2017
Maging Matapang at Magbahagi!
December 2017


Maging Matapang at Magbahagi!

Larawan
Be Brave and Share

Nanirahan ang aming pamilya sa maraming lugar sa buong mundo. Marami kaming nakilalang iba’t ibang tao at nagkaroon kami ng maraming pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Natulungan ng aming mga anak ang iba sa pagbabahagi ng kanilang patotoo.

Noong maliliit pa ang aming mga anak, nanirahan kami sa bansang Kazakhstan. Walang mga missionary noon doon. Kapag gustong makarinig ng mga kaibigan o kapitbahay tungkol sa ebanghelyo, kami ang nagiging mga missionary!

Ibinahagi ng aming anak na babaeng si Marné ang ebanghelyo sa kaibigan niyang si Alyona. Nagpasiyang magpabinyag si Alyona sa pahintulot ng kanyang ina, na kalauna’y nabinyagan kasabay ng nakababatang kapatid na babae ni Alyona. Kamakailan ay ikinasal si Alyona sa isang matapat na binata sa Manhattan New York Temple, at nakapunta roon si Marné! Masayang-masaya siya na natulungan niya ang kanyang kaibigan na malaman ang tungkol kay Jesucristo.

Nang manirahan kami sa Virginia, USA, ang anak naming si Chris ay nasa Primary. Nagsimulang makipag-usap ang isa sa mga kaibigan ni Chris at ang pamilya nito sa mga missionary. Tumulong si Chris sa pagtuturo sa pamilya. Naghanda siya bago ang bawat lesson at tumulong sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Nagpasiya ang pamilya na magpabinyag. Pagkatapos niyon, hindi nag-alala si Chris kailanman kung kakayanin niyang magmisyon. Alam niyang magagawa niya ito!

Minsan naman pumunta ang isang lalaki sa amin para may kumpunihin sa bahay namin. Pinasalamatan siya ng asawa ko nang matapos na siya. “Gusto ka naming regaluhan,” sabi ng asawa ko. Binigyan niya ito ng kopya ng Aklat ni Mormon.

Nagalit ang lalaki. Hindi niya naunawaan ang pinaniniwalaan namin. Akala niya hindi kami naniniwala kay Jesucristo.

Matapang si Chris at nagpatotoo siya sa lalaki. Sinabi ni Chris na miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabi niya na naniniwala siya kay Jesus.

Marami sa mga anak ng Ama sa Langit ang hindi nakakaalam tungkol sa ebanghelyo. Hindi alam ng iba na naniniwala tayo kay Jesus. Kailangan ng mga taong ito ng isang taong mabait at makikipag-usap sa kanila. Maaari tayong maging matapang at magbahagi ng ating patotoo. Maaari nating tulungan ang iba na malaman ang tungkol kay Jesucristo!

Print