2017
Pagpapaganda ng Ating mga Talakayan sa Pamilya
December 2017


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Pag-aangat ng Ating mga Talakayan sa Pamilya

Ang awtor ay kasalukuyang naglilingkod bilang mission president sa Brazil Curitiba Mission.

Paano natin matutulungan ang ating mga anak na maging mas aktibong mga mag-aaral ng ebanghelyo?

family in the kitchen

Ilang taon na ang nakararaan, nag-alala kaming mag- asawa sa isang pag-uugaling nakakasanayan ng ilan sa aming mga anak na tinedyer sa oras ng pag-aaral ng banal na kasulatan, mga family home evening, at maging sa aming mga biglaang sarilinang pag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Tumutugon sila sa pinakamababang pamantayan sa pag-aaral—pisikal na presensya, paminsan-minsang pagtingin sa mata ng kausap, at isang-salitang mga sagot—ngunit hindi sila sumasali sa aktibong pag-aaral.

Nalaman namin na para magkaroon sila ng malalakas na patotoo at makaranas ng malalim at personal na pagbabalik-loob sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, may kailangan pa silang gawin. Nais ng Tagapagligtas na hindi lamang marinig ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang mga salita—nais Niya silang kumilos nang may pananampalataya ayon sa Kanyang mga turo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016], 30).

Isang gabi kinausap namin sila tungkol sa nadarama namin. Layunin naming payuhan sila sa isang talakayang may paggabay ng Espiritu. Gayunman, agad nauwi sa pagsesermon ang aming pag-uusap. Narinig ng aming mga anak na lalaki ang aming mensahe, pero hindi pa rin naantig ang kanilang puso’t isipan.

Nakaligalig sa amin ang karanasang iyon, kaya sinimulan naming pag-isipang mag-asawa kung paano namin matutulungan ang aming mga anak na mas makilahok sa pag-aaral nila ng ebanghelyo, na binibigyan sila ng inspirasyong kumilos sa halip na pakilusin ng aming mga pananalita at sermon. Ang aming mga tanong ay humantong sa pagbuo ng plano batay sa natutuhan namin mula sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, at iba pang mga materyal ng Simbahan na may kaugnayan sa pagtuturo at pagkatuto. Nakasaad dito:

Pag-akay sa Ating mga Anak na Hangarin ang Espiritu Santo sa mga Talakayan ng Pamilya

Pag-ibayuhin ang pagmamahal at paggalang. Pinalalambot ng pagmamahal ang mga puso. Ang mga pagpapakita ng pagmamahal ay makatutulong na ihanda ang ating mga anak sa impluwensya ng Espiritu Santo. Palalakihin din nito ang kanilang hangarin at kahandaang makilahok sa aktibo at espirituwal na pag-aaral. Sa paggalang sa ating mga anak sa pamamagitan ng pakikinig at pagpapatibay ng kanilang pananaw at damdamin, madarama nila na mas ligtas at mas handa silang ibahagi ang kanilang nadarama.

Magturo sa pamamagitan ng Espiritu. Sa pagmamasid at pakikinig na mabuti sa ating mga anak, magiging handa tayong mahiwatigan sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang susunod na sasabihin, ano ang itatanong, o anong paghihikayat ang ibibigay na aakay sa kanila na hangarin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral.

Isalig ang bawat talakayan sa salita ng Diyos. Bagama’t makatutulong kung sama-sama tayong magbabahaginan ng ating sariling mga ideya at opinyon tungkol sa ebanghelyo, ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw ay kadalasang maglalaan ng mas malalim at mas mabisang pakikipag-ugnayan sa Espiritu (tingnan sa D at T 84:45).

Ang Tagapagligtas ang gawing batayan ng lahat ng talakayan tungkol sa ebanghelyo. Ang yaman at kapangyarihan ay darating sa ating mga talakayan kapag nalaman ng ating mga anak kung paano nauugnay ang tinatalakay natin sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, “ang pinanggalingan mismo ng doktrinang Kristiyano” (Boyd K. Packer, “The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 56).

Magtanong ng mga bagay na nagbibigay-inspirasyon. Ang epektibong mga tanong ay aakay sa ating mga anak na humugot ng katotohanan at pag-unawa mula mismo sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa tulong ng Espiritu. Ang natututuhan nila sa gayong paraan ay magiging mas makabuluhan sa kanila kaysa sa pinakamalilinaw nating paliwanag tungkol sa materyal ding iyon.

Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na sila ang magsalita. Kapag ginamit ng ating mga anak ang sarili nilang mga salita para ipahayag ang kanilang nakikita, naiisip, o nadarama, hinihikayat nila ang Espiritu Santo na ipaalam sa kanila kung ano ang sasabihin at paano ito sasabihin. Ang prosesong iyon ay tutulong para maipakita at maipaunawa sa kanila nang mas malinaw ang nais ng Panginoon na matutuhan at madama nila.

Maging matiyaga! Tutulungan ng Espiritu Santo ang ating mga anak habang sinasaliksik nila ang kanilang puso’t isipan para sa katotohanan at pang-unawa. Kailangan nating labanan ang tukso na paikliin ang kanilang pagsasaliksik sa pamamagitan ng pagbibigay kaagad ng mga personal na opinyon at inaakala nating mga solusyon.

Mamuno sa pamamagitan ng halimbawa. Sa pagsisikap na matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo sa paraang itinuturo natin sa ating mga anak, magiging marapat tayo sa tulong at patnubay ng Espiritu sa ating mga talakayan.

Sa pagsisikap naming isagawa ang aming plano, natututuhan namin na ang pag-anyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo sa aming mga talakayan sa pamilya ay mangangailangan ng pagsasanay at panahon. Ngunit ayaw naming panghinaan ng loob o sumuko. Noon lang isang gabi, ang aming 10-taong-gulang na anak na babae, na nahikayat ng isang talata sa Aklat ni Mormon na binasa namin bilang pamilya, ay magiliw na nagtanong, “Paano po matututo sa pamamagitan ng Espiritu Santo?” Ngumiti ako. Alam ko na sumusulong kami!