2017
Magiting sa Layon ni Cristo
December 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Magiting sa Layon ni Cristo

Mula sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 413–17.

Gaano ka man kabuti, may ibubuti ka pa.

Larawan
woman smiling

Itinataguyod ko ang layon ni Cristo at ang kabutihan, kalinisang-puri, at matwid at matatag na pag-uugali, at isang banal na pamumuhay.

Naniniwala ako sa pamumuhay nang mabuti, matwid at banal na buhay sa harapan ng Diyos at palagay ko’y tungkulin kong hikayatin ang lahat ng taong sakop ng aking kapangyarihan na gawin din ang gayon, upang tumigil sila sa paggawa ng kasamaan at matutong gumawa ng kabutihan, at lansagin ng katuwiran ang kanilang mga kasalanan.

Sa pagpapatatag ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bawat mabuting katangiang nagpapaganda sa mga anak ng pinagpalang si Jesus, makapagdarasal tayo sa panahon ng pagdarasal; maaari nating mahalin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, at maging tapat sa oras ng paghihirap, batid na higit ang gantimpala sa gayon sa kaharian ng langit. Kaylaking kaaliwan! Kaylaking kagalakan! Hayaan ninyong mamuhay ako sa kabutihan, at hayaang matanggap ko ang gantimpalang gaya ng sa kanya! …

Bilang isang taong labis na naghahangad ng kaligtasan ng tao, hayaan ninyong ipaalala ko sa inyong lahat na maging lubhang masigasig para sa kabutihan, kabanalan, at mga utos ng Panginoon. Maging mabuti, maging matalino, maging makatarungan, maging mapagbigay [ng inyong kabuhayan]; at higit sa lahat, maging maawain, laging nananagana sa mabubuting gawa. …

Maging mahinahon at mapagpakumbaba, matwid at dalisay; suklian ng kabutihan ang kasamaan. … Maging mapagpakumbaba at matiyaga sa lahat ng sitwasyon sa buhay; sa gayo’y magiging higit na maluwalhati ang ating tagumpay.

Nais naming payuhan ang ating mga kapatid nang may katapangan, na maging mapagpakumbaba at madasalin, na tunay na mamuhay bilang mga anak ng kaliwanagan at ng araw, nang kaawaan sila na mapaglabanan ang bawat tukso, at madaig ang bawat kasamaan sa karapat-dapat na pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.

Ang pagmumuni-muni na lahat ay tatanggap ayon sa sarili niyang kasipagan at tiyaga habang nasa ubasan, ay dapat magbigay-inspirasyon sa lahat ng tinawag na maging lingkod ng masasayang balitang ito. …

Ang tiwala natin ay nasa Diyos, at determinado tayo, ayon sa Kanyang awa, na manatiling tapat sa layon hanggang wakas, nang tayo ay putungan ng mga korona ng kaluwalhatiang selestiyal, at pumasok sa kapahingahang nakahanda para sa mga anak ng Diyos. …

Gaano ka man kabuti, may ibubuti ka pa. Banal ang pagtitiyaga, marangal ang pagsunod, maawain ang pagpapatawad, at maka-Diyos ang kadakilaan; at siya na mananatiling matapat hanggang wakas ay hindi pagkakaitan ng kanyang gantimpala. Ang mabuting [lalaki o babae] ay titiisin ang lahat ng bagay upang papurihan si Cristo.

Print