2017
Pagbabahagi ng Pagmamahal ng Tagapagligtas sa Pasko
December 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagbabahagi ng Pagmamahal ng Tagapagligtas sa Pasko

Larawan
walking past homeless woman

Paglalarawan ni Julie Rogers

Tuwang-tuwa ako noon na makibahagi sa Christmas campaign ng Simbahan na “Maging Ilaw ng Sanglibutan” noong 2016. Talagang inasam ko na magawa ang pang-araw-araw na mga hamon, lalo na ang ikalimang araw: “Tinulungan ni Jesus ang mga maysakit, at kaya mo rin.”

Noong araw na iyon umalis ako ng trabaho at naglakad sa mahamog na kalsada ng siyudad na binabalak dalawin ang aking lolo at lola. Ang ganda ng pakiramdam ko. Panahon noon ng Pasko at napakaganda ng mundo. Ang tunog ng charity bell ay narinig sa buong paligid. Habang papalapit ako sa abangan ng trambya o sasakyan, ang tunog ng kampana ay hindi na marinig dahil sa pagsigaw sa bell ringer ng isang babaeng palaboy.

“Isa kang manloloko!” sigaw niya. “Gutom ako, giniginaw, at kinuha mo ang lahat! Manloloko ka!”

Hindi siya pinansin ng karamihan sa mga tao, at nagpatuloy sa pagpapatunog ng kampana ang bell ringer. Isinuot ko ang headphones ko, ngunit naririnig ko pa rin ang babaeng sumisigaw ng, “Manloloko ka! Gutom na ako. Giniginaw ako.”

Naalala ko na mayroon akong 20 dolyar sa aking bulsa. Inisip ko kung ibibigay ko ito sa babae. “Hindi,” naisip ko. “Kung ibibigay ko ito sa isang tao, dapat ibigay ko ito sa isang mabait na tao.” At ipinaalala sa akin ng Espiritu ang hamon at kung sino ang sinisikap kong tularan. Si Jesus ang Hari ng mga hari, subalit pinagsilbihan Niya ang pinakaaba sa lahat ng tao. Alam ko na ang kailangan kong gawin.

Lumakad ako palapit sa babae. Hindi na siya humihiyaw, ngunit nakapikit siya at tumutulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Kinuha ko ang 20 dolyar mula sa bulsa ko at iniabot ito sa kanya.

“Pangit ba ang araw mo?” tanong ko.

Tiningnan niya ako. “Oo,” sabi niya.

“Dinaramdam ko,” sabi ko. Niyakap ko siya, at umiyak siya sa balikat ko hanggang sa dumating ang trambya.

“Salamat,” sabi ng babae nang magpaalam na kami sa isa’t isa. “At hindi lamang dahil sa pera. Salamat sa yakap. Kailangan ko ito.”

Ang pagyakap sa kahit sino lamang sa daan ay isang bagay na hindi ko binalak gawin, ngunit alam kong ito ay isang bagay na siguradong gagawin ni Jesus. Nagpapasalamat ako na binigyan ako ng Panginoon ng pagkakataong paglingkuran ang iba na tulad ng Kanyang gagawin. Tinulungan ni Jesus ang mga maysakit, maralita, at nangangailangan. Kaya ko rin.

Print