Institute
Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood


“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Kirtland Temple at ang mga Susi ng Priesthood

Christ Appears in the Kirtland Temple, ni Walter Rane

Ang kautusan ng Diyos na magtayo ng “isang bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 88:119) ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Handang ibigay ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang lahat ng mayroon sila upang matanggap ang ipinangakong pagpapala na “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 38:32). Sa iyong pag-aaral, hanapin ang mga pagpapalang dumating dahil sa kahandaan ng mga Banal na magsakripisyo para maitayo ang Kirtland Temple.

Bahagi 1

Ano ang matututuhan ko mula sa mga sakripisyo ng mga naunang Banal para maitayo ang Kirtland Temple?

Sa isang paghahayag na natanggap noong Disyembre 27 at 28, 1832, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Kirtland, Ohio.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119.

Tinutukoy ang kautusang ito, isinulat ni Propetang Joseph Smith: “Ito ang sinabi sa amin ng Panginoon, at dapat namin itong gawin, oo, tinutulungan kami ng Panginoon, susunod kami: dahil kung susunod kami nangako Siya ng mga dakilang bagay sa amin; oo, maging isang pagdalaw mula sa kalangitan upang bigyan kami ng karangalan sa Kanyang pagparito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 486).

Eliza R. Snow

Naalala ni Eliza R. Snow, na nakatira sa Kirtland habang itinatayo ang templo:

Sister Eliza R. Snow

Kakaunti ang bilang ng mga Banal, at karamihan sa kanila ay labis ang kahirapan; at, kung hindi dahil sa katiyakan na sinabi ng Diyos, at sa Kanyang iniutos na magtayo ng bahay sa Kanyang pangalan, … ang pagtatangkang itayo ang Templong iyon, habang nasa ganoong kalagayan noon, kung susumahin, ay imposible. …

Sa kakatiting na salapi ngunit taglay ang talino at kasipagan, na sinamahan ng hindi natitinag na tiwala sa Diyos, ang mga kalalakihan, kababaihan, at maging ang mga bata ay nagtrabaho nang kanilang buong lakas; … ang kanilang mga lakas ay pinasisigla ng pagkakataong makabahagi sa paglalaan ng bahay na itinayo alinsunod sa tagubilin ng Kataas-taasang Diyos at tinanggap Niya. (Sa Eliza R. Snow, an Immortal [1957], 54, 57)

Isa pang pagsubok ang nagpabagal din sa pagtatayo ng templo:

Ang tagsibol at tag-init ng 1834 ay mahihirap na panahon para sa pagtatayo ng templo dahil karamihan sa mga lalaki sa komunidad ay sumama kay Joseph Smith sa Missouri sa Kampo ng Israel. … Dahil wala ang mga lalaki, ang mga babae ang nagpatuloy ng gawain. Ang ilan ay nagkantero, nagpastol ng mga baka, at naghakot ng mga bato, at ang iba naman ay nanahi, nag-ikit, at naghabi para makagawa ng mga damit para sa mga manggagawa. (Lisa Olsen Tait at Brent Rogers, “A House for Our God,” Revelations in Context [2016], 170)

Upang matulungan ang mga Banal sa kanilang pagsisikap na itayo ang templo, ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith at sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang isang kahanga-hangang pangitain kung saan nakita nila ang detalyadong mga plano para sa templo. Si Frederick G. Williams, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naalala kalaunan:

Natanggap ni Joseph [Smith] ang salita ng Panginoon na isama ang kanyang dalawang tagapayo, sina [Frederick G.] Williams at [Sidney] Rigdon, at humarap sa Panginoon at Kanyang ipakikita sa kanila ang plano o modelo ng bahay na itatayo. Lumuhod kami, nanalangin sa Panginoon, at lumitaw ang gusali sa layong abot-tanaw namin, at ako ang unang nakatuklas dito. Pagkatapos sama-sama naming tiningnan ito. Matapos naming makitang mabuti ang panlabas na hitsura nito, parang lumapit ang gusali sa mismong harapan namin. (Mga Turo: Joseph Smith, 317)

Kirtland Temple, ni Walter Rane

Isa sa mga nagsakripisyo nang malaki sa pagtatayo ng Kirtland Temple ay ang miyembro na nagngangalang John Tanner:

“Nakatanggap [si John] ng impresyon sa panaginip o pangitain sa gabi, na siya ay … dapat pumunta kaagad sa Simbahan” sa Kirtland. Ipinagbili niya ang kanyang mga ari-arian—ilang masaganang sakahan, isang hotel, at mga plantasyon—isinakay ang kanyang malaking pamilya at ilang kapit-bahay sa mga bagon noong umaga ng Pasko, at nilakbay ang mga walong daang kilometrong layo para makarating sa Kirtland noong Linggo, Enero 1835.

Kailangang-kailangan talaga siya. Malapit na ang petsa ng bayaran ng inutang para sa lupang pinagtatayuan ng templo at, ayon sa ilang tala, ang hikahos na si Propetang Joseph at ang ilan sa mga kalalakihan ay nanalangin para humingi ng tulong.

Hindi nag-atubili si John Tanner. Pinahiram niya ang Propeta ng dalawang libong dolyar at kinuha ang kasulatan na nangangakong babayaran ang kanyang utang, pinahiram ang temple committee ng labintatlong libong dolyar, pumirma ng isang kasulatan para sa tatlumpung libong dolyar kasama ang Propeta at ang iba pa para sa mga kalakal na binili sa New York, at nagbigay ng “malaking donasyon” para sa pagtatayo ng templo. (Leonard J. Arrington, “The John Tanner Family,” Ensign, Mar. 1979, 46)

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson kung bakit handang magsakripisyo ang mga Banal sa mga Huling Araw para maitayo ang mga templo at masamba ang Panginoon sa mga sagradong gusaling ito:

Pangulong Thomas S. Monson

Ang kaunting sakripisyo ay lagi nang kaakibat ng pagtatayo ng templo at pagdalo sa templo. Hindi mabilang ang mga nagpagal at nagsikap upang makamtan nila at ng kanilang pamilya ang mga pagpapalang matatagpuan sa mga templo ng Diyos.

Bakit napakaraming handang magbigay nang napakalaki upang matanggap ang mga pagpapala ng templo? Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. (Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 92)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa at sakripisyo ng mga naunang Banal sa pagtatayo ng Kirtland Temple?

Bahagi 2

Paano mapagpapala ang aking buhay ng mga susi ng priesthood na ipinagkaloob ng mga sugo ng langit sa Kirtland Temple?

Ginantimpalaan ng Diyos ang sakripisyo ng mga Banal na itayo ang Kirtland Temple sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga espirituwal na pagpapatunay sa mga araw bago at pagkatapos ng paglalaan (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 266–69, 272–74).

Maraming Banal ang nagpatotoo na dumalo sa paglalaan ang mga nilalang mula sa langit.

Naalala ni Eliza R. Snow: “Ang mga seremonya ng paglalaang iyon ay maaaring isalaysay na muli, ngunit walang salitang makapaglalarawan sa mga pagpapakita ng langit sa di-malilimutang araw na iyon. Nagpakita ang mga anghel sa ilan, habang ang lahat ng naroon ay nakadama ng kabanalan, at bawat puso ay ‘may galak na di-masayod at puspos ng kaluwalhatian’” [tingnan sa I Ni Pedro 1:8].

Noong gabing iyon, habang nagtitipon ang Propeta at mga 400 mayhawak ng priesthood sa templo, “ang ingay ay narinig na parang tunog ng rumaragasang malakas na hangin, na pumuno sa Templo, at sabay-sabay na nagsitayuan ang kongregasyon, na pinakilos ng hindi nakikitang kapangyarihan.” Ayon sa Propeta, “marami ang nagsimulang magsalita sa iba’t ibang wika at nagpropesiya; ang iba ay nakakita ng maluwalhating mga pangitain; at nakita ko ang Templo na puno ng mga anghel, at ipinahayag ko ang katotohanang ito sa kongregasyon” (Mga Turo: Joseph Smith, 360).

Ang pinakamahalagang espirituwal na pagpapakita ay naganap noong araw ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836, isang linggo matapos ilaan ang templo. Habang nagdarasal sila sa templo, nabuksan ang isang pangitain kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, at nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Ipinahayag Niya na tinatanggap Niya ang templo at nangako Siya na ibubuhos ang mga pagpapala sa mga Banal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–10).

Vision in the Kirtland Temple, ni Gary E. Smith

Ang pagdalaw na iyon ay sinundan ng pagpapakita ng mga sugo ng langit na nagkaloob ng mga susi ng priesthood na kinakailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Maaari mong markahan sa mga sumusunod na talata kung sino ang nagpakita kina Joseph at Oliver at kung anong mga susi ang ipinagkaloob nila sa mga lider ng Simbahan:

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:11.

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

Hawak ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. Pinamunuan niya ang Israel palabas sa Egipto patungo sa lupain ng Canaan. Responsibilidad niya na pumarito sa dispensasyong ito at ipanumbalik ang mga susing iyon para sa pagtitipon sa makabagong panahong ito. (Joseph Fielding Smith, Church History and Modern Revelation [1953], 2:48)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:12.

“Isang tao na tinawag na Elias ang pinaniniwalaang nabuhay sa mundo noong panahon ni Abraham, na nagkaloob ng dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. … Wala tayong partikular na impormasyon tungkol sa mga detalye ng kanyang mortal na buhay o ministeryo” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia,”Elias”).

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie kung bakit nagpakita si Elias sa Kirtland Temple:

Elder Bruce R. McConkie

Ipinanumbalik ng lalaking si Elias “ang ebanghelyo ni Abraham,” ang dakilang tipan ni Abraham kung saan ang matatapat ay tumatanggap ng mga pangako na walang hanggang pag-unlad, mga pangako na sa pamamagitan ng selestiyal na kasal ang kanilang mga walang hanggang inapo ay magiging kasingrami ng mga buhangin sa dalampasigan o ng mga bituin sa langit. (Bruce R. McConkie, “The Keys of the Kingdom,” Ensign, Mayo 1983, 22)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:13–16.

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

Ang kapangyarihang ito na magbuklod na ipinagkaloob kay Elijah, ay ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga mag-asawa, at mga anak sa mga magulang para sa panahon at kawalang-hanggan. Ito ang kapangyarihang magbuklod na nakapaloob sa bawat ordenansa ng Ebanghelyo. … Dahil sa kapangyarihang ito lahat ng ordenansang may kinalaman sa kaligtasan ay nakatali, o nakabuklod, at misyon ni Elijah ang bumalik, at ipanumbalik ang mga ito. (Joseph Fielding Smith, Elijah the Prophet and His Mission [1957], 5)

Natupad sa pagpapakita ng propetang si Elijah ng Lumang Tipan ang mga pangakong ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Malakias at binanggit muli ni Moroni kay Propetang Joseph Smith nang una siyang magpakita sa silid ni Joseph noong Setyembre 21, 1823.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 2 (tingnan din sa Malakias 4:5–6).

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano ka napagpala ng mga susi at kapangyarihan ng priesthood na ipinagkaloob nina Moises, Elias, at Elijah kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple? Paano maaaring iba ang iyong buhay kung hindi ipinanumbalik ang mga susing ito ng priesthood?