Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Regalo ng Pamilya Para sa Tagapagligtas
Sa pagsapit ng Disyembre, abala akong naghahanda sa inaasahang maraming gawain sa panahon ng Pasko. Sa loob ng apat na taon, ginaganap sa aming tahanan ang pagdiriwang ng Pasko, ngunit ngayong taon tila nataranta ako sa dami ng gagawin. Nang pag-usapan naming mag-asawa ang lahat ng kailangan naming gawin—bumili ng mga regalo, maghanda ng pagkain, at iba pang mga bagay—nagpasiya kaming kanselahin ang handaan at iba ang gawin sa Paskong iyon. Nais naming gumawa ng bagay na maaari naming ihandog bilang regalo sa Tagapagligtas.
Buong Disyembre, nagdaos kami ng mga family home evening tungkol sa buhay ni Jesucristo, nagpunta sa templo, at nagplano ng mga proyektong serbisyo ng pamilya. Ang asawa ko ang bishop noong panahong iyon, at napagkasunduan naming sa araw ng Pasko ay aawit kami para sa lahat ng mga balo sa ward. Kasama ang buong pamilya, nagsimula kaming magsanay sa pagkanta ng ilang himno. Gustung-gusto ng mga anak ko na awitin ang “Doon sa Sabsaban” (Mga Himno, blg. 123).
Sa Bisperas ng Pasko, gumawa kami ng mga card na may espesyal na mensaheng Pamasko at naghanda ng mga pagkain na dadalhin namin sa aming pagbisita. Tuwang-tuwa akong makita ang pamilya ko na nagkakaisa at masayang pinaglilingkuran ang ibang tao nang buong pagmamahal. Nadama ko ang diwa ng Pasko.
At sa araw ng Pasko, sabik na sabik ang mga anak namin na bumisita. Sa bawat tahanang aming dinalaw noon, mas nagagalak kami, at tila ang mga himno ay naging mas maganda sa bawat pagkanta namin. Nang dumating kami sa huling bahay, parang walang tao roon. Naghintay kami ng ilang minuto, at nagsimulang mainip ang mga bata. Hindi nagtagal, isang matandang balo ang lumabas upang salubungin kami suot ang kanyang damit pangsimba at maayos ang kanyang buhok. Nang makita niya kami, napaluha siya. Naging emosyonal din ako at halos hindi ako makakanta.
Nang papauwi na kami, sinabi ng anak kong limang taong gulang na ayaw pa niyang umuwi at sa halip ay gusto pa niyang kumanta. Bago ako makasagot, sinabi ng siyam na taong gulang kong anak na, “Uulitin na lang natin ito sa isang taon!”
Para sa pamilya ko, ito ay hindi malilimutang Pasko sapagkat pinasaya namin ang iba at ipinakita ang aming pagmamahal kay Jesucristo. Habang iniisip ko ang mga nangyari noong araw na iyon, naramdaman ko ang pagmamahal ng Panginoon at naalala ang Kanyang mga salita, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).