2017
Ang Pasko sa mga Mata ng Anak Kong Babae
December 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pasko sa mga Mata ng Anak Kong Babae

Larawan
little girl at nativity scene

Paglalarawan ni Allen Garns

Isang payapang damdamin ang nadama namin ng pamilya ko habang naglalakad kami papasok sa isang kamalig upang panoorin ang isang buhay na belen. Nakahelera ang mga hayop sa mga kuwadra, at isang lalaki at isang babae, na gumaganap bilang Jose at Maria, ang nakatayo at karga ng babae ang isang sanggol. Tahimik sila at nakatuon ang pansin sa sanggol. Napakapayapa ng buong kapaligiran.

Ang mas nakatatanda kong mga anak, at kaming mag-asawa ay nakatayo samantalang ang bunso kong anak na babae ay nakaupo sa harap namin sa isang bunton ng mga dayami. Tahimik siya at walang kibo, at nakatitig siya sa sanggol. Nang handa nang umalis ang aking pamilya, ipinatong ko ang kamay ko sa balikat ng anak kong babae at ibinulong na oras na para umalis. Sinabi niya na nais niyang samahan ang sanggol na si Jesus. Naantig ako sa mga sinabi niya, at nagpasiya akong samahan siya.

Makalipas ang ilang minuto, marahan kong hinawakan ang kamay ng anak ko at sinabing kailangan na naming umalis. Sinabi niya na nais pa rin niyang manatili roon. Inakbayan ko siya at lumuhod sa kanyang tabi.

Hindi nagtagal ay naramdaman ko na parang naglakbay ako pabalik sa nakaraan at kasama sina Maria at Jose. Naintindihan ko na kung bakit nais ng anak ko na manatili roon. Lubos kong nadama ang Espiritu. Sa lugar na iyon, pakiramdam ko ay nasa piling ako ng Tagapagligtas. Napuno ng luha ang aking mga mata sa naramdaman kong pagmamahal Niya. Nang oras na para umalis, kinarga ko ang anak ko. Nang malapit na kami sa labasan, narinig kong nagpaalam siya sa sanggol na si Jesus at sinabi niya kung gaano niya Siya kamahal.

Noong gabing iyon nakasama ko ang aking anak sa isang karanasan na pahahalagahan ko habambuhay, at muntik ko nang mapalampas iyon. Noong gabing iyon, nabigyan ako ng regalo. Naramdaman kong mas malapit ako sa Diyos at naramdaman ko ang Kanyang pagmamahal sa akin. Nagpapasalamat ako sa Tagapagligtas at sa pagkakataong alalahanin ang Kanyang pagsilang. Alam ko na ang buhay, halimbawa, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang bumubuo ng isang napakagandang regalo ng walang-hanggang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak. Lagi kong pahahalagahan ang regalong ito sa kaibuturan ng aking puso.

Print