“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Si Propetang Joseph Smith—Isang Piling Tagakita,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Si Propetang Joseph Smith—Isang Piling Tagakita
Inilarawan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith bilang “isang piling tagakita” na magdadala sa mga tao sa kaalaman ng mga tipan ng Panginoon (2 Nephi 3:7–8). Ngunit sa simula pa lamang ng Panunumbalik, inamin na ni Joseph Smith ang kanyang nadaramang kakulangan. Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, pag-isipan kung paano ka maaaring tumugon nang may pananampalataya sa mga tungkuling ibinigay sa iyo ng Panginoon, sa kabila ng iyong kahinaan. Pag-isipan din kung paano ka maaaring tumugon sa mga taong babatikos kay Joseph Smith dahil sa kanyang kahinaan.
Bahagi 1
Ano ang matututuhan ko mula kay Joseph Smith tungkol sa sarili kong kakayahan na maglingkod sa Panginoon?
Bilang isang binata, nalula si Joseph Smith sa tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoon. Sinabi niya tungkol sa kanyang sarili:
Mag-isa kong naranasan, ako na isang kabataang walang pinag-aralan, upang daigin ang karunungan ng mundo … sa isang bagong paghahayag. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 71)
Ako ay di kilalang bata … at ang aking katayuan sa buhay [noon] ay gayon na lamang upang ituring na isang batang walang kahalagahan sa daigdig … na nakatadhana sa pangangailangan ng pagkuha ng di sapat na ikabubuhay sa pamamagitan ng [aking] pang-araw-araw na gawain. (Joseph Smith—Kasaysayan 1:22–23)
Naisip ni Joseph na “lubos na nakapagtataka” na “ang matataas na tao ay sapat na nagbibigay-pansin upang pukawin ang isipan ng madla laban sa akin, at lumikha ng mapait na pag-uusig” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:22–23).
Isipin ang maaaring nadama ni Joseph nang isalin niya ang 2 Nephi 3 sa Aklat ni Mormon at malaman niya mula kay Lehi na si Jose ng Egipto ay nagpropesiya tungkol sa isang “piling tagakita” sa mga huling araw.
Ipinaliwanag kalaunan ng Panginoon sa isang paghahayag ang isang dahilan kung bakit Niya pinili at tinawag si Joseph na maging propeta ng Panunumbalik:
Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph Smith, ako ay labis na nalulugod sa iyong pag-aalay … ; sapagkat sa layong ito ikaw ay aking ibinangon, upang aking maipakita ang aking karunungan sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng mundo. (Doktrina at mga Tipan 124:1)
Tungkol sa scripture passage mula sa 2 Nephi 3, itinuro ni Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu:
Tila taliwas ito sa lohika na tatawagin ng Diyos ang mahihina upang gawin ang isang napakalaking gawain. Gayunpaman ang mga kumikilala sa kanilang kahinaan ay maaantig ng mismong kahinaang iyon upang hanapin ang lakas ng Panginoon. Sa gayon ang mga nagpapakumbaba ng kanilang sarili nang may pananampalataya ay palalakasin Niya na taglay ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa (tingnan sa Mateo 28:18; Mosias 4:9).
Mula sa kanyang pagkabata, nilapitan ni Joseph Smith ang Panginoon batay sa mga kundisyong ito. …
Inilarawan ni Joseph ang kanyang sarili bilang isang “di kilalang bata … na nakatadhana sa pangangailangan ng pagkuha ng di sapat na ikabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pang-araw-araw na gawain” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:23). Ipinanganak siya sa mababang katayuan sa lipunan na may limitadong pormal na edukasyon. …
Alam na alam ni Joseph ang kanyang kakulangan sa edukasyon kaya minsan siyang tumangis na siya ay nakakulong sa “isang maliit at makitid na piitan na tila baga lubos na kadiliman na hawak ang papel, pluma, at tinta, at isang baluktot, sira, kalat-kalat, at hindi perpektong pananalita.” Sa kabila nito, tinawag siya ng Panginoon upang isalin ang Aklat ni Mormon—lahat ng 588 pahina nito tulad ng unang inilimbag—na kanyang ginawa nang wala pang 90 araw! …
Oo, ang isang tema ng Aklat ni Mormon—at ng buhay ni Propetang Joseph—ay na ang mahihina na mapagpakumbabang hinahanap ang Panginoon nang may pananampalataya ay ginagawang malakas, maging makapangyarihan, sa gawain ng Panginoon. Ang pagpapalakas na ito ay magaganap kahit sa tila maliliit na bagay. …
… Mayroon pang isa na mas personal na aral: kung tayo, tulad ni Joseph, ay kikilalanin ang ating kahinaan at babaling nang may pananampalataya sa Panginoon nang buong-puso, determinadong gawin ang Kanyang kalooban, tayo rin ay gagawing malakas mula sa kahinaan. Hindi naman ibig sabihin nito na ang kahinaan ay nawawala sa mortalidad—ngunit ibig sabihin nito ay gagawing malakas ng Diyos ang indibidwal. (“Joseph Smith: Kalakasan Mula sa Kahinaan,” Liahona, Dis. 2017, 21-22, 24)
Bahagi 2
Ano ang sinabi ng malalapit na kakilala ni Joseph Smith tungkol sa kanya at sa kanyang pagkatao?
Ipinahayag ng Panginoon kay Jose ng Egipto na bibigyan ng malaking pagpapahalaga ng kanyang mga inapo ang Propeta ng Panunumbalik (tingnan sa 2 Nephi 3:7). Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang mga taong nakakilalang mabuti kay Joseph at nakasama siya sa pamunuan ng Simbahan ay minahal at sinang-ayunan siya bilang propeta. Pinili ng kapatid niyang si Hyrum na mamatay sa tabi niya. Si John Taylor, na kasama rin niya nang siya ay pinaslang, ay nagsabi: “Nagpapatotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, na siya ay isang mabuti, kagalang-galang, at marangal na tao … —na ang kanyang pagkatao sa pribado man o sa harap ng mga tao ay kapuri-puri—at siya ay nabuhay at namatay bilang isang tao ng Diyos” (The Gospel Kingdom, [1987], 355; tingnan din sa D at T 135:3). Ipinahayag ni Brigham Young: “Sa aking palagay wala nang ibang taong nabubuhay sa mundo na higit na nakakikilala [kay Joseph Smith] kaysa sa akin; at buong tapang kong sasabihin na, maliban kay Jesucristo, wala nang mas mabuting taong nabuhay o nabubuhay sa mundong ito” (sa Journal of Discourses, 9:332). (Dallin H. Oaks, “Joseph, The Man and the Prophet,” Ensign, Mayo 1996, 71)
Sinabi ni Jane Snyder Richards tungkol sa katangian at pagkatao ni Joseph:
Si [Joseph Smith] ay isa sa mga taong mayroong pinakamabuting katangian na napakapalad ko na makilala. … Bilang Tagakita at Tagapaghayag, siya ay walang takot at hayagang magsalita, ngunit mapagkumbaba, hindi inisip kailanman na higit pa siya sa tagapagsalita ng Diyos. Bilang Lider ng kanyang mga tao, siya ay palaging aktibo at progresibo ngunit palagi ring mahinahon at maunawain sa kanila at sa kanilang mahihirap na kalagayan. (Jane Snyder Richards, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, 550)
Ikinuwento ni Edwin Holden na ang Propeta ay puspos ng pag-ibig ng Diyos, masigasig sa pagtulong at pagpapala sa iba:
Noong 1838, si Joseph at ang ilang binatilyo ay naglalaro ng iba’t ibang laro, isa rito ang paglalaro ng bola. Kalaunan, napagod sila. Nakita niya ito, at tinawag silang lahat at sinabing: “Magtayo tayo ng isang dampa.” Kaya’t nagsimula na sila, si Joseph at ang mga binatilyo, para magtayo ng isang dampa na yari sa troso para sa isang babaing balo. Iyon ang isa sa mga paraan ni Joseph, laging tumutulong sa abot ng kanyang makakaya. (The Juvenile Instructor, Mar. 1, 1892, 153)
Si Eliza R. Snow ay nagsulat tungkol sa pagpapakumbaba at katapatan ng Propeta:
Ako ay nakitira sa pamilya ni Joseph Smith, at nagturo sa kanyang pamilya, at nagkaroon ng maraming pagkakataon na makita ang “kanyang pamumuhay at pakikipag-usap sa araw-araw,” bilang isang propeta ng Diyos; at nang mas lalo ko siyang makilala, mas lalo kong napagtanto na siya ay Propeta ng Diyos. … Sa kanyang mga debosyon, siya ay mapagkumbaba gaya ng isang maliit na bata. (Eliza R. Snow, “Sketch of My Life,” Relief Society Magazine, Mar. 1944, 136)
Naalala ni Mary Frost Adams ang isa sa mga kabutihang nagawa ni Joseph:
Noong si Joseph ang mayor ng Nauvoo, isang itim na Banal sa Huling Araw na nagngangalang Anthony ang naaresto dahil sa pagbebenta ng alak sa araw ng Sabbath, na isang paglabag sa batas. Nagawa ito ni Anthony para makaipon ng pera upang mabayaran ang kalayaan ng kanyang anak na isang alipin sa Timog. Nabayaran na niya ang kalayaan nilang mag-asawa at ngayon ay nais nilang makasama ang kanilang anak. Sa kabila ng mabuting dahilan ni Anthony, sinabi ng Propeta, “Pasensya ka na, Anthony, ngunit dapat sundin ang batas, at kinakailangan ka naming pagmultahin.” Gayunpaman, “kinabukasan ay binigyan ni Brother Joseph Smith si Anthony ng isang napakagandang kabayo, iniutos sa kanya na ipagbili ito, at gamitin ang perang pinagbilhan para mabayaran ang kalayaan ng kanyang anak.” (“Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1906, 538)
Bahagi 3
Paano ako dapat tumugon kapag may nakikita o naririnig akong negatibong impormasyon tungkol kay Propetang Joseph Smith?
Kahit kasisimula pa lamang ng gawain ni Joseph Smith na ipanumbalik ang ebanghelyo, ipinropesiya na maraming tao ang magsasalita laban sa kanya at magpaparatang sa kanya ng masasamang gawain at motibo. Itinala ni Joseph Smith sa kanyang kasaysayan ang isang propesiyang ibinigay ng anghel na si Moroni nang magpakita ito kay Joseph noong 1823. Noong panahong iyon, si Joseph ay 17 taong gulang lamang.
Nagmungkahi si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga paraan kung paano maaaring tumugon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga pambabatikos laban kay Propetang Joseph Smith:
Dapat ba tayong magulat sa masasamang sinabi laban [kay Joseph Smith]? Si Apostol Pablo ay tinawag noon na baliw at naguguluhan [tingnan sa Mga Gawa 26:24]. Ang Pinakamamahal nating Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos, ay tinawag na matakaw, manginginom ng alak, at sinasapian ng diyablo [tingnan sa Mateo 11:19; Juan 10:20]. …
Marami sa mga taong ayaw sa gawain ng Panunumbalik ang hindi naniniwala na nakikipag-usap ang mga makalangit na nilalang sa mga tao sa mundo. Imposible, sabi nila, na ibinigay ng isang anghel ang mga laminang ginto at isinalin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sa kawalan ng paniniwalang iyan, agad nilang tinatanggihan ang patotoo ni Joseph, at ang ilan sa kasamaang-palad ay desididong siraan ang Propeta at ang kanyang pagkatao. …
Sa mga tanong tungkol sa pagkatao ni Joseph, maibabahagi natin ang mga salita ng libu-libong tao na personal siyang kilala at nagbuwis ng kanilang buhay para sa gawain na tumulong siyang itatag. …
Maaari nating paalalahanan ang taos-pusong nagtatanong na ang impormasyon sa Internet ay walang filter ng “katotohanan.” Ang ilang impormasyon, kahit nakakakumbinsi ito, ay hindi totoo. …
Maaari nating ipaalala sa nagtatanong na ang ilang impormasyon tungkol kay Joseph, bagama’t totoo, ay maaaring ilahad na napakalayo ng konteksto sa kanyang sariling panahon at sitwasyon. …
Bawat naniniwala ay kailangan ng espirituwal na pagpapatibay ukol sa banal na misyon at pagkatao ni Propetang Joseph Smith. Totoo ito sa bawat henerasyon. Ang espirituwal na mga tanong ay nararapat sa espirituwal na mga sagot mula sa Diyos. …
Ang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay maaaring dumating sa atin sa magkakaibang paraan. Maaari itong dumating habang nakaluhod kayo sa panalangin, na hinihiling sa Diyos na patunayan na siya ay totoong propeta. Maaari itong dumating habang binabasa ninyo ang salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain. Ang patotoo ay maaaring magpadalisay sa inyong kaluluwa habang paulit-ulit ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon. … Taglay ang pananampalataya at tunay na layunin, ang inyong patotoo kay Propetang Joseph Smith ay lalakas. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–30)