“Lesson 18 Materyal ng Titser: Ang mga Kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ang Relief Society,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 18 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 18 Materyal ng Titser
Ang mga Kababaihang Banal sa mga Huling Araw at ang Relief Society
Ang Relief Society ay isa sa mga pinakamatanda at, dahil may mahigit 7.1 milyong miyembro ito, isa sa mga pinakamalaking organisasyon ng mga kababaihan sa mundo. Ang Relief Society ay isang mahalagang bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maibahagi kung paano naging mahalaga sa gawain ng Panginoon ang mga pambihirang kakayahan at kontribusyon ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Matutukoy din ng mga estudyante kung paano sila mas lubusang makikibahagi o susuporta sa Relief Society para maisakatuparan ang mga layunin nito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang mga kababaihan na tumutupad sa tipan ay gumagawa ng isang pambihira at mahalagang kontribusyon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Magpakita ng larawan ng isang mabuting babae sa iyong buhay o ilarawan siya. Maikling ibahagi sa klase kung bakit siya isang ulirang babae at kung paano siya nakatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naisip nila tungkol sa isang mabuting babae na kilala nila at kung paano siya naging impluwensya para sa kabutihan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. (Inanyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang bagay na ito sa materyal sa paghahanda.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa mabubuting kababaihan ng Simbahan.
Mahal kong mga kapatid na babae, kayo [ay] napakahalagang katuwang namin sa mga huling araw na ito. … Ang inyong kabutihan, liwanag, pagmamahal, kaalaman, katapangan, pagkatao, pananampalataya, at matwid na buhay ang magdadala ng iba pang mabubuting kababaihan ng mundo sa Simbahan, kasama ang kanilang mga pamilya, sa mas maraming bilang kaysa noon!
Kailangan naming mga kapatid ninyong lalaki ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos! (Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 96)
-
Ano ang tila pinakamahalaga sa inyo sa pahayag na ito?
-
Paano ninyo ibubuod ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pangulong Nelson tungkol sa mga kababaihan sa Simbahan na tumutupad sa mga tipan? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara o ipakita ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga katangian, pamumuno, at tinig ng mga kababaihang tumutupad sa mga tipan ay mahalaga sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.)
-
Sa inyong palagay, bakit “hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto” kung wala ang mga patotoo at kontribusyon ng mga kababaihang tumutupad sa mga tipan?
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25, tinawag ng Panginoon si Emma Smith para magamit ang kanyang impluwensya, mga talento, at kakayahan upang makatulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 25:5–7, 10–16, na napag-aralan nila sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, at sabihin sa kanila na tukuyin ang mga payo at responsibilidad na ibinigay ng Panginoon kay Emma.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila sa mga talatang ito at kung bakit. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na mapag-isipan kung aling bahagi ng mga payo ng Panginoon ang nais nilang mas lubusang tanggapin at ipamuhay.
Inorganisa ng Panginoon ang Relief Society sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Ipakita ang isang larawan ng Tindahan ni Joseph Smith na Yari sa Pulang Laryo sa Nauvoo, Illinois, at ipaliwanag na dito inorganisa ang Relief Society noong Marso 1842.
Sabihin sa mga estudyante na isalaysay ang mga pangyayaring humantong sa pagkakatatag ng Relief Society mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda (o sabihin sa isang estudyante sa simula ng klase na maghandang gawin ito).
-
Saan iniayon ang pag-organisa ng Relief Society ayon kay Joseph Smith? (Ang Relief Society ay inorganisa ayon sa kaayusan ng priesthood.)
-
Ano ang ibig sabihin na ang Relief Society ay inorganisa ayon sa kaayusan ng priesthood? Bakit mahalagang malaman natin ito? (Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
-
Paano ninyo ibubuod ang mga layunin ng Relief Society? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Sister Zina D. H. Young at Sister Julie B. Beck sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda para matulungan sila na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Relief Society ay inorganisa upang magbigay ng ginhawa sa mga maralita at tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa.)
-
Sa paanong paraan ninyo nakita na tinutupad ng Relief Society ang mga layuning ito? (Maaari ka ring magbahagi ng isang makabuluhang halimbawa o ng sarili mong karanasan.)
Maglaan ng oras para makapagbahagi ang ilang kababaihan sa klase ng nadarama nila tungkol sa mga pagpapala ng Relief Society.
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong, na sinabi sa kanila na pag-isipan sa materyal sa paghahanda:
-
Ano ang magagawa kapwa ng kababaihan at ng kalalakihan para maunawaan ang mithiin ng Relief Society at magtulungan para maisakatuparan ang mga layunin nito?
Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ito nang may panalangin at pagkatapos ay magsulat ng isang mithiin sa kanilang study journal o notebook:
-
Mga sister, paano kayo makikibahagi nang mas lubos sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Relief Society sa pamamagitan ng inyong mga kakayahan, pananampalataya, tinig, at pamumuno?
-
Mga brother, ano ang gagawin ninyo para mas masuportahan, mahikayat, at matulungan ang mga kababaihan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos?
Kung may oras pa, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.
Sa pagtatapos ng lesson, maaari mong gawin ang isa o higit pa sa mga sumusunod:
-
Tanungin ang mga estudyante kung paano sila tutugon sa isang taong nagsasabi na ang mga kababaihan ay hindi itinuturing na mahalaga at hindi binibigyan ng mahahalagang responsibilidad sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Patotohanan ang mga katotohanang natukoy sa lesson na ito.
-
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang kababaihang nananalig at tumutupad sa tipan … na ang matwid na pamumuhay ay lalong mamumukod-tangi sa mundong pasama nang pasama at na maituturing na naiiba at kakaiba sa pinakamasayang paraan.
… Hinihiling ko sa aking mga kapatid na babae sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na kayo ay kumilos at sumulong! Gawin ang inyong responsibilidad sa inyong tahanan, komunidad, at kaharian ng Diyos—nang mas mahusay kaysa rati. (Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 97; italiko sa orihinal)
Para sa Susunod
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa susunod na magkita sila, pagtutuunan nila ang isang aspeto ng ipinanumbalik na ebanghelyo na tinukoy ni Propetang Joseph Smith na isa sa mga pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang ng Diyos sa mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 557). Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang mabuti ang materyal sa paghahanda para sa lesson 19 at dumating na handang talakayin ang mga kamangha-manghang pangako na ibinigay ng propeta sa mga taong tumutulong na maisakatuparan ang gawain sa templo para sa mga patay.