tulungan ang mga estudyante na mag-navigate sa mga sumusunod na mapagkakatiwalaang resources o materyal sa Internet, o maglaan para sa kanila ng ilang kopya na nasa papel kung kinakailangan. Hatiin ang mga materyal o resources sa mga estudyante, at sabihin sa kanila na pag-isipan at alamin ang ilan sa mga argumento na ginawa ng mga kritiko laban sa Aklat ni Mormon at pag-isipan kung paano natin magagamit ang mga sumusunod na materyal o resources sa gayong mga argumento kapag naghahangad tayo na magtamo ng esprituwal na kaalaman at mapalakas ang ating patotoo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga nalaman nila. Maaari nilang gawin ito sa maliliit na grupo o bilang buong klase.
-
Mormon 8:14–22. Tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang amang si Mormon nang may babala sa mga babatikos o kukutya sa Aklat ni Mormon sa mga huling araw.
-
Eter 12:23–29. Nagpahayag ng pag-aalala si Moroni na may mga taong kukutya sa kahinaan niya sa pagsulat at hindi makikita o mauunawaan ang kapangyarihan ng mensahe ng Aklat ni Mormon.
-
Tad R. Callister, “Makapangyarihang Saksi ng Diyos: Ang Aklat ni Mormon,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 107–9. (Maaari mong gamitin ang unang kalahati lamang ng mensahe ni Brother Callister.)
-
“Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, history.ChurchofJesusChrist.org.
-
Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 88–90. (Maaari ninyong pag-aralan ang ikalawang bahagi lamang ng mensahe ni Elder Holland.)
Matapos talakayin ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
Sa palagay ninyo bakit hindi lamang basta nagbigay ang Diyos ng kumpletong pisikal na katibayan na totoo ang Aklat ni Mormon?
-
Anong payo ang maibibigay ninyo sa isang kaibigan o kapamilya na nagsabi sa inyo na nahihirapan siyang harapin ang mga pambabatikos o pangungutya tungkol sa Aklat ni Mormon? Ano pa ang maaari ninyong gawin para makatulong?
-
Ano ang gagawin ninyo (o ano ang maaari ninyong gawin) kung tila wala pang angkop na sagot sa pambabatikos na narinig ninyo?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na pag-isipan ang tagumpay ng kanilang personal na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at magplano para sa mga pagbabago ayon sa pahiwatig ng Espiritu. Hikayatin ang mga estudyante na isama sa kanilang mga plano ang mithiin na mag-aral at magdasal kung kinakailangan para matiyak na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng kanilang patotoo. Habang sila ay nag-iisip, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu:
Kung kayo ay nahihirapan, nalilito, o espirituwal na naliligaw, hinihikayat ko kayo na gawin ang iisang bagay na alam kong makapagpapabalik sa inyo sa tamang landas. Muling simulan ang mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon at ipamuhay ang mga turo nito, araw-araw, araw-araw, araw-araw! Pinatototohanan ko ang malaking kapangyarihan sa Aklat ni Mormon na magpapabago sa inyong buhay at magpapalakas sa inyong determinasyon na sundin si Cristo. Babaguhin ng Espiritu Santo ang inyong puso at tutulungan kayong makita ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” [Jacob 4:13]. Ipapakita Niya ang kailangan ninyong gawin sa susunod. (Kevin W. Pearson, “Manatili sa Punungkahoy,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 116)
Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng maikling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Maaari ka ring magbahagi ng iyong patotoo.
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kadalas nilang maranasan ang mga pagpapala ng awtoridad ng priesthood at mga susi ng priesthood kada linggo. Hikayatin sila na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson tungkol sa panunumbalik ng priesthood at alamin kung paano nila magagamit ang nakapagliligtas na mga kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng priesthood.