Institute
Lesson 24 Materyal ng Titser: Si Propetang Joseph Smith—Isang Piling Tagakita


“Lesson 24 Materyal ng Titser: Si Propetang Joseph Smith—Isang Piling Tagakita,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 24 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 24 Materyal ng Titser

Si Propetang Joseph Smith—Isang Piling Tagakita

Inilarawan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith bilang “isang piling tagakita” na “bibigyan ng malaking pagpapahalaga” ng kanyang mga tao (2 Nephi 3:7). Subalit sa kabila ng lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta ay maraming kritiko. Ang lesson na ito ay maghahanda sa mga estudyante na tumugon nang may pananampalataya sa mga pambabatikos laban kay Joseph Smith at mapalakas ang kanilang paniniwala na tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga tinatawag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith sa kabila ng kanyang mga kahinaan at tinulungan siya na maging isang piling tagakita.

Ipakita ang sumusunod na ipinintang larawan ng batang si Joseph Smith.

If Any of You Lack Wisdom, ni Walter Rane

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga salita at mga parirala mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda na naglalarawan sa nadama ni Joseph tungkol sa kanyang mga sariling kakayahan noong panahong tinawag siya na tumulong sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nalula sila o nadama nilang wala silang sapat na kakayahan para sa ipinagagawa sa kanila ng Panginoon o ng Kanyang mga tagapaglingkod.

Ipaliwanag na ang pagtawag ng Panginoon kay Joseph Smith ay nagtuturo ng isang matinding alituntunin na makakatulong sa atin kapag nadarama nating tayo ay mahina o walang sapat na kakayahan para maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Sa Aklat ni Mormon, inilahad ng propetang si Lehi ang isang propesiya ni Jose ng Egipto. Basahin ang 2 Nephi 3:6–11, 15 bilang isang buong klase, at hanapin ang mga salita o parirala na ginamit ng Panginoon para ilarawan ang isang propeta sa hinaharap na tatawagin din sa pangalang Joseph.

  • Ano ang ilang salita o parirala na ginamit ng Panginoon para ilarawan si Joseph Smith at ang gawain na tutulong Siyang maisakatuparan ni Joseph?

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas na gagampanan Niyang papel sa gawaing ipagagawa kay Joseph?

Basahin ang 2 Nephi 3:13 at ang Doktrina at mga Tipan 124:1 bilang isang buong klase, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon si Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, paano naipakita ang karunungan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtawag sa “mahihinang bagay ng mundo” para isagawa ang Kanyang gawain? (Doktrina at mga Tipan 124:1).

  • Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa pagtawag ng Panginoon kay Joseph Smith sa kabila ng kahinaan nito?

Ipakita ang sumusunod na pahayag na itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Neal A. Maxwell

Isa sa mga dakilang mensahe na nagmula sa paggamit ng Panginoon kay Joseph Smith bilang ‘isang piling tagakita’ sa mga huling araw ay tunay na mayroong pag-asa para sa bawat isa sa atin! Maaari tayong tawagin ng Panginoon sa kabila ng ating mga kahinaan at sa kabila nito ay tutulungan Niya tayo para sa Kanyang mga layunin. (Neal A. Maxwell, “A Choice Seer,” Ensign, Ago. 1986, 14; idinagdag ang italiko)

  • Paano makakatulong ang alituntuning ito sa mga taong nahihirapan dahil sa mga kahinaan ng tao na nakikita nila sa kanilang mga sarili, sa kanilang mga lider sa Simbahan, at sa iba pang mga miyembro?

  • Kailan ninyo nadama na dinagdagan ng Panginoon ang inyong mga kakayahan para magawa ninyo ang Kanyang gawain, sa kabila ng inyong mga kahinaan? Kailan ninyo nakita na ginawa ito ng Panginoon sa iba?

  • Ano ang ginawa ni Joseph Smith para matanggap ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Marcus B. Nash na matatagpuan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-isipan nang may panalangin at marahil ay maisulat kung ano ang magagawa nila para maanyayahan sa kanilang mga buhay ang kapangyarihan ng Panginoon upang matulungan sila para sa Kanyang mga layunin.

Ang pangalan ni Joseph Smith ay “makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa.”

Ipaliwanag na sa kabila ng lahat ng kabutihang ginawa ni Propetang Joseph Smith, marami ang nanira at bumatikos sa kanya. Ngunit hindi na ito ikinagulat ni Joseph. Nang unang magpakita si Moroni sa 17 taong gulang na si Joseph, binigyan niya si Joseph ng kaalaman tungkol sa kanyang hinaharap. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:33, at alamin kung ano ang madarama ng mga tao tungkol kay Joseph.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang pangalan ni Joseph Smith ay magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao.)

  • Sa anong mga paraan natin nakikita na natutupad ang propesiyang ito ngayon?

Ipaliwanag na pinanatag ng Panginoon si Joseph sa isa sa pinakamahihirap na panahon sa kanyang buhay noong nabilanggo siya sa Liberty, Missouri. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:1–3, at alamin kung paano pinanatag ng Panginoon si Joseph.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa banal na kasulatang ito tungkol sa kung paano tutugon ang matatapat kay Joseph Smith at sa kanyang misyon bilang propeta? (Bagama’t maaaring kutyain ng ilang tao si Joseph Smith, ang dalisay ang puso ay hindi tatalikod sa kanya kundi hahangarin ang mga pagpapala na maaaring matamo sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag mula sa mga taong nakakilala kay Propetang Joseph Smith sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda at ibahagi kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila.

  • Ano ang inyong nadarama at patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Neil L. Andersen

Ang negatibong komentaryo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay madaragdagan pa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga katotohanang may halong kasinungalingan at panlilinlang ay hindi mababawasan. May mga kapamilya at kaibigan na mangangailangan ng tulong ninyo. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 30)

Talakayin sa buong klase o sa maliliit na grupo kung paano matutulungan ng mga estudyante ang isang kapamilya o kaibigan na nag-aalala dahil sa mga negatibong komentong narinig o nabasa nila tungkol kay Propetang Joseph Smith. Bilang bahagi ng talakayan, maaaring rebyuhin ng grupo ang pahayag ni Elder Andersen sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Makakatulong din na isama sa talakayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na hikayatin ang isang tao na pag-aralan ang mga mapagkakatiwalaang source kasabay ng pag-anyaya sa kanya na magnilay at manalangin kapag naghahanap ng mga sagot sa mga tanong tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang misyon bilang propeta?

  • Ano ang hihikayatin ninyong gawin ng isang tao upang magtamo siya ng espirituwal na patotoo o mapalakas niya ang kanyang patotoo tungkol sa banal na misyon ni Joseph Smith?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa kahalagahan ng pagtanggap ng espirituwal na patunay mula sa Diyos na si Joseph Smith ay Kanyang propeta, tinawag sa kabila ng kanyang mga kahinaan at tinulungan ng Panginoon na maging piling tagakita ng Panunumbalik.

Para sa Susunod

Itanong sa mga estudyante kung sila ba ay nag-alala at nanalangin na tungkol sa mga desisyong makakaapekto sa kanilang hinaharap. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase. Malalaman nila dito ang tungkol sa kawalang-katiyakan na naranasan ng mga Banal pagkatapos ng kamatayan ni Joseph Smith at sa kahanga-hangang pananampalataya ng mga ito sa pagsunod sa bagong lider patungo sa ilang. Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang talakayin ang natutuhan nila mula sa mga Banal sa mahirap na panahong ito.