Ang Bisita sa Bisperas ng Pasko
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Iyon palagi ang pinakamagandang gabi ng taon. Ngayo’y masisira ito!
“Umawit sa Pasko tungkol kay Cristo: Ipaalam sa iba na sila ay mahal ninyo” (Children’s Songbook, 51).
Gustung-gusto ni Clara ang mga tradisyon ng pamilya nila tuwing Bisperas ng Pasko. Una ay kumakain sila ng isdang niluto sa hurno para sa hapunan at Christmas cookies para sa panghimagas. Pagkatapos ay pinupuntahan nila ang Christmas market. Pag-uwi nila, sama-sama nilang binabasa ang kuwento ng Pasko mula sa Biblia. At bago matulog ay binubuksan nila ang Christmas lights sa Christmas tree sa unang pagkakataon at binubuksan ang regalo ng bawat isa. Iyon ang gabi ng taon na paborito ni Clara. Hindi siya makapaghintay!
Hanggang sa may ibinalita si Inay.
“Magkakaroon tayo ng espesyal na bisita sa Bisperas ng Pasko sa taong ito. Natatandaan ba ninyo si Ms. Rainer?”
Umungot si Clara. “Ang kapitbahay po natin na niyayang magsimba ni Itay noong isang linggo?”
“Tama. Susunduin na siya ni Itay ngayon.”
Pabagsak na umupo si Clara sa isang silya. Paano siya makapagrerelaks at matutuwa samantalang may ibang tao? Sira na ang Bisperas ng Pasko! Hindi naman nagsimba si Ms. Rainer nang anyayahan siya ni Itay. Siguro hindi rin siya darating sa pagkakataong ito.
Pero nang pumasok si Itay sa pintuan, kasama niya ang “espesyal na bisita.” Mukhang pagod at medyo malungkot si Ms. Rainer. Bumati si Clara. Pero wala na siyang iba pang sinabi. Sa hapunan ay nagtuon lang siya sa kinakain niya habang kausap nina Inay at Itay si Ms. Rainer.
“Nakapag-aral ka na bang magsayaw?” banayad na tanong nito. Nakita ni Clara na hinihintay ni Ms. Rainer na sumagot siya. Tumango siya at muling nagtuon sa kanyang pagkain.
“Ako rin,” sabi ni Ms. Rainer, na banayad pa rin ang boses. “Ano ang paborito mong sayaw?”
Nagkibit-balikat si Clara at itinabi ang mga gulay niya sa kanyang pinggan.
“Gustung-gusto ko ang ballet,” sabi ni Ms. Rainer. “Kasama ako sa dance team sa unibersidad. May isang taon na naglakbay kami sa buong Europa. Napakasaya.”
Tumingala si Clara. Kahanga-hanga ang narinig niya.
“Ano pa po ang gusto n’yo?” tanong ni Clara.
Ngumiti nang bahagya si Ms. Rainer. “Pagtugtog ng piano. At math.”
Nanlaki ang mga mata ni Clara. “Talaga po? Paborito ko ang math!”
Kinausap ni Clara si Ms. Rainer hanggang matapos ang hapunan. Nalaman niya na may college degree sa math si Ms. Rainer at nag-aaral na maging propesor sa math nang makilala ang asawa nito. Nakagawa ng ilang masasamang pasiya ang asawa nito at ngayo’y nakabilanggo.
Pagkatapos ng hapunan tumabi si Clara kay Ms. Rainer habang nililibot nila ang Christmas market. At nang basahin nila ang kuwento ng Pasko, ipinagamit niya ang kanyang mga banal na kasulatan kay Ms. Rainer para makasunod ito sa pagbasa.
Di-nagtagal ay bukasan na ng mga regalo. Nakakuha si Clara ng ilang komportableng padyamang kulay lila. Hindi siya makapaghintay na isuot ang mga ito! Ngunit medyo nalungkot siya na walang natanggap na regalo si Ms. Rainer.
Maya-maya’y inabutan ni Inay ng regalo si Ms. Rainer. Nahihiyang ngumiti si Ms. Rainer at inalisan ng balot ang isang pares ng dark blue na medyas. Tiningnan niya si Inay nang may luha sa mga mata. “Salamat. Hindi mo naman kailangang regaluhan ako ng anuman.”
Nagpunta si Clara sa kanyang kuwarto at isinuot ang kanyang bagong padyama. Hindi mawala sa kanyang isipan si Ms. Rainer. Tila lubos ang pasasalamat niyang makatanggap ng medyas para sa Pasko!
Nang isuot ni Clara ang kanyang mabalahibong medyas, narinig niya na nagsimulang tumugtog ang magandang musika. Tumakbo siya pababa at nakitang nagkakantahan sina Inay at Itay ng mga awiting pamasko habang nagpipiyano si Ms. Rainer. Sumali si Clara. Habang kumakanta siya, gumanda ang pakiramdam niya. “Siguro hindi naman masamang magkaroon ng bisita sa Bisperas ng Pasko,” naisip niya.
Sa araw ng Linggo, nagsimba si Ms. Rainer at naupo sa tabi ng pamilya ni Clara sa sacrament meeting. Mukhang talagang masaya siya. Ngumiti si Clara nang sabay nilang gamitin ni Ms. Rainer ang kanyang himnaryo. Siguro panahon na para magdagdag ng isang bagong tradisyon sa Bisperas ng Pasko.