2017
Luwalhati sa Dios sa Kataastaasan
December 2017


Luwalhati sa Dios sa Kataastaasan

Mula sa mensaheng ibinigay sa BYU Management Society–Salt Lake Chapter sa Siyudad ng Salt Lake, Utah, USA, noong ika-13 ng Disyembre, 2016.

Kapag kumikilos tayo ayon sa kalooban ng Panginoon—ginagawa ang Kanyang ipinag-uutos, pinasisigla ang mga nasa paligid natin—tayo ay nagpapatotoo na Siya ay buhay at mahal Niya tayo.

The Nativity

Ang Pagsilang ni Cristo, ni N. C. Wyeth

Pitong daang taon bago ipinanganak si Jesucristo sa Betlehem ng Judea, ipinahayag ng propetang si Isaias na, “Narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14).

Si Haring Benjamin, 125 taon bago ang kapanganakan ng Tagapagligtas, ay nagpahayag, “At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula; at ang kanyang ina ay tatawaging Maria” (Mosias 3:8).

Sa araw bago ipinanganak ang sanggol na si Jesus, si Nephi, na anak ni Nephi, ay nakarinig ng boses na nagsasabing, “Kinabukasan, paparito ako sa daigdig” (3 Nephi 1:13).

Kinabukasan, sa kabilang panig ng daigdig, ang batang si Cristo ay isinilang. Tiyak na ang Kanyang ina, si Maria, ay minasdan nang may pagpipitagan ang kanyang bagong silang na anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman.

Sa mga burol ng Judea na nakapaligid sa Betlehem, sinabi sa atin ni Lucas, ang mga pastol ay pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan (tingnan sa Lucas 2:8). Ang mga pastol na ito ay mga “makatarungan at mga banal na tao” (tingnan sa Alma 13:26) na magbibigay-saksi sa batang Cristo.

“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.

“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan.

“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. …

“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi,

“Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:9–11, 13–14).

Para na ninyong nakita ang tagpo sa Judea—ang kalangitan ay puno ng ningning ng napakarikit na bituin at mga koro mula sa langit na nagdiriwang sa natatanging pangyayaring ito. Ang mga pastol pagkatapos ay “dalidaling” (Lucas 2:16) nagsiparoon upang makita ang sanggol sa sabsaban. Pagdaka “ay inihayag nila” (Lucas 2:17) ang kanilang narinig at nasaksihan.

Bawat taon tuwing Pasko idinaragdag natin ang ating patotoo sa patotoo ng mga pastol—na si Jesucristo, ang literal na Anak ng buhay na Diyos, ay dumating sa isang sulok ng mundo na tinatawag nating Banal na Lupain.

Mapitagang nagsitungo ang mga pastol sa kuwadra upang sambahin ang Hari ng mga hari. Paano natin Siya sasambahin sa Kapaskuhang ito? Sa walang katapusang pamimili? Sa pagiging abala sa ating mga bahay, na naglalagay ng mga palamuti at nagbabalot ng mga regalo? Ganyan ba natin papupurihan ang ating Tagapagligtas? O tayo ba ay maghahatid rin ng kapayapaan sa mga pusong nalulungkot, kabutihan sa mga taong nangangailangan ng tulong ng langit, luwalhati sa Diyos sa ating kahandaang sundin ang Kanyang utos?

Sabi ni Jesus, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22).

Ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay may mabuting epekto sa mga mananampalataya sa buong mundo. Nasaksihan ko mismo ang sigasig mula sa mga islang nasa dagat hanggang sa kalawakan ng Russia na tumatanggap sa banal na salita ng Tagapagligtas.

Ang Mensahe ng Pasko

Isa sa naunang mga Banal na nagtipon sa Sion ay si Hannah Last Cornaby, na nanirahan sa Spanish Fork, Utah, USA. Sa mahihirap na unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, kung minsan ang tanda ng Pasko ay isang mamahaling kahel o kaya’y inukit na laruan o kaya’y basahang manika lamang—ngunit hindi palagi. Isinulat ni Hannah ang nangyari noong Disyembre 25, 1856:

“Bisperas na ng Pasko at ang aking mahal na mga anak, na lubos na nananalig, ay nagsabit ng kanilang mga medyas, iniisip kung ang [mga ito] ay [malalagyan ng laman]. Kahit masakit sa loob ko, itinago ko ang nadama kong lungkot, at tiniyak sa kanila na hindi sila kalilimutang regaluhan; at natulog sila na masayang umaasa na may regalo sila kinabukasan.

“Dahil wala ni kaunting asukal, hindi ko alam ang aking gagawin. Gayunpaman, hindi sila dapat malungkot. Pagkatapos ay naisip ko ang ilang kalabasa sa bahay na pinakuluan ko at piniga upang maialis ang tubig na magiging arnibal kapag pinakuluan pa ng ilang oras. Gamit ito, at kaunting pampalasa, nakagawa ako ng masa ng gingerbread, na ginawan ko ng iba’t ibang hugis, at inihurno ko sa kawali, (wala akong kalan) nilagyan ko ang kanilang mga medyas na nagpasaya sa kanila tulad ng sayang maibibigay ng pinakamatamis na kendi.”1

gingerbread cookies

Paglalarawan ni Doug Fakkel

Naisip ko sa kuwentong ito ang isang ina na magdamag na nagluto nang wala man lang kalan na magagamit. Ngunit talagang gustong niyang mapasaya ang kanyang mga anak, mapalakas ang kanilang pananampalataya, matiyak na sa kanilang tahanan ay “Kay-inam ng buhay!”2 Hindi ba’t ito ang mensahe ng Pasko?

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Ang ating mga pagkakataong tumulong ay tunay na walang hangganan, ngunit lumilipas din ang mga ito. May mga pusong pasasayahin. May mabubuting salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay.”3

Kapag kumikilos tayo ayon sa kalooban ng Panginoon—ginagawa ang Kanyang ipinag-uutos, pinasisigla ang mga nasa paligid natin—tayo ay nagpapatotoo na Siya ay buhay at mahal Niya tayo, anuman ang mga pagsubok sa atin sa buhay na ito.

Matapos sumapi sa Simbahan ang binyagang Scottish na si John Menzies Macfarlane kasama ang kanyang balong ina at kapatid na lalaki, silang tatlo ay naglakbay patungo sa Salt Lake City, Utah, noong 1852. Siya ay 18 taong gulang noon. Sa paglipas ng mga taon, siya ay naging surveyor, builder, at hukom ng distrito, ngunit mas nakilala siya dahil sa kanyang musika.

Inorganisa niya ang una niyang koro sa Cedar City, Utah, at dinala ang grupo sa iba’t ibang dako ng katimugang Utah. Matapos magtanghal sa St. George, si Elder Erastus Snow (1818–88), isang Apostol at pinuno ng kolonya, ay hinikayat si John na lumipat sa St. George at isama ang kanyang pamilya at musika.

Napakahirap ng buhay noong 1869, at hiniling ni Elder Snow kay Brother Macfarlane na magtanghal ng isang programang Pamasko na magpapasaya sa mga tao. Nais ni Brother Macfarlane ang isang bago at magandang kanta para sa pagtatanghal. Subalit sa kabila ng anumang pagsisikap na kanyang ginawa upang makakatha ng isang kanta, walang nangyari. Nagdasal siya para sa inspirasyon at nagdasal na muli.

Pagkatapos, isang gabi, ginising niya ang kanyang asawa at sinabing, “May mga titik na ako para sa kanta, at sa palagay ko ay may musika na rin!” Agad siyang pumaroon sa teklado ng kanilang maliit na organo at tinugtog ang himig, isinusulat ang musika habang hawak ng kanyang asawa ang gasera na nagbibigay ng kaunting liwanag na nakalutang sa isang mangkok ng langis. Dumaloy ang mga titik at musika:

Sa kapatagan sa may Judea,

Mga pastol may natanggap na balita:

L’walhati sa

L’walhati sa

L’walhati sa kaitaasan;

Mundo ay pumayapa,

Kabutihan sa madla!4

Si Brother Macfarlane ay hindi kailanman nakapunta sa Judea upang makita na ang kapatagan ay halos gaya ng mababatong gilid ng burol, ngunit ang magandang mensahe ng kanyang musika ay dumaloy mula sa kanyang kaluluwa bilang patotoo tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas sa Betlehem, pagsilang na magpapabago sa mundo magpakailanman.5

Nagpatotoo si John Menzies Macfarlane tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang musika, at si Hannah Last Cornaby ay nagpatotoo kay Cristo sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa mga bata. Tayo rin ay makapaglilingkod sa Panginoon at makapagbibigay-patotoo sa Kanya sa pamamagitan ng mga simpleng gawa nang walang-pag-iimbot. Tayo rin ay makagagawa ng kaibhan sa ating mga pamilya, ating mga ward, pinagtatrabuhan, at sa mga sakop ng ating mga responsibilidad.

Gumawa ng Kaibhan

Isang simpleng paraan upang makagawa tayo ng kaibhan ay ang paglahok sa taunang Pamaskong kampanya ng Simbahan sa social media. Ang kampanya ay dinisenyo upang tulungan ang mga Banal—at mga anak ng Diyos sa buong mundo—na magtuon ng pansin sa Tagapagligtas. Ngayong taon ang Simbahan ay maglulunsad ng isa pang pandaigdigang proyekto upang ipagdiwang ang pagsilang ni Cristo at upang hikayatin ang mga taong tularan Siya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba sa panahon ng Kapaskuhan.

Inuulit ng Simbahan ang matagumpay na tema nito noong nakaraang taon: “Maging Ilaw ng Sanglibutan” (tingnan sa Mormon.org). Nagmula ang tema sa Juan 8:12, na nagsasaad, “Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”

Kasama sa kampanya ang isang advent calendar at mga kaugnay na talata mula sa banal na kasulatan na nagbabahagi ng mga ideya sa mga tao upang maglingkod at ibahagi ang liwanag ng Pasko.

“Bawat isa sa atin ay dumating sa mundo na binigyan ng Liwanag ni Cristo,” sabi ni Pangulong Monson. “Habang tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at namumuhay at nagtuturo tayo na katulad Niya, ang liwanag na iyan ay mag-aalab sa ating puso at tatanglawan ang daan para sa iba.”6

Nakilala natin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa ng Kanyang ginawa. Habang naglilingkod tayo sa iba, dinadala natin sila—at ang ating sarili—palapit sa Kanya.

“Pangalang Higit sa Lahat ng mga Pangalan”

Sa panahon ng Kapaskuhan, sabik na sabik akong makasama ang aming maliit na apong si Paxton. Ipinanganak na may kakaibang genetikong karamdaman, dumanas si Paxton ng napakaraming problema sa kalusugan. Tinuruan ng Ama sa Langit ang aming pamilya ng maraming espesyal at nakaaantig na mga aral sa loob ng tatlong maiikling taong biniyayaan ni Paxton ang aming mga buhay.

Ang kapatid ko, si Nancy Schindler, ay nanahi ng isang napakagandang quilt o kubrekama bilang paggunita kay Paxton. Tinawag niya itong “Pangalang Higit sa Lahat ng mga Pangalan.” Tampok sa quilt o kubrekama ang 26 na pangalan ni Jesucristo—mga pangalang nagsisimula sa mga titik na A hanggang Z. Naaalala ko sa quilt o kubrekama ang paparating na maluwalhating muling pagtitipon ng aming pamilya kasama si Paxton na ginawang posible sa pamamagitan ng pagdurusa, sakripisyo, at Muling Pagkabuhay ng Tagapagligtas.

quilt

Nabigyang-inspirasyon ako ng quilt o kubrekama na simulang pag-aralan ang mga pangalan ni Jesucristo tulad ng inihayag sa mga banal na kasulatan. Ang pagsasaliksik sa Kanyang mga pangalan ay naging bahagi ng aking personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Sa ngayon, may natukoy na akong daan-daang pangalan ng Tagapagligtas.

Isa sa mga tungkulin ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at nakasaad sa Doktrina at mga Tipan, ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan, “Ang labindalawang naglalakbay na tagapayo ay tinawag na maging Labindalawang Apostol, o mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kamakailan lamang ay inimbitahan akong magsalita sa isang sacrament meeting sa Primary Children’s Hospital sa Salt Lake City. Nadama kong dapat akong magsalita tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga pangalan na puno ng pag-asa. Nagpatotoo ako tungkol sa Tagapagligtas bilang “maningning na tala sa umaga” (Apocalipsis 22:16), isang “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11), isang “Diyos ng mga himala” na pumailanlang “na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis” (2 Nephi 27:23; 25:13), “Ang Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6; 2 Nephi 19:6), at “ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan” (Juan 11:25).

Sa panahon ng Kapaskuhan, nais kong bigkasin ang iba’t ibang mga pangalan ng Tagapagligtas habang ako ay naglalakad patungo at pabalik mula sa aking opisina sa gitna ng mga Christmas light sa Temple Square. Nagsisimula ako sa A, “Alpha at ang Omega” (Apocalipsis 1:8); B “babe o sanggol” ng Bet-lehem (Lucas 2:12, 16); C, “Counselor o Tagapayo” (Isaias 9:6; tingnan sa 2 Nephi 19:6); D, “Deliverer o Tagapagligtas” (Mga Taga-Roma 11:26); E, “exalted one o hinirang” (Mga Awit 89:19); F, “founder of peace o tagapagtatag ng kapayapaan” (Mosias 15:18); at iba pa.

Sa buong Kapaskuhang ito, nasasabik akong kabisaduhin pa ang marami sa Kanyang mga pangalan at maghanap ng mga pagkakataong purihin ang Kanyang pangalan. Habang sinisikap mong gumawa ng kaibhan ngayong Kapaskuhan, umaasa ako na gagawin mong sentro ng iyong mga pagsisikap ang Tagapagligtas at iyong dadakilain Siya habang naglilingkod ka sa iba sa ngalan Niya.

Pinatototohanan ko na ang ating Walang Hanggang Ama ay buhay. Ang Kanyang plano ng kaligayahan ay lubos na nagpapala sa bawat buhay ng Kanyang mga anak sa lahat ng henerasyon. Alam kong ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, ang sanggol na isinilang sa Bet-lehem, ay ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo.

Ang mga salitang ito ng papuri ay nagsasabi ng katotohanan sa aking mga tainga: “L’walhati sa kaitaasan; kabutihan sa madla.”7

Mga Tala

  1. Hannah Cornaby, Autobiography and Poems (1881), 45–46.

  2. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  3. Thomas S. Monson, “Mamuhay Sana Tayo,” Liahona, Agosto 2008, 5.

  4. “Sa Kapatagan, sa May Judea,” Mga Himno, blg. 130.

  5. Tingnan sa Karen Lynn Davidson, Our Latter-day Hymns: The Stories and the Messages (1988), 223–24.

  6. Thomas S. Monson, “Maging Huwaran at Liwanag,” Liahona, Nob. 2015, 86.

  7. Mga Himno, blg. 130.