Muling Natagpuan ang Kanyang Pananampalataya
Ang daan pabalik ay hindi palaging madali, ngunit ito ay palaging nariyan.
Ang mga salitang “At … nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala” (1 Nephi 8:28) ay maaaring hindi nagbibigay ng pag-asa sa marami sa atin habang binabasa natin ito sa Aklat ni Mormon. Medyo kabaligtaran ito, kung tutuusin. Napakadaling mag-isip ng malungkot na wakas para sa pangkat na ito ng mga tao na inilarawan sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay—ang pangkat na tumikim ng prutas at pagkatapos ay iniwan ito.
Ngunit si Te Oranoa M., edad 17, mula sa New Zealand, ay may ibang pananaw sa mga bagay na ito. “Ang nakapagbigay-inspirasyon sa akin sa banal na kasulatang ito,” sabi niya, “ay hindi nito sinabing habambuhay na silang nawala.”
Pambihirang pananaw! At ito ay mula sa personal na karanasan. “Ako, mismo, ay napalayo sa Simbahan,” sabi niya, “ngunit nagawa kong makabalik.”
Paglaho
Lumaki si Te Oranoa sa Simbahan at ikinuwento ang pagkakaroon niya ng sariling patotoo at maging ang pagtatakda ng mga espirituwal na mitihiin. “Ngunit ang patotoong iyon ay nanghina,” sabi niya.
Sa ilang paraan, nakakita siya ng mga pagkakatulad kay Amulek, lalo na nang ilarawan ni Amulek ang kanyang sarili sa mga tao ng Ammonihas: “Gayon pa man, tinigasan ko ang aking puso, sapagkat ako ay tinawag nang maraming ulit at ako ay tumangging makinig; kaya nga nalalaman ko ang hinggil sa mga bagay na ito, gayon pa man, ako ay hindi makaaalam” (Alma 10:6).
Para kay Te Oranoa, maraming personal na kahulugan ang banal na kasulatang iyon. “Tulad ni Amulek, alam ko ang lahat ng mga espirituwal na bagay na ito, at sinasabihan ako ng Espiritu na gawin ang ilang bagay, ngunit dahil may katigasan ang ulo ko at medyo mapagmataas ako, hindi ko ginawa ang mga ito. Kalaunan, ang patotoo ko ay parang naglaho na.”
Sa huli, ang kuwento ni Amulek ay hindi lamang naging pamilyar kay Te Oranoa. Ito ay naging hudyat din pabalik sa tamang daan.
Paggunita sa Magandang Alaala
Kahit noong panahong nanghina ang kanyang pananampalataya, naaalala pa rin niya ang magagandang karanasan noon. Hindi nakalimutan ni Te Oranoa ang naramdaman niya nang pumunta siya noon sa templo kasama ang kanyang youth group o sa youth conference.
“Nauulit ang mga pangyayari,” sabi niya. “Napakaganda ng pakiramdam ko kapag nagpupunta ako sa simbahan, ngunit hindi maganda ang pakiramdam ko kapag hindi ako nakakapunta sa simbahan.”
Sa wakas ay dumating ang araw na nagdesisyon si Te Oranoa na subukan kung madarama niyang muli ang magagandang pakiramdam na iyon. Ang una niyang ginawa ay binasa niya ang mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya.
Isang mensahe ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2016, ang “Matuto kina Alma at Amulek” ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Ikalawang Tagapayo ng Unang Panguluhan, ang pumukaw sa kaluluwa ni Te Oranoa. Natanto niya ang maraming bagay sa kanyang buhay at damdamin nang ilarawan ni Pangulong Uchtdorf kung paano naglaho ang pananampalataya ni Amulek. Naalala rin niya nang higit kaysa dati ang kaligayahang nadama niya noong mas malakas pa ang kanyang pananampalataya. Noong araw ding iyon, nais niyang gumawa ng mga pagbabago.
“Umasa ako na may makikitang makapagpapaningas muli ng aking patotoo,” paliwanag niya, “kaya’t binasa ko ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf, at oo, sumigla ang aking pakiramdam!”
Pag-asa sa Kawalang-Hanggan
Ang pagbalik ni Te Oranoa sa pananampalataya ay hindi laging madali, ngunit may partikular na liwanag sa dulo ng lagusan na siyang humihikayat sa kanyang magpatuloy: ang pag-asa sa walang-hanggang pamilya.
“Ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama nang walang hanggan,” sabi niya. “Ito ang pinakamalaki kong pangarap, pinakamalaki kong pag-asa sa buhay. Tuwing may nais akong malaman tungkol sa isang bagay, o nakakita ako ng doktrina na mahirap maintindihan, sinusubukan ko itong iugnay sa mga walang-hanggang pamilya. Halimbawa, bakit mahalaga sa akin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Ang isang dahilan ay kailangan ko ang Kanyang Pagbabayad-sala sa buhay ko upang maging karapat-dapat ako na pumasok sa templo at mabuklod sa pamilya ko sa kawalang-hanggan.”
Pagbalik sa Diyos
Marahil ay dapat lamang nating tandaan na ang mga tao sa pangitain ni Lehi na lumayo matapos tikman ang prutas, ay nalalasahan pa rin ito noong mga panahong iyon kahit lumayo sila. Marahil ay nalaman nila na masarap ito, kahit saglit lamang. At maaari nila itong matuklasang muli. Ito ang pag-asang pinaniniwalaan ni Te Oranoa, para sa kanyang sarili at sa iba.
“Hindi mo kailangang magpatuloy pababa sa mga ipinagbabawal na daan na iyon habambuhay,” sabi niya. “Maaari kang bumalik sa Panginoon kahit kailan mo gusto.”