2017
Mas Maganda pa ang Magagawa Natin, Bahagi 2: Paghahanap ng Inyong Lugar sa Simbahan ni Jesucristo
December 2017


Mas Maganda pa Rito ang Magagawa Natin, Bahagi 2: Paghahanap sa Inyong Lugar sa Simbahan ni Jesucristo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Huwag hayaan ang iba na maging hadlang para matamasa ang mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo.

woman at church

Matapos ang walong taong hindi pagsisimba, tumanggap si Paulo (lahat ng pangalan ay binago) ng tawag sa telepono mula sa kanyang bishop sa Brazil at kinukumusta siya. Matagal nang gustong bumalik ni Paulo, ngunit maraming mga alalahanin ang pumipigil sa kanya sa lubusang pagkaaktibo. Paano niya maiiwasang ihambing ang sarili, na wala pa ring asawa, sa mga nag-asawa na at may mga anak? Magkakaroon ba siya ng mga kaibigan sa simbahan matapos ang napakatagal na panahon, at kung mayroon man, ano kaya ang iisipin nila tungkol sa kanya? Mararamdaman pa rin ba niya ang Espiritu tulad noong binyagan siya at noong nasa misyon siya o magkakaroon ba siya ng sapat na pananampalataya na tumanggap ng mga tungkulin?

Isang buwan matapos ang tawag na iyon sa telepono, napanood ni Paulo si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na nagbigay ng mensahe sa kumperensya na pinamagatang “Halina, Sumama sa Amin.”1 “Matindi ang tama sa akin ng mensaheng iyon,” paggunita niya, at sa loob ng ilang linggo ay natagpuan niya ang sariling nakaupo sa parking lot ng simbahan, nanginginig at nag-aalay ng tahimik na panalangin para magkaroon ng lakas ng loob na lumabas ng kotse at pumasok sa gusali.

“Lahat ay hindi perpekto,” paggunita niya sa kanyang unang taon matapos bumalik. Hindi madaling makibagay. Ngunit ang pakiramdam na pagkakaugnay sa Tagapagligtas at isang matinding hangaring magkaroon ng temple recommend ang tumulong sa kanyang mapaglabanan ang kanyang mga pangamba. Nagsimula siyang magbasa ng mga banal na kasulatan at magdasal muli. “Kung hindi ka susuko, makakakuha ka ng lakas at mararamdaman mong pinagpapala ka ng Panginoon,” payo niya sa mga nahihirapang maramdamang tanggap sila. “Mayroon akong patotoo na ito ay Simbahan ni Cristo, ngunit sa Kanya mo lamang makikita ang tunay na pagiging kabilang.”

Ang kuwento ni Paulo ay kumakatawan sa maraming punto na inilalarawan ng mga pinuno ng Simbahan sa serye ng video na Unity in Diversity. Ang kanilang mga mensahe ay nagbibigay ng pag-asa at payo sa mga nakakaramdam na hindi sila nabibilang. Minsan pakiramdam natin ay nag-iisa tayo kahit nasa simbahan, ngunit, tulad ng itinuro ng mga lider at mga miyembrong ito, may mga bagay na maaari nating gawin upang tulungan natin ang ating sarili na mapaglabanan ang mga hamon tulad ng pagkakabukod o kaya ay pangit na pakikitungo ng iba. Maaari nating iwasan ang mga paghahambing, umusad sa gitna ng kawalang-katiyakan, batid na ang pagbabalik ay laging posible, at higit sa lahat, magtiwala sa Tagapagligtas.

Iwasan ang mga Paghahambing: Tayong Lahat ay Pagpapalain sa Huli

members at church

“Kapag nag-umpisa kayong ihambing ang inyong sarili, sa isa’t isa, maaari itong humantong sa kawalang pag-asa o kaya ay sa kapalaluan. … Ang mga pagpapala ay dumarating nang agaran. Ang mga pagpapala ay dumarating nang matagalan. Kung minsan ang mga pagpapala ay naghihintay sa atin, sa paniwala ko, matapos tayong makatawid sa tabing. … Sa huli, makatitiyak tayo na ang pangako na buhay na walang hanggan ay para sa lahat.”

—Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol

“Lumipat si Rochelle sa isang disenteng duplex sa lugar ng mayayaman sa kanluraning Estados Unidos matapos gumugol ng panahon sa isang bahay-kalinga. Diborsyada at maraming anak, dalawa ang trabaho niya, kung minsa’y tatlo, para makabili ng pagkain at makabayad ng upa, at pasulput-sulpot lang sa Simbahan simula nang mabinyagan.

“Kahit halos lahat ng nasa bago kong ward ay tila mas mayaman kaysa sa akin,” paliwanag niya, “kinaibigan nila ako at tinanggap ang paraan ng aking pananamit. Talagang nagmalasakit silang lahat.”

Bagama’t hikahos sa buhay, hindi nagdamdam si Rochelle sa iba nang dahil lang sa mas mayaman sila. “Gusto kong maging mas panatag, siyempre pa, pero hindi ko tiningnan kailanman ang bahay ng aking mga kapwa at hindi ko nadama na pinabayaan ako ng Diyos,” paggunita niya. “Nadarama ko na katabi ko Siya kahit mali ang aking mga pagpapasiya.”

Bagama’t mahirap ang iskedyul ni Rochelle sa trabaho kung minsan, sa huli ay tinulungan siya ng mga ward leader at kaibigan niya na matupad ang kanyang pangarap na makapasok sa templo. “Ang regular na pagpunta sa templo ay tinutulungan akong magpasalamat sa aking narating,” pagpuna niya. “Hindi ako nag-aalala na tila nalalagpasan na ako ng iba.”

Inaamin ni Rochelle na nahihirapan sila ng kanyang mga anak na babae at “hindi sila isang perpektong pamilyang LDS.” Subalit kinikilala rin niya na “lahat ay may mga problema at walang pamilyang talagang perpekto,” isang pananaw na naghihikayat sa kanya na huwag maghinala sa iba kundi sa halip ay magtuon sa kanyang relasyon sa Diyos.

“Nakikita ng mga anak ko ang malaking kaibhang naidulot ng ebanghelyo sa buhay ko,” wika niya. “Nadarama ko rin ang kaibhang iyan at sapat ang kaabalahan ko sa gawain, pamilya, at Simbahan kaya wala akong panahong magkumpara. Masaya lang akong makatahak sa tamang landas.”

Manatiling Malakas: Kaya Kang Baguhin ni Cristo

members at church 2

“Ang taong itong nakaupo sa tabi ko na hindi ako pinapansin o gusto pa ngang lumayo sa akin … ay hindi binabago ang tunay na nararamdaman ni Cristo para sa akin at sa mga maaari kong magawa dahil kay Cristo. … Ang bawat indibiduwal ay kailangang maging determinado na magkakaroon sila ng puwang sa kaharian ng Diyos [at sa] katawan ni Cristo, at ang iba pa na walang pagpapahalaga o pabaya o mas malala ay hindi kayang pigilan ito.”

—Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol

Habang lumalaki, nagsisimba inasam ni Matthew sa maliliit na branch. Siya at ang kanyang asawa, isang convert o binyagan mula sa Ukraine, ay nasanay sa iba’t ibang tungkulin at talagang aktibo sa pakikipag-ugnayan sa mga internasyonal na komunidad ng LDS ngunit paglaon ay lumipat sila sa Estados Unidos. Dahil sa malalaking ward at inaasahan nilang mga kaibang kultura ay naramdaman nilang “hindi sila kailangan at walang layunin,” paggunita niya. “Tila hindi namin kayang makibagay. Pakiramdam namin ay hindi kami pinapansin, na kulang sa sigla at pakikipag-ugnayan sa mga tao kapag Linggo.”

Ang kanilang kabiguan ay umabot sa sukdulan nang, matapos lumipat sa ibang lungsod, si Matthew at ang kanyang asawa ay nasabik na mabisita ng isang lokal na lider ng priesthood na ang pakay sa pagdalaw ay nauwi sa paghiling sa kanila na patahimikin ang kanilang maingay na anak tuwing sacrament meeting. Labis na nasaktan, napag-isip ni Matthew na huwag nang bumalik sa lokal na meetinghouse. “Ang pumigil sa akin,” paliwanag niya, “ay ang aking patotoo na ito ang Simbahan ng Panginoon at nais ng Tagapagligtas na naroon ako. Ang pakikilahok sa ebanghelyo ay may mga kapalit na higit pa sa anumang sakit o personal na engkuwentro na mararanasan ko sa buhay na ito.”

Kung minsan sa mga sitwasyon sa Simbahan ay nakadarama tayo ng kalungkutan, naisasantabi, at hindi kailangan, isang kalagayan na hindi kakaiba sa mga Banal sa Huling Araw. Inilarawan ng Katolikong manunulat na si David Mills ang hamon na kinakaharap ng mga taong nagsisimba sa pakikisalamuha sa mga “mas maykaya o mas maralita, sa higit o hindi ganoong nakapag-aral na tulad mo. Maaaring sila ay kaiba sa iyo sa lahi o pangkat etniko o edad.” Maaaring hindi natin piliin ang sinuman sa kanila para sa ating iba’t ibang social network, paliwanag niya. Subalit, kasama sa pagiging matapat sa relihiyon ang pakikisalamuha sa mga tao na hindi natin pinipili at “naglalaan ng isa sa iilang lugar na lamang na natitira na maituturing na komunidad sa halip na isang network. … Kailangan mong matutuhang mahalin ang mga taong ito, o kaya ay kumilos nang may pagmamahal man lang, kahit na ayaw mo.”2 Ang pag-asa sa Diyos kapag hindi mo ma-block o ma-unfollow ang mga tao sa iyong komunidad na pangrelihiyon ay madalas na siyang tanging paraan upang mapaglabanan ang hamon.

Natagpuan ni Matthew na ang pagsalig na ito sa kabanalan ay napakahalaga upang manatiling aktibo sa Simbahan. “Ang tanging bagay na nagtulak sa aking magpatuloy kung minsan ay ang patotoo ko kay Cristo,” paliwanag niya. “Ang ebanghelyo ay mas malaki kaysa sinuman sa atin. Nakikita ni Cristo ang hindi natin nakikita, nalalaman ang mararating natin, at may puwang para sa lahat.”

Si Jasmin, isang miyembro sa katimugang Estados Unidos, ay umaamin na “sa aking ward nahihirapan akong makisalamuha sa isang sister na tila masyadong nakikialam sa buhay ko, at hinayaan kong maging hadlang ito sa pagbalik sa simbahan.” Ngunit nang ang malasakit para sa kanyang batang anak ay nagsimulang maging mas matimbang kaysa sa kawalan ng kasiguruhan sa magiging kalagayan niya kung babalik siya, batid ni Jasmin na oras na upang “huwag hayaan ang sinasabi ng iba tungkol sa akin ang magpataboy sa akin palayo kay Cristo—madama ko man o hindi na may isang tao sa ward na minamaliit ako.”

Nagkaroon siya ng sapat na lakas ng loob na lumabas isang Linggo kahit napakalakas ng bagyo kung saan agad na naramdaman ng kanyang maliit na pamilya na tinatanggap sila ng mga kaibigan na maaaring tumulong sa kanilang umunlad sa Simbahan ni Jesucristo. “Pinagsisihan ko ang pag-alis,” sabi niya. “Ngunit nagpapasalamat ako na hindi ako sumuko at nagpatuloy ako, dahil ang ebanghelyo ay hindi tungkol sa iba—o tungkol sa akin—tungkol ito sa aking Tagapagligtas.”

Humakbang Patungo sa Kadiliman: Susunod ang Liwanag

members of the Church

“Ang likas na lalaki at ang likas na babae ay nagsasabing, ‘Walang posibilidad na gagawin ko ang hakbang na ito [at] lalakad tungo sa kadiliman hanggang sa magkaroon ng liwanag at makita ko kung saan ako patutungo. Ang kinakailangan ay gawin natin ang hakbang na ito, inaasam na kapag kumilos tayo, bibiyayaan tayo ng higit na pang-unawa.”

—Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol

Minsan ay mahirap para sa mga bagong miyembro na manatiling naka-angkla sa ebanghelyo kung wala silang ganap na katiyakan sa hinaharap. Ang matutuhan ang aspetong ito ng pananampalataya para kay Mei-Hsin, isang maybahay sa Taiwan, ay kasama ang panghihikayat ng ebanghelyo na magluwal ng mga bata sa mundo, isang mapanghamong hakbang dahil “laganap sa aking kultura ang magkaroon lamang ng isang anak o sa halip ay mag-alaga ng isang hayop,” sabi niya. Bawat pagbubuntis ay nangangailangan na magkaroon siya ng pananampalataya na humakbang tungo sa kawalang-katiyakan at huwag pansinin kung minsan ang matinding pamumuna mula sa mga kamag-anak at kultura sa kabuuan.

Madalas, ang pagsulong ay nangangailangang humakbang sa kawalang-katiyakan, na maaaring nakakatakot sa yaong mga bago sa pananampalataya. Kinakailangan dito ang pagkakaroon ng tiwala na ang Panginoon ang tutulong sa kanila habang daan. Ang pagka-asiwa at kawalang-kasiguruhan, pagtitiyak ni Elder Bednar, ay isang normal na bahagi ng ating proseso ng pagkatuto at pag-unlad, ngunit kung minsan ang ating mga hakbang tungo sa kawalang-katiyakan—may kinalaman man sa pagbuo ng pamilya o pagbabalik-loob sa Simbahan—ay lubos na nakakatakot dahil ang patunay ay dumarating matapos ang pagsubok sa ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6). Tumanggap si Mei-Hsin at ang kanyang asawa ng gayong patotoo matapos bumuo ng pamilya. “Masaya kami at lubos na nagpapasalamat para sa aming mga anak,” sabi niya. “Natuto kaming mamuhay nang matipid, na magtulungan at mahalin ang isa’t isa. Nagpapasalamat ako na iniluwal namin sila sa mundo.”

Madalas, ang mga unang hakbang ang pinakamahirap. “Sa unang beses natin [ng paghakbang sa kadiliman],” ayon kay Elder Bednar, “hindi ito pagdududa, ngunit may kaunting kawalan ng kasiguruhan, kahit kaunting pangamba, na normal lang naman.” Bagama’t ang proseso ng pag-usad ay hindi talagang maayos (“hindi perpektong siklo na hindi nagagambala”), paliwanag niya, kalaunan ay maaari tayong umunlad nang “taludtod sa taludtod,” kasama ang ating pananampalataya na patuloy na nadaragdagan.

Ang pag-unlad ay kailangan ng pagsasanay, payo ni Lazare ng Georgia, isang convert sa bansang nasa hangganan ng Russia at Europa. Ang matutuhang pagkatiwalaan ang kanyang mga kaibigang LDS ang kanyang unang hakbang, at pagkatapos ay pumayag siyang tanggapin ang isang basbas ng priesthood. “Makakausad na ako sa mga talakayang pangmisyonero,” paliwanag niya. Sa paglago ng pananampalataya ni Lazare kay Jesucristo, “Ginawa ko ang malaking hakbang na pagpapabinyag kahit na hindi ako sigurado nang 100 porsiyento. Ngunit binigyan ako ng Panginoon ng lakas ng loob sa bawat yugto, at labis akong nagpapasalamat na ginawa ko ito.”

Huwag Sumuko

church scenes

“Sa mga taong iniisip na nagkasala sila nang sobra o ginawa ito nang sukdulan sa matagal na panahon at kahit paano ay hindi makabalik sa simbahan: Ipinapahayag ko na walang sinumang maaaring maging mas mababa kaysa sa ningning ng liwanag ni Cristo. Hindi ito posible.”

—Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol

Habang lumalaki sa isang tapat na pamilyang LDS sa Utah, USA, nadama ni Brian na parang hindi para sa kanya ang Simbahan. “Natutuwa ako sa mga larong fantasy, mga pelikula, at rock music,” sabi niya, “hindi sa mga Scout, banal na kasulatan, seminary, at sports.” Nang dumating ang panahon na maaari na siyang umalis sa kanila, lumipat siya sa isang apartment at “tinanggap ko ang mga paraan ng mundo, kasama na ang seks at droga.” Matapos ang mahabang panahon na binansagan ni Brian na “magulong pamumuhay at pag-e-eksperimento,” nagkaproblema siya sa pera at tinanggap siyang muli ng kanyang mga magulang, bagama’t hindi siya bumalik sa simbahan.

Ang pagsilang ng kanyang kapatid na babae ang nagtulak kay Brian upang muling suriin ang kanyang mga pananaw. Nang kinarga niya ito sa unang pagkakataon, ginunita niya, “alam kong hindi siya isang uri lamang ng hayop.” May kaunting alinlangan, dumalo siya sa baby blessing ng kapatid, at nang nakatapat na sa kanya ang sacrament, “ipinasa ko ito nang hindi ako nakikibahagi, ngunit may bahagi ng aking pagkatao na nakaramdam ng espirituwal na pagkagutom dito.”

Pilit na inaayos ang kanyang magkakasalungat na damdamin, nagsimulang magsulat ng journal si Brian. “Nanatili akong gising at isinusulat ang aking problema sa espirituwalidad isang gabi,” sabi niya, “at nagkaroon ako ng kauna-unahan kong karanasang espirituwal, subalit hindi sa tamang panig.” Nakaramdam siya ng buktot, may poot, galit na puwersa na pilit na sinasakop ang kanyang kaluluwa. “Matapos iyon,” paliwanag niya, “alam kong kailangan ko ang Panginoon.” Ngunit dahil labis na napalayo na siya sa Simbahan, napaisip si Brian, “Ako ba ay karapat-dapat pa sa Kanyang tulong at proteksyon?” Tinanong din niya kung maaari ba siyang makibahaging muli ng sacrament.

Mahirap ang daan pabalik. Ang pagtigil sa paninigarilyo ay hindi madali, ang pagtatapat sa bishop ay nangailangan ng lakas ng loob, at ang pagtalikod sa mga dating kaibigan at gawain ay mahirap. Ang kanyang pamilya, nobya, at bishop ay sinuportahan siya, ngunit nadiskubre ni Brian ang kanyang pangunahing pinagkukunan ng lakas kay Jesucristo.

“Nalaman ko na sabik ang Panginoon na tulungan ako,” paggunita niya. “Nabuksan ang mga bagong oportunidad upang mapalitan ang aking mga dating pinagkakaabalahan. Sa mas matinding pagsisikap kong ginagawa upang isabuhay ang ebanghelyo, mas nagiging malinaw ang aking tinatahak na daan.” Habang nagtitiwala si Brian sa Panginoon at nadiskubre ang Kanyang kahandaang magpatawad at magpagaling, ang sacrament ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan para sa kanya at tinulungan siyang mapalapit sa Tagapagligtas. “Bagama’t nakibahagi ako ng tinapay at tubig sa simbahan noong ako ay bata pa nang makailangdaang-ulit, sa wakas ay nagawa kong makibahagi sa sacrament na parang sa unang pagkakataon pa lamang.”

Walang Ibang Sapat na Makahahalili sa Inyong Ginagampanan

members at church

Pagbaba sa kotse at pagpasok sa simbahan, pakikisalamuha sa ibang mga miyembro, pagtatagumpay sa masasakit na sitwasyon, pagsasabuhay ng ebanghelyo nang walang kasiguruhan sa kinabukasan, at pagtatapat ng mga kasalanan—lahat tayo ay tumatahak sa mahihirap at walang kasiguruhang mga landas patungo sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8).

Ang ating personal na tipan na sundin ang Tagapagligtas ay lubhang mahalaga para sa ligtas na pagdating. Habang ang pagbibigay ng lakas ng loob, pag-ibig, at pagtanggap mula sa mga kapwa miyembro ng Simbahan at mga pinuno ay mahalaga, bawat isa sa atin ay maaaring maharap sa mga pagkakataong dapat tayong pumayag na sundin ang Tagapagligtas, kahit na pakiramdam natin ay mag-isa natin itong ginagawa.

Ibilang ang iyong sarili sa Simbahan ni Jesucristo. Huwag maghambing, hayaang baguhin ka ni Cristo, gumawa ng mga hakbang ng pananampalataya na magagantimpalaan, at dapat mong malaman na hindi pa huli ang lahat upang magbalik. “Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 21.

  2. David Mills, “Go to Church, Meet Annoying People,” Peb. 1, 2017, aleteia.org/2017/02/01/go-to-church-meet-annoying-people.