2017
Ang 14 na Pangyayari sa Pagsilang ni Jesucristo
December 2017


Ang 14 na mPangyayari sa Pagsilang ni Jesucristo

14 events of the nativity 1
14 events of the nativity 2

Taun-taong ipinagdiriwang ang pagsilang ni Jesucristo—umaawit tayo ng mga himno, nasisiyahan tayo sa mga tradisyon ng mga pamiya, at ginugunita natin ang ating Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay galang sa Kanyang Pagsilang. Ngunit ano bang mga detalye tungkol sa Pagsilang ni Jesucristo ang makikita natin sa mga banal na kasulatan?

Ang Pagsilang ni Cristo ay Ipinropesiya

Sinaunang Jerusalem at Sinaunang Amerika

Genesis 49:10; Isaias 7:14; 9:1–7; Mikas 5:2; Mosias 3:8; Alma 7:10; Helaman 14:2–5

Ilang taon bago ang pagsilang ng Tagapagligtas, tumanggap ang mga propeta ng paghahayag tungkol kay Jesucristo. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay nagsalita tungkol sa isang haring inapo ni Haring David na isisilang sa Bet-lehem—isang Mesiyas. Ayon sa interpretasyon ng mga Judio, ang Mesiyas na ito ay magiging hari na magliligtas sa Kanyang mga nasasakupan, ang mga Judio, mula sa pulitikal na panunupil at mamumuno sa mundo nang may katarungan.

Subalit ang hindi inaasahan ng mga sinaunang Judio, ay isang Hari na ililigtas ang Kanyang mga nasasakupan mula sa espirituwal na panunupil. Sa halip na temporal na kaligtasan at isang kaharian sa lupa, nag-alok si Jesucristo ng walang-hanggang kaligtasan at ng kaharian ng Kanyang Ama.

Pagdalaw ng Anghel na si Gabriel sa mga Magulang ni Juan Bautista

Judea

Mateo 17:12–13; Lucas 1:5–25 (lalo na ang talata 17); Doktrina at mga Tipan 27:7; Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias”

Si Juan Bautista ay isang Elias, o tagapagbalita, kay Cristo. Sinabi ng anghel na si Gabriel kay Zacarias, ang ama ni Juan, na ang kanyang asawa, si Elisabet, ay magkakaroon ng anak na dapat na pangalanan nila ng Juan. Tumugon nang may pagdududa si Zacarias, na naging sanhi ng kanyang pagiging bingi at pipi.

Nagpakita ang Anghel na si Gabriel kay Maria

Nazaret at Galilea

Mateo 1:18; Lucas 1:26–38

Ang sumunod na pagdalaw ni Gabriel ay sa pinsan ni Elisabet na si Maria makalipas ang anim na buwan. Sinabi niya kay Maria na bagama’t siya ay isang birhen, magkakaroon siya ng anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at ang bata ay si Jesucristo. Mapagpakumbabang tinanggap ni Maria ang paghirang sa kanya bilang ina ng Anak ng Diyos. Sinabi rin sa kanya ng anghel na ang kanyang pinsang si Elisabet ay nagdadalantao.

Dinalaw ni Maria si Elisabet

Judea

Lucas 1:39–56

Matapos ang pagdalaw ng anghel kay Maria, umalis siya ng Nazaret upang bisitahin sa Judea sa loob ng tatlong buwan ang kanyang pinsang si Elisabet. Habang naroon si Maria, tumanggap si Elisabet ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ang ipinagbubuntis ni Maria ay ang Anak ng Diyos. Ibinigay rin ni Maria ang kanyang patotoo tungkol sa Diyos.

Isinilang si Juan Bautista

Judea

Lucas 1:57–80

Nang isilang si Juan Bautista, inisip ng mga tao na pangangalanan siyang Zacarias, sunod sa kanyang ama. Hindi tinanggap ni Elisabet ang pangalan, sinasabi sa kanyang mga kaibigan na ang pangalan nito ay Juan. Nang tinanong ng mga kaibigan at kapitbahay si Zacarias hinggil rito, sumang-ayon siya kay Elisabet. Sapagkat sumunod siya sa mga atas ni Gabriel ukol sa pagpapangalan ng kanyang anak, muling nakapagsalita si Zacarias, at ginamit niya ang nanumbalik na pandinig at pananalita upang luwalhatiin ang Diyos.

Nagpakita ang Anghel na si Gabriel kay Jose

Nazaret

Mateo 1:18–23

Nang makita ang kalagayan ni Maria pagbalik niya sa Nazaret, si Jose, ang lalaking nakatakdang ikasal kay Maria, ay nagbalak na “[hindi] ihayag sa madla” [ang pagdadalantao ni Maria] o tahimik na ipawalang-bisa ang kanilang kasunduang magpakasal. Ngunit, bago pa man niya ito nagawa, nagpakita sa kanya sa isang panaginip ang anghel na si Gabriel, nagpapatotoo na ang anak ni Maria ay ipinagbuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang sanggol ang siyang magliligtas sa Kanyang mga tao mula sa kanlang mga kasalanan. Sa halip na humiwalay kay Maria, nagpasiya si Jose na pakasalan siya.

Nagpatala ang Buong Sanglibutan

Ang Imperyong Romano

Lucas 2:1–4; James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 91–92

Ang pagtatala ay nagsilbi bilang buwis at pagpapatala ng sensus, na ipinatupad ng mga Romano. Karaniwan, ipinapatala ng mga Romano ang mga tao ayon sa kanilang kasalukuyang tirahan, ngunit ang kaugalian ng mga Judio ay itala ang mga tao ayon sa tahanan ng kanilang mga ninuno. Dahil dito, ang Bet-lehem, na pinagmulan ng angkan mi Jose, ay puno ng mga tao, at ang mga bahay-panuluyan ay puno.

Isinilang si Jesucristo

Nazaret, Bet-lehem, at Judea

Ang salitang Bet-lehem ay nangangahulugang “bahay ng tinapay” at ipinropesiya na magiging lugar ng kapanganakan ng Mesiyas.

Lucas 2:6–7

Naglakbay sina Jose at Maria patungong Bet-lehem upang magpatala. Nang isilang si Jesus, nakagawa si Maria ng kuna nang inihiga niya si Jesus sa isang sabsaban, o labangan na gamit sa pagpapakain ng mga baka. Walang sinabi kung may mga hayop na naroroon.

Ang mga Ipinropesiyang mga Palatandaan ay Lumitaw sa Lupain ng Amerika

Ang Lupain ng Amerika

Helaman 14:1–5; 3 Nephi 1:15–21

Tulad ng ipinropesiya, sa araw ng pagsilang ni Cristo, may isang araw at gabi at isang araw na puno ng liwanag sa kontinente ng Amerika. Isang bagong bituin ang lumitaw sa kalangitan.

Narinig ng mga Pastol ang Tungkol sa Pagsilang ni Cristo

Malapit sa Bet-lehem

Lucas 2:8–17

Sa panahong ito ng taon, pinapastol ng mga pastol ang kanilang mga kawan sa labas sa araw at gabi. Dito sila naroroon nang nagpakita sa kanila ang isang anghel, na sinasabihan sila tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Matapos ang pahayag ng anghel, isang pangkat ng mga anghel ang lumitaw, na niluluwalhati ang Diyos. Matapos marinig ito, nagmamadaling tumungo sa Bet-lehem ang mga pastol upang makita si Jesus. Nang makita nila Siya, iniwan nila sina Jose at Maria at nagpatotoo sa ibang tao tungkol sa kanilang nakita.

Si Jesus ay Tinuli, Binigyan ng Pangalan, at Itinanghal sa Templo

Bet-lehem

Lucas 2:21–38; James E. Talmage, Jesus the Christ, 95

Matapos ang walong araw, tinuli si Cristo at binigyan ng pangalan, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Pinangalan Siyang Jesus, o “Yeshua,” na ibig sabihin ay “Tagapagligtas” sa Hebreo.

Ayon sa kaugalian ng mga Judio ang babae ay dapat maghintay ng 40 araw matapos manganak bago pumasok sa templo. Nang matapos ang 40 araw, dinala nina Maria at Jose si Jesus upang itanghal sa templo. Doon ay nakita nila si Simon, na pinangakuan na kanyang makikita si Cristo bago siya mamatay. Nakilala niya si Cristo, tinanggap niya Siya sa kanyang mga bisig, at niluwalhati ang Diyos. Nagpropesiya rin siya tungkol sa misyon ni Cristo sa lupa.

Si Ana, na isang propetisa, ay sinaksihan rin si Cristo sa templo. Siya rin ay nagpatotoo tungkol sa Kanyang misyon.

Nagtanong ang mga Pantas na Lalaki kay Herodes Tungkol kay Cristo

Jerusalem

Mateo 2:1–10

Isang di malaman na bilang ng mga Pantas na Lalaki “mula sa silangan” ang nagtungo sa Jerusalem upang hanapin si Cristo. May nakita silang isang bagong bituin sa langit, na nagpahiwatig na si Cristo ay isinilang. Tinanong nila si Haring Herodes, ang hari ng Judea na itinalaga ng Roma, kung saan maaaring makita ang sanggol. Nabahala si Herodes sa posibilidad ng isang bagong hari, ang Mesiyas, na inakala niyang sasakop sa kanyang kaharian. Hindi sinasabi sa mga Pantas na Lalaki ang kanyang mga pangamba, hiniling niya sa mga ito na ipaalam sa kanya kung saan nila natagpuan si Cristo. Binalak niyang patayin Siya.

Natagpuan ng mga Pantas na Lalaki si Cristo at Naghandog ng mga Regalo

Bet-lehem

Mateo 2:9–12; Bible Dictionary, “Magi”

Nakita sa wakas ng mga Pantas na Lalaki si Cristo. Binanggit ni Mateo na natagpuan nila si Jesus sa kanyang bahay na isang “bata,” na nangangahulugang dumating sila nang hindi kukulangin sa isang taon matapos ang pagsilang ni Cristo. Ibinigay nila sa Kanya ang ginto, kamangyan, at mira—mahahalagang regalo na nagpapatunay ng katayuan ni Jesus bilang hari. Sa isang panaginip, sinabihan ang mga Pantas na Lalaki na huwag sabihin kay Herodes ang kanilang mga natuklasan.

Binalaan si Jose na Tumakass Papuntang Egipto

Bet-lehem, Egipto, at Nazaret

Mateo 2:13–16, 19–23

HIndi na nag-ulat ang mga Pantas na Lalaki kay Herodes tulad ng kanilang sinabi. Gumanti si Herodes sa pamamagitan ng pag-uutos na lahat ng mga batang isinilang sa Betlehem na may edad dalawang taon pababa ay dapat paslangin. Nabigyang-babala sa pamamagitan ng isang pangitain, dinala ni Jose sina Maria at Jesus sa Egipto. Nanatili sila roon hanggang sa pumanaw si Herodes. Sa pagpanaw ni Herodes, isang anghel ang nagpakita kay Jose sa isang pangitain, sinasabi sa kanyang ligtas nang bumalik sa Israel. Ngunit nang malaman niyang ang anak ni Herodes ang kasalukuyang namumuno, dinala ni Jose ang kanyang pamilya sa Nazaret sa Galilea sa halip na sa Judea, at sa gayon ay nagsimula ang buhay ni Cristo bilang Jesus ng Nazaret. Paglipas ng ilang taon Siya ay bibinyagan, gagawa ng mga himala, at ganap na isasagawa ang Kanyang kamangha-mangha, walang-hanggang Pagbabayad-sala.