2017
Paano Madarama ang Tunay na Diwa ng Pasko
December 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Madarama ang Tunay na Diwa ng Pasko

Mula sa 2013 Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan.

young man talking with old woman

Ang Pasko ay napakamaluwalhating panahon. Karamihan sa atin ay abala rin sa panahong ito. Umaasa at nananalangin ako na hindi tayo gaanong matuon sa kaabalahan ng kapaskuhan na maituon natin ang ating pansin sa mga maling bagay at malilimutan ang mga simpleng kagalakang dulot ng paggunita sa pagsilang ng Banal ng Betlehem.

Ang pagkakaroon ng tunay na kagalakang hatid ng Pasko ay hindi dumarating sa pagmamadali upang marami ang magawa. Natatagpuan natin ang tunay na kagalakan ng Pasko kapag sa Tagapagligtas nakatuon ang ating pansin sa panahon ng Kapaskuhan.

Ang pagdiriwang natin ng Pasko ay dapat kakitaan ng pagmamahal at pagiging di-makasarili na itinuro ng Tagapagligtas. Ang pagbibigay, hindi ang pagtanggap, ang siyang tunay na nagpapamukadkad sa diwa ng Pasko. Mas mabait tayo sa isa’t isa. Tumutulong tayo nang may pagmamahal sa mga kapus-palad. Lumalambot ang ating puso. Pinatatawad ang mga kaaway, ginugunita ang mga kaibigan, at sinusunod ang Diyos. Pinagliliwanag ng diwa ng Pasko ang inyong pananaw sa mundo, at nakikita natin ang abalang takbo ng buhay sa daigdig at nagiging mas interesado tayo sa mga tao kaysa sa mga bagay. Upang malaman ang tunay na kahulugan ng diwa ng Pasko, kailangan lang nating madama ang Diwa ni Cristo.

Nawa’y magbigay tayo tulad ng pagbibigay ng Tagapagligtas. Ang ialay ang sarili ay banal na regalo. Nagbibigay tayo bilang alaala ng lahat ng ibinigay ng Tagapagligtas. Nawa’y magbigay rin tayo ng mga regalo na walang-hanggan ang kahalagahan, kasama ng ating mga regalo na nasisira o nalilimutan kalaunan. Mas gaganda ang mundo kung lahat tayo ay nagbibigay ng mga regalo ng pang-unawa at pagkahabag, ng paglilingkod at pakikipagkaibigan, ng kabaitan at kahinahunan.

Sa pagkadama natin sa Kapaskuhan taglay ang lahat ng kaluwalhatian nito, nawa, gaya ng mga Pantas na Lalaki, hanapin natin ang maliwanag na bituin na gagabay sa ating pagdiriwang ng pagsilang ng Tagapagligtas. Nawa’y maglakbay ang diwa natin sa Betlehem, taglay ang magiliw at nagmamalasakit na puso bilang ating regalo sa Tagapagligtas.