Ipinagdasal ko ang isang mahalagang bagay, ngunit hindi ko alam kung nakatanggap na ako ng sagot. Paano ko malalaman?
December 2017
Mga Tanong at mga Sagot
“Matagal ko nang ipinagdarasal ang isang mahalagang bagay, pero hindi ko alam kung nakatanggap na ako ng sagot. Paano ko ito malalaman?”
Ang pagtanggap ng mga sagot sa mga dasal ay inilalarawan bilang isang proseso: una ay pag-aralan ang iyong tanong sa iyong isipan; pagkatapos ay itanong mo sa Diyos kung tama ba ang iyong sagot. Kung tama ang iyong sagot, ang Panginoon ay “[mangungusap] ng kapayapaan sa iyong isipan” (D at T 6:23).
Pero paano kung hindi ka nakaramdam ng nakapupuspos na kapayapaan? O kaya naman ay pakiramdam mo mayroon kang sagot, ngunit hindi ka sigurado kung sa iyo galing iyon o sa Espiritu Santo?
Ayon kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda.”1 Hindi ito laging agad na dumarating; kadalasan ito ay dumarating nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30), at madalas ay kailangan mong humakbang patungo sa isang direksyon bago mo pa man maramdaman na nasa iyo na ang buong kasagutan. Kung minsan ay hindi ka talaga makakatanggap ng sagot—dito mo kailangang kumilos nang may pananampalataya na sasagot ang Diyos kapag dumating ang tamang panahon.
Kung nag-aalala ka kung ang iyong sagot ay nagmula sa iyo o mula sa Espiritu Santo, tandaan mo na ang pinakamainam na sagot ay iyong “nag-aanyaya at nang-aakit [sa iyo] na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya” (Moroni 7:13).