Joseph Smith: Kalakasan Mula sa Kahinaan
Mula sa mensaheng, “Out of Weakness He Shall Be Made Strong,” na ibinigay sa 70th Annual Joseph Smith Memorial Devotional sa Logan, Utah, USA, noong Pebrero 10, 2013.
Kung tayo, tulad ni Joseph Smith, ay makikilala ang ating mga kahinaan at babaling nang buong pananampalataya sa Panginoon, tayo rin ay magiging malakas.
Libu-libong taon na ang nakalipas, si Jose ng sinauna ay nagpropesiya, “Ganito ang winika ng Panginoon sa akin: Isang piling tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang; … at sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang isiwalat ang aking salita … at mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas” (2 Nephi 3:7, 11, 13).
Ako ay naantig at nabigyang-inspirasyon ng propesiyang ito na “mula sa kahinaan ay gagawin siyang malakas.” Tila taliwas ito sa lohika na tatawagin ng Diyos ang mahihina upang gawin ang isang napakalaking gawain. Gayunpaman ang mga kumikilala sa kanilang kahinaan ay maaantig ng mismong kahinaang iyon upang hanapin ang lakas ng Panginoon. Sa gayon ang mga nagpapakumbaba ng kanilang sarili nang may pananampalataya ay palalakasin Niya na taglay ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa (tingnan sa Mateo 28:18; Mosias 4:9).1
Mula sa kanyang pagkabata, nilapitan ni Joseph Smith ang Panginoon batay sa mga kundisyong ito. Noong 15 taong gulang si Joseph, naghangad siya ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at inasam na malaman kung aling simbahan ang tama. Kanyang isinulat, “Bagaman ang aking mga damdamin ay taimtim at kadalasan ay matindi, … hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko, at walang kabatiran sa mga tao at bagay-bagay, na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali” (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8).
Lubos na batid ang kahinaang ito, nagtungo siya sa Sagradong Kakahuyan upang malaman kung saan niya matatagpuan ang Simbahan ng Diyos. Nagtanong siya upang may magawa siya tungkol dito, upang makasapi siya sa simbahang iyon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:18). Bilang tugon sa kanyang aba, tapat na kahilingan, ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, si Jesucristo, ay nagpakita kay Joseph. Bunsod nito, Kanilang iniligtas si Joseph mula sa kapangyarihan ng diyablo at inihanda ang daan para sa Pagpapanumbalik (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19).
Hindi tinutulan ni Joseph Smith na siya ay isa sa “mahihinang bagay ng sanlibutan” (D at T 1:19; 35:13). Makalipas ang ilang taon binati siya ng Panginoon sa ganitong paraan: “Sapagkat sa layong ito ikaw ay aking ibinangon, upang aking maipakita ang aking karunungan sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng mundo” (D at T 124:1).
Isang Hindi Kilalang Bata
Inilarawan ni Joseph ang kanyang sarili bilang isang “di kilalang bata … na nakatadhana sa pangangailangan ng pagkuha ng di sapat na ikabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pangaraw-araw na gawain” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:23). Ipinanganak siya sa mababang katayuan sa lipunan na may limitadong pormal na edukasyon. Ang kanyang unang pagtatangka na isulat ang kanyang kasaysayan ay nagbibigay-diin sa kanyang mahinang posisyon kung saan siya tinawag sa gawain.
“Ipinanganak ako sa bayan ng Charon [Sharon] sa Estado ng Vermont sa Hilagang Amerika noong ikadalawampu’t tatlo ng Disyembre AD 1805 ng mabubuting magulang na hindi nagdalawang-isip na siguruhing matuturuan ako sa relihiyong kristiyano[.] Sa edad na mga sampung taong gulang ang aking Amang si Joseph Smith Senior ay lumipat sa Palmyra Ontario County sa Estado ng New York at dahil nasa hikahos na kalagayan ay napilitan kaming magtrabaho nang husto para masuportahan ang isang malaking pamilya na may siyam na anak at dahil kinailangang kumilos ang lahat ng may kakayahang tumulong sa kahit anong paraan para masuportahan ang pamilya kung kaya’t hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral sapat nang sabihin ko na tinuruan lamang akong bumasa, sumulat, at ng panimulang Aritmetika.”2
Alam na alam ni Joseph ang kanyang kakulangan sa edukasyon kaya minsan siyang tumangis na siya ay nakakulong sa “isang maliit at makitid na piitan na tila baga lubos na kadiliman na hawak ang papel, pluma, at tinta, at isang baluktot, sira, kalat-kalat, at hindi perpektong pananalita.”3 Sa kabila nito, tinawag siya ng Panginoon upang isalin ang Aklat ni Mormon—lahat ng 588 pahina nito tulad ng unang inilimbag—na kanyang ginawa nang wala pang 90 araw.
Sinumang may malinaw na pag-iisip ay maaaring makabuo ng konklusyon na imposible para sa hindi nakapag-aral na si Joseph na makagawa ng ganitong bagay nang nag-iisa, at ang mga paliwanag na inimbento ng iba ay mas mahirap paniwalaan kaysa sa totoong paliwanag: isa siyang propeta na nakapagsalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Ang Patotoo ni Emma
Sa huling bahagi ng kanyang buhay, ginunita ni Emma Smith na noong panahong isinasalin ng kanyang asawa ang mga gintong lamina, siya “ay ni hindi makapagsulat o kaya ay makapagdikta ng isang maayos at magandang liham; lalo na ang magdikta ng aklat tulad ng Aklat ni Mormon. At, bagamat ako ay kasama sa naganap na mga pangyayari, kagila-gilalas ito sa akin, ‘isang kababalaghan at isang himala,’ maging sa kahit kanino.”4
Sa ganitong senaryo ng kasaysayang ito, mahalagang pansinin ang unang pahina ng unang journal ni Joseph, na may petsang Nobyembre 27, 1832 (ipinapakita sa kanan). Isinulat niya ito nang halos tatlo at kalahating taon makaraan niyang matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Pansinin na nagsusulat siya at pagkatapos ay binubura ang mga sumusunod na salita:
“Joseph Smith Jr—Talaang Aklat na Binili upang itala ang lahat ng maliliit na pangyayari na napapansin ko.”
Habang hawak ko ang talaarawang ito at binabasa ang mga binurang salita, para kong nakikita si Joseph na nakaupo sa isang kabukiran sa sinaunang Amerika, isinusulat ang pambungad na pangungusap at pagkatapos ay nag-iisip na, “Hindi, parang hindi ito tama; susubukan kong muli.” Kung kaya’t binura niya ang pangungusap at isinulat ang, “Aklat ng Talaan ni Joseph Smith Jr na Binili noong ika-27 ng Nobyembre 1832 para sa layuning itala ang mga mumunting ulat ng lahat ng mga bagay na napapansin ko, atbp— —”
Sa huli, marahil ay hindi lubos na nasiyahan sa hindi natural at nag-aatubiling pananalita na kanyang isinulat, kanyang isinulat na, “Oh Diyos ko hayaan na ako ay gabayan sa lahat ng aking mga esipin Oh pagpalain ang iyong Lengkod Amen.”5 Nadama ko sa pangungusap na ito na nararamdaman ni Joseph ang kanyang kakulangan at kahinaan, at nanawagan sa Diyos nang may pananampalataya na gabayan siya sa lahat ng kanyang ginagawa.
Ngayon, ihambing ang journal entry na iyan sa kopya ng isang pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon na isinulat sa pagitan ng Abril at Hunyo, 1829 (makikita sa susunod na pahina).
Pansinin ang daloy ng prosa—walang bantas, walang bura. Hindi ito isang komposisyon. Idinikta ito ni Joseph, bawat salita, habang nakatingin siya sa mga instrumentong inihanda ng Panginoon para sa kanya, kasama ang Urim at Tummim at kung minsan ay isang bato ng tagakita, gamit ang isang sumbrero upang takpan ang kanyang mga mata mula sa labis na liwanag para makita lamang nang maayos ang mga salita habang lumilitaw ang mga ito (tingnan sa 2 Nephi 27:6, 19–22; Mosias 28:13). Tulad ng iyong nakikita, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng salin ng Aklat ni Mormon at ng journal entry: ang isa ay produkto ni Joseph Smith, ang propeta, tagakita, at tagapaghayag; ang isa ay produkto ni Joseph Smith, ang tao. Kung titingnan mong maigi itong orihinal na manuskrito ng pagsasalin, may mababasa kang mga salitang maaaring nagbigay-pag-asa kay Joseph:
“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Bago ang mga salitang ito, isinalin niya ang mga sumusunod: “Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).
Oo, ang isang tema ng Aklat ni Mormon—at ng buhay ni Propetang Joseph—ay na ang mahihina na mapagpakumbabang hinahanap ang Panginoon nang may pananampalataya ay ginagawang malakas, maging makapangyarihan, sa gawain ng Panginoon. Ang pagpapalakas na ito ay magaganap kahit sa tila maliliit na bagay.
Halimbawa, si Joseph, na mahina sa pagbaybay, ay itinama ang pagbaybay ng pangalang Coriantumr (tingnan sa Helaman 1:15) sa pamamagitan ng kanyang pangunahing tagasulat, si Oliver Cowdery. Noong unang idinikta ni Joseph ang pangalan kay Oliver, ang isinulat ni Oliver ay Coriantummer. May katwiran ito dahil walang salitang Ingles na nagtatapos sa “mr.” Subalit, si Joseph—na mahina sa pagbaybay at kailangang tanggapin ang baybay na ibinigay ng Panginoon sa kanya—ay itinama ang baybay noong isinasagawa ang pagsasalin. Alam na natin ngayon na bagaman ito ay kakaibang baybay sa Ingles, ito ay ganap na wastong baybay sa Egyptian at akmang-akma sa pamantayan noon sa Lumang Mundo. Hindi ito malalaman ni Joseph maliban sa pamamagitan ng paghahayag.6
Maaari Tayong Gawing Malakas
Ang himala ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay isang halimbawa ng kung paano si Joseph, mula sa kahinaan, ay ginawang malakas. Mayroon pang isa na mas personal na aral: kung tayo, tulad ni Joseph, ay kikilalanin ang ating kahinaan at babaling nang may pananampalataya sa Panginoon nang buong-puso, determinadong gawin ang Kanyang kalooban, tayo rin ay gagawing malakas mula sa kahinaan. Hindi naman ibig sabihin nito na ang kahinaan ay nawawala sa mortalidad—ngunit ibig sabihin nito ay gagawing malakas ng Diyos ang indibidwal.
Mapagpakumbabang tinanggap ni Joseph ang kanyang mga kamalian. Sinabi niya na noong kanyang kabataan siya ay “[nag]pakita ng kahinaan ng kabataan, at [ng] mga kalokohan na likas sa tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Kalaunan sa buhay ay sinabi niya sa mga Banal sa Nauvoo na siya “ay tao lamang, at hindi nila dapat asahang perpekto [siya]; … ngunit kung pagtitiyagaan nila ang mga kahinaan [niya] at ng mga kapatid, pagtitiyagaan [niya] rin naman ang kanilang mga kahinaan.”7
Hindi kailanman nagpanggap si Joseph na siya ay perpekto o walang kahinaan, gayunman kinilala niya ang kapangyarihan ng Diyos na ipinakikita sa pamamagitan niya kapag kumikilos siya bilang propeta: “Kapag nagsasalita ako bilang isang tao tanging si Joseph ang nagsasalita. Subalit kung ang Panginoon ang nagsasalita sa pamamagitan ko, hindi na si Joseph Smith ang nagsasalita; kundi ang Diyos.”8
Kung kaya, mula sa kahinaan, ginawang malakas si Joseph—sapat ang lakas kaya siya ay “nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao” (D at T 135:3) kung ihahambing sa sinumang propeta sa buong kasaysayan.
Ang ating hindi nagbabagong Diyos ay gagawin din tayong malakas sa ating kahinaan—kung babaling tayo sa Kanya nang may pananampalataya na may buong layunin ng puso, tulad ng ginawa ni Joseph.
Panalangin at Kababaang-loob
Ayon sa Kanyang selestiyal na kimika, binibigyan tayo ng Panginoon ng kahinaan upang pangasiwaan ang ating pagiging malakas sa tanging paraan na mahalaga sa panahon at kawalang-hanggan—sa pamamagitan Niya. Sabi Niya: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Ayon sa banal na kasulatang ito, binibigyan tayo ng kahinaan upang tayo ay maging mapagpakumbaba. Ang mga taong piniling magpakumbaba ng kanilang sarili at magpakita ng pananampalataya sa Kanya ay magiging malakas. Ang ating pagpapakumbaba sa harap ng Diyos, kung gayon, ay isang napakahalagang katalista para ang lakas at kapangyarihan ng Diyos ay maihayag sa ating buhay.
May mga tao na nag-iisip na “sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisang-tabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili, kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito” (2 Nephi 9:28). Ang gamot sa kapalaluang ito ay “[ituring] na mga hangal ang [ating] sarili sa harapan ng Diyos, at bumaba sa kailaliman ng pagpapakumbaba” (2 Nephi 9:42).
Mula noong kanyang kabataan, naintindihan ni Joseph na isang mahalagang susi sa paglinang ng pagpapakumbaba ay hanapin ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng matapat at taos-pusong panalangin. Si Daniel Tyler, isa sa mga naunang miyembro ng Simbahan, ay ginunita ang isang panahon sa Kirtland kung saan marami ang tumalikod sa Propeta. Ayon kay Brother Tyler, na naroroon sa isang pagtitipon kung saan nagdasal ang Propeta kasama ang kongregasyon para sa tulong ng Panginoon, inilarawan niya ang karanasan sa mga sumusunod na salita:
“Narinig ko ang mga lalaki at babaeng nagdarasal … , ngunit noon ko lang narinig ang isang lalaking nagdasal sa kanyang Tagalikha na para bang Siya ay naroroon at parang isang mabuting amang nakikinig sa mga hinagpis ng isang masunuring anak. Si Joseph noong panahong iyon ay mangmang, ngunit ang dasal na iyon, na sa isang banda ay kumakatawan sa mga yaong inakusahan siyang naligaw ng landas … , ay nakibahagi sa pagkatuto at kahusayang magsalita ng langit. … Tila para sa akin, sa oras na alisin ang tabing, makikita ko ang Panginoong nakatayo kaharap ang Kanyang pinaka-aba sa lahat ng Kanyang mga lingkod na aking nakita.”9
Mula sa Kahinaan, Kalakasan
Noong 17 lamang si Joseph, sinabi sa kanya ni Moroni na “Ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin; at ang aking pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika, o magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33).
Tiwala akong noong panahong iyon, marami ang nag-isip na ang gayong pahayag ay katibayan ng kahibangan sa kapangyarihan; ngunit sa mundo ngayon na may internet, ang pangalan ng hindi kilalang batang magsasakang iyon ay tanyag sa buong mundo, at kapwa mabuti at masama ang sinasabi tungkol sa kanya.
Bago tumungo sa kanilang kamatayan sa Carthage, Illinois sina Joseph at Hyrum Smith, nagbasa nang malakas si Hyrum kay Joseph at sa iba nilang kasama sa piitan at pagkatapos ay itinupi ang pahinang naglalaman ng mga sumusunod na salita:
“At ito ay nangyari na, na ako ay nanalangin sa Panginoon na biyayaan niya ang mga Gentil, upang sila ay magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.
“At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Panginoon: Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi na ito mahalaga sa iyo, ikaw ay naging matapat; kaya nga, ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis. At dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama” (Eter 12:36–37).
Sa literal na diwa, mula sa kahinaan ay ginawang malakas si Joseph. Nahikayat kahit paano ng kanyang kahinaan, humingi siya ng tulong sa Diyos nang buong pananampalataya, determinadong kumilos ayon sa Kanyang kalooban. Lumapit siya sa ating Ama sa Langit sa mga kundisyong ito sa buong buhay niya. Bunga nito, naranasan niya ang Unang Pangitain, isinalin ang Aklat ni Mormon, tinanggap ang mga susi ng priesthood, inorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, at dinala sa mundo ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Si Propetang Joseph ay lumakas, hindi siya ginawang makapangyarihan sa isang iglap. Dumating ito sa kanya, at darating rin ito sa iyo at sa akin, nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin; kaunti rito, at kaunti roon” (D at T 128:21; tingnan din sa Isaias 28:10; 2 Nephi 28:30).
Kung kaya’t huwag panghinaan ng loob; ang proseso ng pagiging malakas ay unti-unti at nangangailangan ng pagtitiyaga na may matibay na determinasyong sundin ang Tagapagligtas at umayon sa Kanyang kalooban, anuman ang mangyari.
Nanumbalik ang Kaloob
Si William Tyndale, na nagsalin at naglimbag ng Biblia sa Ingles noong ika-16 na siglo, ay nagsabi sa isang edukadong lalaking tutol na mapasakamay ng mga karaniwang tao ang Biblia, “Kung ililigtas ng Diyos ang buhay ko, bago lumipas ang maraming taon titiyakin ko na mas marami pang alam ang isang batang magsasaka sa banal na kasulatan kaysa sa iyo.”10
Sa isang kataka-takang pagkakatulad pagkalipas ng 300 taon, si Nancy Towle, isang kilalang naglilibot na mangangaral noong 1830s, ay bumisita sa Kirtland upang personal na matyagan ang “mga Mormon.” Sa pakikipag-usap kay Joseph at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan, pinintasan niya nang matindi ang Simbahan.
Ayon sa tala ni Towle, walang sinabi si Joseph hanggang sa hinarap niya ito at sinabing sumumpa ito na may isang anghel na nagpakita sa kanya kung saan matatagpuan ang mga gintong lamina. Magiliw siyang sinagot nito na ni minsan ay hindi ito nanumpa! Sa kabiguang lituhin ito, sinubukan niyang maliitin si Joseph. “Hindi ka ba nahihiya, sa gayong mga pagkukunwari?” tanong niya. “Ikaw, na isa lamang ignoranteng taga-araro ng ating lupain!”
Kalmadong sumagot si Joseph, “Ang kaloob ay muling bumalik, tulad noong unang panahon, sa mga mangmang na mangingisda.”11
Ang mga salita ni Tyndale ay tila propesiya: isang batang taga-araro ang nagkaroon ng mas maraming kaalaman sa banal na kasulatan kaysa sa sinumang nabuhay, maliban sa Tagapagligtas.
Walang duda, ang naipanumbalik na Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi gawa ni Joseph Smith, na isang “taga-araro” ng lupain ng Amerika. Sa halip, ang mga ito ay ang gawain ng Panginoong Jesucristo na naipanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta. Habang pinagninilayan niya ang kanyang buhay, maaaring katulad ni Jacob noon ay nakita rin ni Joseph na “ipinaaalam sa amin ng Panginoong Diyos ang aming kahinaan upang malaman namin na dahil sa kanyang biyaya, at kanyang dakilang pagpapakababa sa mga anak ng tao, kung kaya’t may kapangyarihan kaming gawin ang mga bagay na ito” (Jacob 4:7).
Batid kong si Joseph Smith, noon at ngayon, ay isang propeta ng Diyos, na ginawang malakas mula sa kahinaan. Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naaalaala kong nakilala ko si Joseph Smith, ang Propeta.”12 Bagamat wala sa akin ang pribilehiyong ito sa mortalidad, nakadarama ako ng kapayapaan sa makatang pangako na “[itatanghal] si ‘Brother Joseph’ sa sandaigdigan.”13 Lubos akong nagpapasalamat sa Propeta at sa kanyang kababaang-loob sa harap ng ating Diyos, na ginawa siyang malakas. Pinapasigla rin ako ng kasaysayang ito at ng doktrina na ang Diyos ay gagawin tayong lahat na malakas mula sa kahinaan kung tayo rin ay magpapakumbaba sa harap Niya at isasabuhay ang ating pananampalataya sa Kanya kalakip ang matatag na determinasyon na gawin ang Kanyang kalooban.