Ang Ebanghelyo ni Jesucristo Isang Kanlungan at Proteksyon
Ang awtor ay naninirahan sa Curitiba, Brazil.
Ang mga itinuturo sa Doktrina at mga Tipan ay makapagbibigay sa atin ng proteksyon mula sa mga paghihirap na ating haharapin habang naghahanda tayo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Nais ng Panginoon na protektahan ang Kanyang mga tao. Noong panahon ng matinding pag-uusig sa Simbahan, binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng pagtitipon sa Sion “para maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo” (D at T 115:6; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang kanlungan at proteksyong ito ay makikita sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo habang ating “[sinasaliksik] ang mga kautusan” (D at T 1:37). Kaya nga, ating suriin ang ilang mga alituntuning matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan na kung maiintindihan at isasabuhay, ay maghahatid sa atin ng proteksyon at magiging kanlungan mula sa mga tukso, kasamaan, at iba pang mga panganib na ating kinakaharap ngayon.
Tayo ay Protektado Habang Hinahanap Natin ang Espiritu Santo
Ang pagsama sa atin ng Espiritu Santo ay maaaring maging kanlungan at proteksyon mula sa mundo. Ipinangako ng Panginoon na kung si Oliver Cowdery ay “gagamitin” ang kaloob ng paghahayag, “ito ang magliligtas sa iyo sa mga kamay ng iyong mga kaaway, kung saan, kung hindi ito magkagayon, papatayin ka nila at dadalhin ang iyong kaluluwa sa pagkawasak” (D at T: 8:4). Pansinin na sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu, si Oliver Cowdery ay maaaring maprotektahan mula sa kamatayan at kasalanan.
Ang pagtanggap ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay magtatanggol rin sa atin laban sa mga panuntunan ng mga tao at mula sa mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas. Ipinangako ng Panginoon na sila na “matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (D at T 45:57; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay sumusulat ng katotohanan sa ating mga puso at pinoprotektahan tayo mula sa panlilinlang.
Ngunit ang pakikinig sa mga dikta ng Espiritu ay hindi nangangahulugang mapoprotektahan tayo sa bawat pagsubok. Ang Bahagi 122 ng Doktrina at mga Tipan ay ipinapakita na kahit karapat-dapat tayo, maaari tayong makaranas ng mga kalungkutan at hamon sa buhay. Sa pananaw at karunungan ng Diyos, na “[nakaaalam ng] lahat ng bagay na ito” (D at T 127:2), “ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti” (D at T 122:7).
Tayo ay Protektado Habang Sinusunod Natin ang mga Buhay na Propeta
Noong araw na itinatag ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na pakinggan ang propeta:
“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;
“Sapagkat ang kanyang salita [ng Pangulo ng Simbahan] ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:4–6).
Sinabi sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan na “sila na hindi makikinig sa tinig ng Panginoon, ni sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, ni tatalima sa mga salita ng mga propeta at apostol, ay ihihiwalay sa mga tao” (D at T 1:14; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pakikinig at pagsasabuhay ng mga itinuturo ng mga buhay na propeta ay magdudulot ng proteksyon at seguridad, dahil sinasambit nila ang ukol sa ating mga kasalukuyang suliranin at sinasabi sa atin kung ano ang kailangan nating gawin upang mapagtagumpayan ang mga hamong ito. Napakalaking pagpapala ang magkaroon ng mga buhay na orakulo ng Panginoon.
Sa Doktrina at mga Tipan 101:43–62, gumamit ang Panginoon ng talinghaga tungkol sa isang taniman ng olibo upang ipakita ang kahalagahan ng pakikinig sa isang buhay na propeta. Inihambing ng talinghaga ang propeta sa isang tagapagbantay sa isang tore. Noong sinaunang panahon nagtayo ng mga tore ang mga tao kung saan ang isang tagapagbantay ay maaaring makita ang paligid sa labas ng lungsod at magbigay ng babala sa mga tao kapag paparating ang kalaban.
Nagsimula ang talinghaga sa: “Magtayo ng tore, upang ang isa ay matunghayan ang lupain na nasa palibot, upang maging isang bantay sa tore, upang ang aking mga puno ng olibo ay hindi masira kapag ang kaaway ay dumating upang sirain at kunin ang bunga ng aking ubasan” (talata 45; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa proteksyon at mga pagpapala na nagmumula sa pagsunod sa payo ng isang buhay na propeta: “Hindi ito maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng propeta ng Diyos sa ating kalagitnaan. … Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, ang ating tugon ay dapat positibo at agaran. Makikita sa kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan sa pagtugon sa payo ng propeta.”1
Mas mahalaga kaysa sa pisikal na proteksyon na nagmumula sa pakikinig sa mga propeta ang espirituwal na proteksyon. Kailangang-kailangan ito, dahil “si Satanas din ay nagnais na malinlang kayo, upang kanya kayong ibagsak” (D at T 50:3). Ang pakikinig sa mga propeta ay pinoprotektahan tayo mula sa mga pilosopiya ng mundo at ng [pambubulag at] pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang” (D at T 123:12).
Protektado Tayo Kapag Tapat Tayo sa Ating Asawa
Ipinapangako sa atin ng Panginoon na ang bago at walang hanggang tipan ng kasal ay maaaring tumagal magpakailanman (tingnan sa D at T 132:19). Ang doktrinang ito ng kadakilaan ay isang kanlungan mula sa mga kasinungalingan sa pakikipag-ugnayan na salot sa ating mundo. Bagama’t maraming makamundong tinig ang nagsasabi na ang kasal ay makaluma, nakakaabala, o hindi kailangan, ipinapahayag ng tinig ng Panginoon na, “Sinuman ang nagbabawal ng pagkakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao” (D at T 49:15).
Itinuturo sa atin ng Panginoon kung paano natin poprotektahan ang pagsasama ng mag-asawa: “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22).
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang likas na pagsaklaw sa lahat ng bagay ng kautusang ito:
“Kapag sinabi ng Panginoon na buo ninyong puso, hindi nito tinutulutan ang pagbabahagi ni paghahati ni pagkakait. At, sa kababaihan, ang ibig sabihin nito’y: ‘Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso at pumisan sa kanya at wala nang iba.’
“Ang mga salitang wala nang iba ay nag-aalis sa sinuman at anuman. Kung gayon ang kabiyak ang nakahihigit sa buhay ng bawat isa sa mag-asawa, at ni ang kasiyahan sa pakikihalubilo sa iba, ni pagtatrabaho, ni pulitika o anupamang ibang interes o tao o bagay ay hindi dapat higit na pahalagahan kaysa sa asawa.”2
Ang nakikita natin ay tunay na makakaapekto sa atin sa mabuti man o masama. Sa palagay ko ito ang dahilan kung bakit tayo binalaan ng Panginoon sa kasunod na talata: “At siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi makatatamo ng Espiritu; at kung hindi siya magsisisi siya ay ititiwalag” (D at T 42:23; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Upang maprotektahan mula sa mga pagsalakay ng kaaway, ang ating mga mata at puso ay dapat lamang nakabaling sa ating asawa at sa Panginoon. Huwag na nating igala ang ating mga mata o pagnasaan ang isang tao maliban sa ating asawa. Kailangan nating ikandado ang ating puso at isipan upang maprotektahan mula sa tuksong ito. Ito ang resipe ng Panginoon para sa matagumpay na pagsasama ng mag-asawa.
Protektado Tayo Habang Naglilingkod sa Misyon
Marami tayong pagkakataon na maglingkod sa Simbahan, at ang Panginoon ay “nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa [Kanya]” (D at T 76:5). Itinuturo ng Doktrina at mga Tipan ang mga dakilang alituntunin tungkol sa paglilingkod sa misyon.
Ipinapangako ng Panginoon na “sinuman ang hahayo at mangangaral ng ebanghelyong ito ng kaharian, at magpapatuloy na maging matapat sa lahat ng bagay, ay hindi mapapagod sa isipan, ni madidiliman, ni sa katawan, sa bisig, ni sa kasu-kasuan; at hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan ang kahit isang buhok sa kanyang ulo. At sila ay hindi magugutom, ni mauuhaw” (D at T 84:80). Pansinin na itinutulot ng Panginoon na dumanas tayo ng mga paghihirap ngunit nangangako na tayo ay nasa Kanyang banal na pangangalaga.
Idinagdag pa Niya, “Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88). Kung pinaglilingkuran natin Siya, “ito ay mangyayari na ang kapangyarihan ay mapapasaiyo; ikaw ay magkakaroon ng malaking pananampalataya, at ako ay mapapasaiyo at magpapauna sa iyong harapan” (D at T 39:12). Yaong mga naglilingkod sa misyon nang buong-puso nila ay pinangakuan na sila “ay pagpapalain kapwa sa espirituwal at temporal” (D at T 14:11).
Ibinibigay din ng Panginoon ang proteksyong ito sa mga pamilya ng mga naglilingkod: “Ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng isang pangako na ako ang tutustos para sa kanilang mga mag-anak; at isang mapakikinabangang pintuan ang mabubuksan para sa kanila, mula ngayon” (D at T 118:3).
At ang matatapat na missionary ay pinangakuan na “ang [inyong] mga kasalanan ay patatawarin, at [kayo] ay makapapasan ng bungkos sa [inyong] likod” (D at T 31:5). Ang pagpapalang ito ay kanlungan para sa ating mga kaluluwa.
Protektado Tayo Kapag Sinusunod Natin ang Batas ng Ikapu
Sa Doktrina at mga Tipan nakikita natin ang mga sumusunod na katuruan na may kinalaman sa ikapu: “Masdan, ang panahong ito ay tinawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan ito ay araw ng paghahain, at araw ng pagbabayad ng ika-sampung bahagi ng aking tao” (D at T 64:23).
Gusto kong sabihin na ang batas ng ikapu ay salungat sa matematika dahil ang 90 ay magiging higit kaysa 100. Sa pagbibigay natin sa Panginoon ng 10 porsiyento ng ating kita, ipinapangako Niya na “bubuksan [Niya] sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog [Niya] sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10; tingnan din sa 3 Nephi 24:10).
Upang masuri kung gaano kalakas ang ating pananampalataya, maaari nating tingnan ang ating saloobin tungkol sa batas ng ikapu. Ang pagbabayad ng ikapu ay hindi tungkol sa pera kundi tungkol ito sa pananampalataya.
Itinuturo sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sa pagdedesisyon natin ngayon na magbayad ng buong ikapu at sa patuloy na pagsisikap na sundin ito, mapapalakas ang ating pananampalataya at, darating ang panahon na lalambot ang ating mga puso. Dahil sa pagbabagong iyon sa ating puso na dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na higit pa sa pagbibigay ng ating salapi at iba’t ibang bagay, ay nagiging posible na mangako ang Panginoon, sa mga nagbabayad ng buong ikapu, ng proteksyon sa mga huling araw [tingnan sa D at T 64:23]. Makakaasa tayong magiging marapat tayong mabiyayaan ng proteksyon kung mangangako tayo ngayong magbayad ng buong ikapu at patuloy na gagawin ito.”3
Tayo ay Protektado Kapag Sinusunod Natin ang Word of Wisdom
Nabubuhay tayo sa panahong ang ating kalusugan ay maaaring bantaan ng maraming mapanganib na elemento. Ang Panginoon, batid kung ano ang ating hinaharap, ay nagturo kay Propetang Joseph Smith noong 1833, na “dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyang-babala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag” (D at T 89:4).
Yaong mga sumusunod sa batas ng Panginoon ukol sa kalusugan ay tatanggap ng pangako na sila ay “tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at sa kanilang utak-sa-buto [pisikal na kalusugan]; at makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan [intelektwal at espirituwal na mga pagpapala]; at tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina [pisikal na kalusugan].”
At ipinangangako ng Panginoon ang kaligtasan sa mga susunod sa batas na ito: “At ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng pangako, na ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin” (D at T 89:18–21).
Hindi nito ibig sabihin na hindi tayo mamamatay, sapagkat ang kamatayan ay bahagi ng walang-hanggang plano. Ngunit ang “mapangwasak na anghel, siya na dumarating upang parusahan ang masasama dahil sa kanilang mga kasalanan, tulad noong sinaunang panahon na pinarusahan niya ang mga tiwaling taga-Ehipto sa kanilang kasamaan [tingnan sa Exodus 12:23, 29], ay lalampasan ang mga Banal.”4
Tayo ay Protektado Habang Tumatayo Tayo sa mga Banal na Lugar
Paulit-ulit tayong inuutusan ng Panginoon na “tumayo sa mga banal na lugar” (tingnan sa D at T 45:32; 87:8; 101:22). Walang alinlangang ang ating mga templo ay mga banal na lugar. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na:
“Kung nauunawaan natin ang ating ginagawa, ang kaloob ay magiging proteksyon sa atin habang tayo ay nabubuhay—proteksyong hindi ibibigay sa taong hindi nagpupunta sa templo.
“Narinig kong sinabi ng aking ama [Pangulong Joseph F. Smith] na sa oras ng pagsubok, sa oras ng tukso, iniisip niya ang mga pangako, ang mga tipang ginawa niya sa Bahay ng Panginoon, at naging proteksyon ang mga iyon sa kanya.”5
Kasama ng mga templo, ang mga chapel at mga silid-aralan ng mga meetinghouse ng Simbahan at ang ating mga tahanan ay inilaan na mga banal na lugar. Ang mga lugar na ito ay banal kapag ang mga taong nakatira dito ay dalisay ang puso at isinasabuhay ang mga kautusan ng Diyos. Kapag sumusunod tayo sa mga kautusan, tinatamasa natin ang pagsama, patnubay, at kapanatagang hatid ng Espiritu Santo. Kung maaaring Siya ang palagi nating makakasama, tiyak na makatatayo tayo sa mga banal na lugar.
Konklusyon
Nakita natin sa Doktrina at mga Tipan ang iba’t ibang anyo ng proteksyon na ibinibigay sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo kapag hinahanap natin at isinasabuhay ang mga alituntuning ito. Maitatanong natin kung saan matatagpuan ang proteksyong ito.
Ang Panginoon, sa pagpapakita ng Kanyang pagmamahal at awa sa mga Banal, ay nangako na Siya ay makakasama natin: “Magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna, at hindi ko kayo pinabayaan” (D at T 61:36). “Masdan, … wika ng Panginoon ninyong Diyos, maging si Jesucristo, ang inyong tagapamagitan, na nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso” (D at T 62:1).
Kapag isinasagawa natin ang Pagbabayad-sala at mga turo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa ating buhay, makatatanggap tayo ng proteksyon at kanlungan na nagbibigay-lakas sa atin na mapagaan ang mga pasanin natin, magapi ang mga kasalanan at paghihirap, at gawin tayong mga Banal.