2017
Ang Pulang Tiket
December 2017


Ang Pulang Tiket

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Naku! Nawawalan ng isa pang tiket si Daniel.

“Kapag mabait at matulungin ako, masayang-masaya ako” (Children’s Songbook, 197).

Larawan
The Red Ticket

Tiningnan ni Mateo ang math problem sa pisara at mabilis itong isinulat sa notebook niya. Math ang paborito niyang subject, kaya talagang gusto niyang makinig. Pero halos hindi niya marinig ang sinasabi ni Mrs. Santos dahil dumadaldal ang kaibigan niyang si Daniel.

“Shh! Daniel, hindi ko marinig!” bulong ni Mateo. Pero dumaldal pa rin si Daniel. Sa huli ay narinig siya ni Mrs. Santos.

“Daniel, maingay ka na naman,” sabi ni Mrs. Santos. “Binalaan na kita. Ngayo’y kailangan mo akong bigyan ng tiket.”

Dahan-dahang dumukot sa ilalim ng kanyang mesa si Daniel at nag-abot sa kanya ng pulang tiket. Lumaylay ang kanyang balikat, at tumingin siya sa sahig. Nagbibigay ng mga tiket si Mrs. Santos sa mga estudyanteng mabait sa klase at sumusunod sa mga utos. Isinusulat ng mga estudyante ang kanilang pangalan sa mga tiket at inilalagay ito sa isang garapon bawat araw. Pero kailangan mong ibalik ang tiket kung magulo ka. Tuwing Biyernes, dumudukot ng isang tiket si Mrs. Santos mula sa garapon, at ang nanalo ang pipili ng premyo mula sa treasure chest ng klase! Kinailangang magbalik ni Daniel ng maraming tiket dahil sa kanyang kadaldalan, kaya hindi madalas mabunot ang kanyang pangalan. Nalungkot si Mateo na nawalan na naman ng tiket si Daniel.

Sa oras ng reses tumakbo si Mateo sa field para maglaro ng football. Nakita niya si Daniel na nakatayong mag-isa sa tabi ng mga duyan. Halata niya na umiiyak si Daniel. Gusto ni Mateo na tulungan itong bumuti ang pakiramdam.

“Gusto mo bang maglaro ng football?” tanong ni Mateo.

Hindi umimik si Daniel. Sinubukan ni Mateo na kausapin pa siya, pero tumalikod lang si Daniel.

“Nasa football field lang ako kung magbabago ang isip mo.”

Nakipaglaro si Mateo sa iba pa niyang mga kaibigan, pero hindi mawala sa isip niya si Daniel. Magwa-walong taong gulang na si Mateo at malapit nang mabinyagan. Gusto niyang maging katulad ni Jesus at maging mabuting kaibigan. Mayroon ba siyang magagawa para hindi magkaproblema si Daniel?

Kinabukasan, nagbabasa ng kuwento ang klase sa maliliit na grupo. Pero sa halip na magbasa, hinahagis-hagis ni Daniel ang kanyang aklat sa ere.

Sinubukan siyang pigilan ni Mateo. “Daniel, kailangan nating basahin ang aklat, hindi paglaruan ito.”

Muling inihagis ni Daniel ang aklat. Nakita ni Mrs. Santos na muntik na itong tumama sa kisame. Nilapitan niya si Daniel at inilahad ang kanyang kamay para sa tiket. Dumukot si Daniel sa ilalim ng kanyang mesa. Nakita sa mukha niya ang pagkataranta habang naghahanap siya.

“Naku po! Naubusan na yata siya ng mga tiket!” naisip ni Mateo. Kapag wala nang mga tiket, hindi makakalabas ng silid si Daniel kapag oras ng reses. Mabilis na nag-isip si Mateo. Ano ang magagawa niya? Pagkatapos ay may naisip siyang maganda.

“Daniel,” sabi ni Mrs. Santos, “kung wala kang maibigay na tiket sa akin—”

Huminga nang malalim si Mateo. “Puwede po bang ako ang magbigay ng tiket para sa kanya, Mrs. Santos?” tanong niya.

Natahimik ang klase. Wala pang nagtanong ng ganito sa kanya. Hindi sigurado si Mateo kung ano ang sasabihin nito.

Mukhang nagulat si Mrs. Santos. Pagkatapos ay ngumiti ito. “Napakabait mong kaibigan. Oo, puwede kang magbigay ng tiket para kay Daniel.” Iniabot ni Mateo kay Mrs. Santos ang isa sa mga tiket niya.

“Salamat, Mateo,” sabi ni Daniel.

“Okey lang!” sabi ni Mateo. “Gusto mo bang magbasa na tayo ngayon?”

Tumango si Daniel at dinampot ang kanyang aklat.

Nang magsimulang magbasa si Daniel, sumigla at sumaya si Mateo. Ang magandang ideyang iyon ay nagmula sa Espiritu Santo! Alam ni Mateo na gusto ni Jesus na tulungan niya si Daniel—dahil mahal Niya si Daniel. At nadama rin ni Mateo ang pagmamahal ni Jesus!

Print