Mongolia’s Got Talent!
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA, at sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Iilang Mongolian lang ang nakakaalam tungkol sa Simbahan, ngunit ang korong ito ay nakatulong na mabago ito.
Noong Disyembre isang koro mula sa Ulaanbaatar Mongolia East at West Stake ang umabot sa semi-finals ng palabas sa telebisyon na napapanood sa buong bansa na Mongolia’s Got Talent. Ang koro—na binubuo ng mga estudyante ng seminary at institute—na ang kalahati ay mga returned missionary—ay hindi inakalang magkakaroon sila ng ganitong pagkakatoon na ibahagi ang kanilang mga paniniwala at talento.
Noong 2015, isang Area Seventy ang bumisita sa Mongolia at nagbigay ng training na may kinalaman sa gawain ng public affairs ng Simbahan. Si Odgerel Ochirjav, na president ng Ulaanbaatar Mongolia West Stake, ay hindi sigurado kung ano ang gagawin. Pagkatapos noong Enero 2016, tumawag ang kanyang bayaw at sinabing “Nanonood ako ng Mongolia’s Got Talent. … Malakas ang pakiramdam ko na dapat sumali ang koro ng inyong Simbahan.”
Tinalakay ni President Ochirjav ang ideya sa direktor ng koro na si Sister Unurjargal Purev. Natuwa sa ideya ang direktor at mga miyembro ng koro tungkol sa mga maaaring mangyari. Nakilala ang koro bilang Zion, o “SION,” isang acronym sa wikang Mongolian ng mga salitang espiritu, pananampalataya, isip, at pagkakaisa.
Ang Unang Round
Para sa unang round ng kompetisyon noong Marso 2016, nagtanghal ang SION ng mash-up (pinagsamang mga bahagi) ng dalawang kanta. Isa sa mga hurado ang nagsabing, “Nakita kong nagliwanag ang mga mukha ninyo! … Kailangan nating ilagay ang inyong video sa YouTube para maipakita sa mundo.”
Isa pang hurado ang nagtanong sa koro kung ano ang gagawin nila kapag napanalunan nila ang unang gantimpala na U.S. $50,000. Humanga siya nang sabihin nila na balak nilang ibigay ang lahat ng ito, bilang espesyal na regalong Pamasko, sa isang bahay-ampunan.
Ang Pangalawang Round
Sa 400 na kalahok, kasama ang SION sa 200 na umusad sa ikalawang round, ngunit ang pagtatanghal nila ay naiskedyul na kasabay ng isang multi-stake youth conference, kung saan ay kasama ang 35 miyembro ng koro. Nagpasiya ang koro na sumali sa ikalawang round, kung kaya’t umarkila sila ng bus at, matapos ang kanilang pagtatanghal, ay naglakbay nang walong oras papunta sa youth conference.
Sa 200 kalahok, kasama ang SION sa 32 na umusad sa semi-finals. Nagsimulang matampok ang koro sa social media na may kaugnayan sa Mongolia’s Got Talent.
Ang Semi-finals
Nagpraktis sila mula Hunyo hanggang Setyembre upang paghandaan ang semi-finals. Sa araw ng pagtatanghal, gumising sila nang alas-4:00 n.u. sa temperaturang -29 degrees F (-34 degrees C). Sinabi ni Sister Nomuungerel Enkhtuvshin, na isang miyembro ng koro, “Marami sa mga miyembro ng aming koro ang nagkasipon. Ngunit bumuti ang kanilang pakiramdam nang ipagdasal namin sila.”
Pinanood ng mga tao sa buong Mongolia ang palabas at itinext ang kanilang mga boto.
Sinabi ni Brother Shijir Purevdorj, “Dahil sa palabas na ito sa TV, marami sa mga tao ang nagkakaroon ng positibong saloobin sa Simbahan.”
Ang mga Pagpapapala
Ang mga miyembro ng koro ay nakatanggap din ng mga pagpapala. Sinabi ni Brother Odgerel Tumursukh, “Inilaan namin ang aming atensyon at oras nang buong taon habang nagtatrabaho kami at ginagawa ang iba pang mga bagay sa aming buhay. Bagama’t mahirap, tumanggap kami ng maraming pagpapala. Natutuhan kong pangasiwaan ang oras ko at magsakripisyo para sa Panginoon.”
Bukod sa paglago ng kanilang pananampalataya, ang mga miyembro ng koro ay nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili, nagkaroon ng mga kaibigan, at natutong magkaisa. “Ang pag-awit sa koro ay nakatulong sa aming matutuhan kung paano magpatawad at suportahan ang isa’t isa,” sabi ni Brother Ganbaatar Ulziiduuren. “Mas nagkaisa kami.” Natutuhan ni Sister Bilguunzaya Tungalagtuul na “hindi ko dapat pagdudahan ang sarili ko o isipin na hindi ko magagawa ang isang bagay.”
Sinabi ni Brother Bayartsogt Lhagvajav na, “Ang pag-awit sa koro ay nagdulot ng maraming pagpapapala sa aking pamilya, at nakatulong din ito sa akin para matanggap ko ang mga kasagutan na matagal ko nang hinahanap. Ang mga lider namin ay nagbigay sa amin ng [mga] solusyon. … Pinagtibay nito ang aking patotoo na ang mga lider natin ay tinawag ng Diyos.”
“Noong lumahok ako sa Mongolia’s Got Talent,” ipinaliwanag ni Sister Onon Dalaikhuu na, “Natutuhan ko na ang paghikayat at pagsuporta sa bawat isa [ang] susi sa [aming] tagumpay.” Kabilang sa mga tungkulin ni Sister Dalaikhuu ang pag-oorganisa ng mga miyembro ng grupo, na nakatulong upang mapalakas ang kanyang kakayahang mamuno. Idinagdag pa niya, “Naramdaman namin na ginabayan at tinulungan kami [ng] Diyos. Marami sa amin noon ang maysakit, abala, pagod, at nag-alala sa dami ng gagawin. Gayunman, nang magkakasama kaming nagdasal, nakadama kami ng mas matinding lakas at hangaring magtiis.”
Bagama’t ang koro ay hindi nakatanggap ng sapat na boto upang makapasok sa finals, dahil sa kanilang pagtatanghal ang Simbahan ay nakilala sa buong Mongolia. Ipinaliwanag ni President Ochirjav, “Naging masunurin kami sa ipinagawa sa amin ng mga priesthood leader namin, at ang Panginoon ay naghanda ng daan. … Pinag-uusapan ngayon ng buong lungsod [ng Ulaanbaatar] ang paglahok ng korong Mormon sa Mongolia’s Got Talent.”