Mensahe ng Unang Panguluhan
Paghahanap kay Cristo sa Pasko
Sa lahat ng naghahangad na maunawaan kung sino tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, gusto kong mag-alay ng panimula na inilalarawan ng apat na salitang ito: Hinahanap Natin si Cristo.
Hangad nating matuto sa Kanya. Sumunod sa Kanya. Maging higit na katulad Niya.
Araw-araw sa buong taon, hinahanap natin Siya. Ngunit lalo na sa panahong ito ng taon—Pasko, kung kailan ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas—mas nakakiling ang ating puso sa Kanya.
Bilang bahagi ng ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko, isipin natin kung paano naging handa ang mga taong nabuhay dalawang milenyo na ang nakararaan na malugod na tanggapin ang pagdating ng Tagapagligtas.
Ang mga Pastol
Wala tayong gaanong alam tungkol sa mga pastol, kundi na sila ay “nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.”1 Mas malamang na ang mga pastol ay medyo ordinaryong mga tao, gaya ng maraming mabubuting tao na naghahanapbuhay araw-araw.
Maaari silang kumatawan sa mga tao na noong minsan ay maaaring hindi naging aktibo sa paghahanap sa Cristo, ngunit nagbago ang puso nang mabuksan ang kalangitan at ipinahayag ang Cristo sa kanila.
Sila yaong agad nagtungo sa Betlehem, matapos marinig ang tinig ng mga sugo ng langit, sa kagustuhang makita ang Cristo.2
Ang mga Pantas
Ang mga Pantas ay mga iskolar na pinag-aaralan ang pagdating ng Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral, natukoy nila ang mga palatandaang nagturo sa Kanyang pagsilang. Nang matukoy nila ang mga ito, nilisan nila ang kanilang mga tahanan at naglakbay patungong Jerusalem, na nagtatanong, “Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio?”3
Hindi nanatiling nakabatay lamang sa karunungan nila ang kanilang kaalaman tungkol kay Cristo. Nang makita nila ang mga palatandaan ng Kanyang pagsilang, kumilos sila. Naglakbay sila upang hanapin ang Cristo.
Maaaring kumatawan ang mga Pantas sa mga taong naghahanap sa Cristo sa pamamagitan ng pagkatuto at akademikong pag-aaral. Ang kanilang debosyon sa katotohanan kalaunan ay umaakay sa kanila na hanapin ang Cristo at sambahin Siya bilang Hari ng mga hari, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.4
Simeon at Ana
Sina Simeon at Ana ay maaaring kumatawan sa mga taong naghahanap kay Cristo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang kahanga-hangang mga taong ito ay matatag ang pananampalataya at, sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin at sa pamumuhay nang tapat at pagsunod, sabik nilang hinintay na makita ang araw ng pagparito ng Anak ng Diyos.
Sa pamamagitan ng katapatan, pagpapakumbaba, at pananampalataya, matiyaga silang naghintay sa pagparito ng Tagapagligtas.
Sa huli, ginantimpalaan ang kanilang katapatan nang ipakita sa kanila nina Maria at Jose ang sanggol na balang-araw ay papasanin sa Kanyang Sarili ang mga kasalanan ng sangkatauhan.5
Mga Nananalig sa Hanay ng mga Nephita at Lamanita
Ang nakaaantig na kuwento tungkol sa kung paano nagmasid ang mga mananampalataya sa Bagong Daigdig sa mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa Aklat ni Mormon.
Maaalala ninyo na ang mga taong may pananampalataya kay Cristo ay kinutya at inusig. Pinaratangan ng mga sopistikado sa panahong iyon ang mga mananampalataya na pilit silang naniniwala sa mga walang kabuluhang pamahiin. Sa katunayan, masyadong masalita ang mga walang pananalig sa kanilang pangungutya kaya sila ay lumikha ng “malaking pagkakaingay” sa lupain (3 Nephi 1:7). Nilibak nila ang mga naniniwala na isisilang ang Tagapagligtas.
Sukdulan ang kanilang galit at poot kaya naging abala sila sa pagpapatahimik nang lubusan sa mga nanalig sa Tagapagligtas. Nakatala sa Aklat ni Mormon ang madulang kinalabasan nito.6
Ang mga nananalig na nabuhay sa panahong ito ay maaaring kumatawan sa mga naghahanap sa Cristo kahit nagtatawanan, nanlilibak, at nanunuya ang iba. Hinahanap nila si Cristo kahit sabihin ng iba na sila ay hindi pino, simple, o madaling maloko.
Ngunit ang pag-alipusta ng iba ay hindi hadlang sa mga tunay na nananalig sa paghahanap kay Cristo.
Hinahanap Natin si Cristo
Sa buong taon, at lalo na marahil sa Kapaskuhang ito, makabubuti sa atin ang muling magtanong ng “Paano ko hinahanap si Cristo?”
Sa isang mahirap na panahon sa kanyang buhay, isinulat ng dakilang si Haring David, “O Dios, ikaw ay Dios ko; hahanapin kitang maaga: kinauuhawan ka ng aking kaluluwa, pinananabikan ka ng aking laman.”7
Marahil ang saloobing ito na hanapin ang Diyos ay isa sa mga dahilan kaya inilarawan si David bilang isang taong kinalulugdan ng Diyos.8
Sa Kapaskuhang ito at sa buong taon, maaari nating hangarin sa ating puso’t kaluluwa ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Banal ng Israel. Sapagkat inilalarawan ng pagnanais na ito, kadalasan, hindi lamang kung sino tayo bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kundi higit pa rito ay kung sino tayo talaga bilang mga disipulo ni Cristo.