Mga Larawan ng Pananampalataya
Josephine Scere
Pennsylvania, USA
Ang paglalaan ng Philadelphia Pennsylvania Temple noong 2016 ay nagbigay ng pagkakataon kay Josephine na makapunta rito linggu-linggo. Sa templo ay nakadarama siya ng lakas at paghilom sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.
Leslie Nilsson, Retratista
Isinilang akong hirap sa buhay. Ang aking ina ay isang dayo mula sa Liberia, mahirap kami, at inabuso ako noong bata pa ako habang nasa pangangalaga ng mga taong akala ng aking ina ay mapagkakatiwalaan. Ang mga ito ang tunay na nagpahirap sa ilang bagay sa buhay ko.
Kapag nagsimula ang iyong mga pagsubok bago sumapit ang edad na may pananagutan, sa palagay ko ay maaari kang magkaroon ng malalim na ugnayan sa Tagapagligtas. Ang ugnayang iyan ang pinakamagandang pagpapala para sa akin, at hinding-hindi ko ito tatalikuran.
Ang naging dahilan ng pananatili kong determinado na ipamuhay ang ebanghelyo ay ang mga pagsubok sa buhay ko.
Itinitimo ng kulturang Aprikano ang pagmamahal sa Diyos sa iyong puso sa murang edad pa lamang. Naalala ko ang lola ko noong tinuturuan niya ako ng Ama Namin noong apat na taong gulang ako. Itinimo niya sa aking puso kung gaano kahalaga ang magkaroon ng personal na ugnayan sa Tagapagligtas. Talagang totoo ito para sa akin.
Dumating ang ebanghelyo sa buhay ko sa tamang panahon. Ako ay 14 na taong gulang noon. Dumating ito sa pamamagitan ng isang senior missionary couple na sina Glenn at JoAnne Haws, na ipinamumuhay ang bawat salitang itinuro nila sa akin. Tinuruan nila ako.
Naging miyembro ang aking ina noong 1995. Ito ay noong panahon ng digmaang sibil sa Liberia. Namatay ang ilan sa kanyang mga kapatid sa digmaan. Pagkatapos, ang ama ng nakababata kong kapatid, na kasama noon ng aking ina, ay napatay dito sa Amerika. Napakahirap na panahon iyon para kay Inay, at hindi na siya naging aktibo.
Hindi sinabi sa amin noon ng aking ina na miyembro siya ng Simbahan. Naalala ko lamang na may nakita akong mga ekstrang banal na kasulatan sa kanyang mesa. Nang magpunta sina Elder at Sister Haws para mag-fellowship at magturo sa kanya, sinabi nila, “Ayaw mo bang malaman ng anak mo ang nalalaman mo?” Bininyagan ako noong Mayo 21, 2000.
Mahirap ang buhay ikaw man ay Banal sa Huling Araw o hindi. Ang lakas ko ay nagmumula sa pakikipag-ugnayan ko sa aking Tagapagligtas at sa aking anak na si Enoch. Ang pagtupad sa mga tipan na ginawa ko sa templo ay nagbibigay-lakas din sa akin.
Ang templo dito sa Philadelphia ay may malaking impluwensya sa siyudad na ito. Nasa templo ako halos araw-araw noong open house. Ang mga tao ay hhinto at tititig at tulalang nakatingin sa templo. Nagbabantay ako isang gabi, at may babaeng lumapit at nagtanong sa akin, “Ano ba ang gusaling ito?”
Sinabi ko sa kanya, “Ito ay isang gusali kung saan ang matatapat na miyembro ng Simbahan ng mga Banal sa Huling Araw ay nakakapasok at gumagawa ng mga tipan sa Panginoon.”
Napatungo siya at sinabing, “Kinikilabutan ako.”
Nang sandaling iyon ay natigilan ako sa naisip ko. Ang babaing ito ay taga-Philadelphia. Wala siyang alam sa nangyayari, ngunit nararamdaman niya ang Espritu nang ganoon kalakas dahil totoo ang ebanghelyo.
Ang katotohanan ay katotohanan, anuman ang mangyari. Hindi mo kailangang makipagtalo tungkol dito. Hindi mo kailangang patunayan ito. Ganoon lang talaga ito. Totoo ito, at totoo ito para sa lahat. Totoo ito para sa mga taong naninirahan sa Salt Lake City, Utah, at totoo ito para sa mga taong naninirahan sa lugar ng mga iskuwater ng Philadelphia. Palagay ko ito ang dapat patuloy na makahikayat sa atin.