Mensahe sa Visiting Teaching
Handang Magpasan ng Pasanin ng Isa’t Isa
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano ihahanda ng pagkaunawa sa layunin ng Relief Society ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan?
“Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, at kabaitan,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”1
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Nagkaroon ng malaking pagbabago sa puso ninyo nang maging miyembro kayo ng Kanyang Simbahan. Nakipagtipan kayo, at natanggap ninyo ang pangako na nagpabago sa inyong pagkatao. …
“… Nangako kayong tutulungan ang Panginoon na mapagaan ang [mga pasanin ng iba] at mapanatag. Binigyan kayo ng kapangyarihang tulungan na mapagaan ang mga pasaning iyon nang matanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo.”2
“Gusto nating gamitin ang liwanag ng ebanghelyo para makita ang iba gaya ng pagkakita sa kanila ng Tagapagligtas—may habag, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa,” sabi ni Jean B. Bingham, Relief Society General President. “Darating ang araw na lubos nating mauunawaan ang nadarama ng iba at magpapasalamat na tayo ay kinaawaan—tulad ng pag-iisip at pagsasalita natin nang maganda sa iba. …
“Ang ating obligasyon at pribilehiyo ay tanggapin nang taos-puso ang pagpapakabuti ng lahat habang sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas.”3
Habang pinapasan natin ang mga pasanin ng isa’t isa at tinutupad ang ating mga tipan, mas nagkakaroon tayo ng kamalayan sa kapangyarihang magpagaling ni Jesucristo. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung iisipin ang di-mawaring kahalagahan ng Pagpapako sa Krus at Pagbabayad-sala, ipinapangako ko sa inyo na hindi Niya tayo tatalikuran ngayon. Nang sabihin Niya sa mga aba sa espiritu, ‘Magsiparito sa akin,’ ibig Niyang sabihin ay alam Niya ang daan palabas at alam Niya ang daan paakyat. Alam Niya ito dahil ito ang Kanyang tinahak. Alam Niya ang daan dahil Siya ang daan.”4