“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Paghahayag tungkol sa Priesthood,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Paghahayag tungkol sa Priesthood
Napaisip ka na ba o nahilingang magpaliwanag kung bakit ang mga Banal sa mga Huling Araw na may lahing itim na Aprikano ay pansamantalang hindi pinahintulutan noon na maordenan sa priesthood at makatanggap ng mga ordenansa sa templo? Sa iyong pag-aaral, tukuyin kung ano ang ating alam o hindi alam tungkol sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Maghanap ng mga katotohanan na makakatulong sa iyo na mas maunawaan ang paksang ito at maipaliwanag ito sa iba sa tumpak at tapat na paraan.
Bahagi 1
Ano ang alam natin tungkol sa pinagmulan ng mga restriksyon sa priesthood at sa templo?
“Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ‘pantay-pantay ang lahat sa Diyos,’ kabilang na ang mga ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae’ (2 Nephi 26: 33). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga tao sa bawat lipi at etniko sa maraming bansa ay nabinyagan at namuhay bilang matatapat na miyembro ng Simbahan. Noong nabubuhay pa si Joseph Smith, may ilang itim na lalaking miyembro ng Simbahan ang naorden sa priesthood. Sa mga unang taon ng kasaysayan ng Simbahan, itinigil ng mga miyembro ng Simbahan ang pagkakaloob ng priesthood sa mga itim na lalaking may lahing Aprikano. Walang tala ang Simbahan na nagbibigay ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa pinagmulan ng gawaing ito” (pambungad sa Opisyal na Pahayag 2).
Noong panahong iyon, ang itim na kalalakihan at kababaihan ay pinagbawalan din na makatanggap ng mga ordenansa sa templo, ngunit pinahintulutan pa rin silang mabinyagan at makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Bagama’t marami tayong hindi alam tungkol sa pinagmulan ng mga restriksyon sa priesthood at sa templo, itinuro ng mga propeta sa mga Huling Araw, kabilang na sina Brigham Young, David O. McKay, at Harold B. Lee, na darating ang panahon na matatanggap ng lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan, anuman ang lahi, ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo (tingnan sa “The Long-Promised Day,” Ensign, Hunyo 2018, 34).
Sa paglipas ng mga taon, ang ilang lider at miyembro ng Simbahan ay nagpahayag ng mga dahilan kung bakit pinasimulan ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Gayunman, ang mga pahayag na ito ay ibinigay bilang mga opinyon at hindi kumakatawan sa doktrina ng Simbahan.
Si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, na hindi pa Apostol noong panahong inalis ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo, ay nagsalita tungkol sa kanyang nadama bago ang paghahayag na nag-alis sa mga restriksyon na iyon:
Nakita ko ang sakit at kabiguan na naranasan ng mga taong nagdusa sa mga restriksyong ito at ng mga taong … naghanap ng mga dahilan [para sa kanila]. Pinag-aralan ko ang mga dahilang ibinigay noon at hindi ko madama ang pagpapatibay tungkol sa katotohanan ng anuman sa mga ito. Bilang bahagi ng aking mapanalanging pag-aaral, natutuhan ko na, karaniwan, ang Panginoon ay bihirang nagbibigay ng mga dahilan para sa mga kautusan at tagubilin na ibinibigay Niya sa Kanyang mga tagapaglingkod. Nagpasiya ako na maging matapat sa ating mga lider na propeta at manalangin—tulad ng ipinangako mula sa simula ng mga restriksyong ito—na darating ang araw na matatamasa ng lahat ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo. (“President Oaks Remarks at Worldwide Priesthood Celebration,” Be One—A Celebration of the Revelation on the Priesthood, Hunyo 1, 2018, newsroom.ChurchofJesusChrist.org)
Bahagi 2
Anong mga kalagayan ang nagbigay-daan sa paghahayag mula sa Panginoon na nagkakaloob ng priesthood sa bawat karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan at ng mga pagpapala ng templo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro?
Noong 1964, si Joseph William Billy Johnson ng Cape Coast, Ghana ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo pagkatapos niyang mabasa ang Aklat ni Mormon at ang iba pang literatura ng Simbahan na ibinigay sa kanya. Si Brother Johnson at ang iba pa na sumapi sa Simbahan ay nagpadala ng mga liham kay Pangulong David O. McKay na humihiling na magpadala ng mga missionary sa Africa para mabinyagan siya at ang iba pa na binahaginan niya ng ebanghelyo. Tumugon si Pangulong McKay na magpapadala ng mga missionary “sa sariling takdang panahon ng Panginoon,” ngunit hanggang sa dumating ang panahong iyon, dapat patuloy na pag-aralan ni Brother Johnson ang ebanghelyo at tulungan niya ang kanyang mga kapwa mananampalataya (sa E. Dale LeBaron, “Steadfast African Pioneer,” Ensign, Dis. 1999, 45–49).
Bagama’t walang pagkakataon para mabinyagan si Brother Johnson noong panahong iyon, siya at ang ilang iba pa ay masigasig na nagpalaganap ng mensahe ng ebanghelyo sa Ghana sa loob ng maraming taon. Nag-organisa si Brother Johnson ng ilang kongregasyon ng mga mananampalataya at pinamunuan niya sila sa regular na pag-aayuno kung saan nagsumamo sila na dumating ang mga missionary sa kanilang lupain at itatag ang Simbahan sa kanila (tingnan sa Elizabeth Maki, “‘A People Prepared’: West African Pioneer Preached the Gospel before Missionaries,” history.ChurchofJesusChrist.org).
Tulad ng mga mananampalataya sa Ghana, libu-libo pang may lahing itim na Aprikano ang nagkaroon ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang lumaganap ang gawaing misyonero sa iba’t ibang dako ng mundo noong ika-20 siglo. Ang mga lider ng Simbahan ay nabigyang-inspirasyon ng pananampalataya ng mga taong ito at nagnais na maipagkaloob ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo sa kanila (tingnan sa Opisyal na Pahayag 2).
Nakadama si Pangulong Spencer W. Kimball ng matinding pagnanais na talakayin ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo noong panahong siya ang Pangulo ng Simbahan. Paggunita niya:
Batid kong may isang bagay tayong kinakaharap na lubos na mahalaga para sa karamihan ng mga anak ng Diyos. … Araw-araw akong pumupuntang mag-isa sa mga silid sa itaas ng templo nang may lubos na kataimtiman, at iniaalay ko roon ang aking kaluluwa at iniaalay ang aking mga pagpupunyagi na maisulong ito. Nais kong gawin ang nais niya. Nakipag-usap ako sa kanya tungkol dito at nagsabing, “Panginoon, ang nais ko lamang ay ang tama. … Ang hangad lang po namin ay ang bagay na nais ninyo, at nais namin iyon kung nais po ninyo, at hindi kung kailan namin gusto.” … Nilinaw sa akin ng Panginoon ang nararapat gawin. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 282–83)
Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan, “Isang paghahayag ang natanggap ng Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball at pinagtibay sa iba pang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake Temple noong Hunyo 1, 1978” (pambungad sa Opisyal na Pahayag 2).
Sa kanilang anunsyo sa publiko tungkol sa paghahayag, sinabi ng Unang Panguluhan:
Kami ay nagsumamo nang matagal at taimtim alang-alang sa kanila, na ating matatapat na kapatid, gumugugol ng maraming oras sa Itaas na Silid ng Templo nagsusumamo sa Panginoon para sa banal na pamamatnubay.
Kanyang dininig ang aming mga panalangin, at sa pamamagitan ng paghahayag ay pinagtibay na ang matagal nang ipinangakong araw ay sumapit na kung kailan ang bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahin kasama ang kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kasama na ang mga pagpapala ng templo. (Opisyal na Pahayag 2)
Si Pangulong Gordon B. Hinckley, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang matanggap ang paghahayag, ay nagpatotoo tungkol sa naranasan niya sa templo noong araw na iyon:
Magkakasama kaming nanalangin sa pinakasagrado sa lahat ng kalagayan. Si Pangulong Kimball mismo ang nag-alay ng panalangin. … Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na diwa sa silid. Para sa akin, parang isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod at nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. Naroon ang Espiritu ng Diyos. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya. …
Alam naming lahat na dumating na ang panahon para sa pagbabago at ang desisyong iyon ay nagmula sa kalangitan. Malinaw ang sagot. Nagkaroon ng ganap na pagkakaisa sa amin sa aming karanasan at sa aming kaalaman. (“Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 69–70)
Bahagi 3
Ano ang naging epekto ng paghahayag na iyon sa Simbahan at sa mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo?
Sa pagtatapos ng isang mahirap na araw, nahikayat si Brother Billy Johnson na buksan ang kanyang radyo bandang hatinggabi bago matulog. Habang nakikinig, narinig niya ang balita na inalis na ang restriksyon sa priesthood. Naalala niya, “Nagtatalon ako at nagsimulang maiyak at magalak sa Panginoon dahil ngayon na ang panahon na magpapadala ang Panginoon ng mga missionary sa Ghana at sa iba pang bahagi ng Africa upang magkaloob ng priesthood. … Talagang napakasaya ko.” Nang dumating ang mga missionary sa Ghana, natagpuan nila ang isang grupo ng mga taong tanggap na ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nabinyagan si Brother Johnson kasama ang tinatayang 600 miyembro ng kanyang kongregasyon. “Matapos maglingkod bilang unang pangulo ng Cape Coast branch, si [Brother] Johnson ay naglingkod bilang district president, full-time missionary, at patriarch ng Cape Coast Ghana Stake” (tingnan sa Elizabeth Maki, “‘A People Prepared’: West African Pioneer Preached the Gospel before Missionaries,” history.ChurchofJesusChrist.org).
Dahil sa paghahayag na nag-alis sa mga restriksyon sa priesthood at sa templo, ang mga missionary ngayon ay nangangaral ng ebanghelyo sa maraming bansa sa Africa, may mga templo nang itinayo sa kontinenteng iyon, at daan-daang libong tao na may lahing itim na Aprikano ang nakatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang mga sarili at para sa kanilang mga yumaong ninuno. Ngayon, ang mga miyembro ng Simbahan na may lahing itim na Aprikano ay gumagawa ng mahahalagang kontribusyon sa Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo habang sila ay nakikiisa sa kapwa nila mga Banal at nagsisikap na maging “iisa kay Cristo Jesus” (Mga Taga Galacia 3:28).