2017
Pagkatuto para sa Buong Kaluluwa
August 2017


Pagkatuto para sa Buong Kaluluwa

Ang Panginoon ay kumikilos nang may kapangyarihan sa Kanyang Simbahan para matamo ninyo ang edukasyon na nais Niyang matamo ninyo.

young woman and young man looking at computer screen

Ang mensaheng ito ay para sa mga kabataan at young adult sa Simbahan ng Panginoon. Maraming taon na ang nakararaan nagkaroon ako ng malakas na impresyon tungkol sa inyo at sa araw na ito. Parang nakita ko ang mga bata sa Primary sa buong mundo. Alam ko na gagawa at tutupad sila ng mga tipan sa Panginoon. At alam ko na bibiyayaan sila ng Panginoon ng mga pagkakataon para sa malalim na pagkatuto, sa espirituwal at temporal, at palalakihin sila bilang isang malakas na hukbo na magtatayo ng Kanyang kaharian at maghahanda sa daigdig para sa Kanyang pagbabalik.

Kayo ang mga batang iyon, at ito ang inyong panahon.

Dakilang araw ito sa kaharian ng Diyos, isang araw na puno ng mga pagkakataon para kayo matuto at lumago at magalak at lumigaya. Tiyak na darating ang mahahalagang hamon. Subalit sa pamamagitan ng nakatutubos at nagpapalakas na mga kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating ebanghelyo at Kanyang tunay at buhay na Simbahan, patuloy na nagbubukas at naghahanda ng daan ang Panginoon para kayo makapagsisi, matuto nang malalim, umunlad sa espirituwal, at lalong maniwala sa Kanya. Inihahanda ng Panginoon ang Kanyang kaharian at Kanyang mga tao para sa Kanyang pagbabalik, at kayong bagong henerasyon ay may mahalagang gagampanan sa dakilang gawaing iyon.

Ito ay araw ng mga himala. Ginagawang posible ng mga bagong teknolohiya na matuto at makapag-aral upang umunlad. Totoo iyan kapwa para sa sekular at sa espirituwal na kaalaman. Ang Panginoon ay kumikilos nang may kapangyarihan sa Kanyang Simbahan para matamo ninyo ang edukasyon na nais Niyang matamo ninyo.

Lahat ng ito ay bahagi ng utos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith (1805–44) sa simula ng Pagpapanumbalik: “Aking kalooban na kayo ay … magtamo ng kaalaman ng kasaysayan, at ng mga bansa, at ng mga kaharian, ng mga batas ng Diyos at tao, at lahat ng ito ay para sa kaligtasan ng Sion” (D at T 93:53).

Ang utos na ito ay kailangan nang madaliin sa ating panahon dahil pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Panahon na para samantalahin ninyo ang mga pagkakataon para sa edukasyong makukuha ninyo, at ang potensyal ninyong matuto at lumago.

Dapat ninyong isipin ang mga salitang ito ni Pangulong Thomas S. Monson araw-araw:

“Hinihimok kong ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral.”1

“Madaragdagan ang inyong mga talento habang nag-aaral kayo at natututo.”2

“Bawat isa sa inyo … ay may pagkakataong matuto at lumago. Lawakan ang inyong kaalaman, kapwa sa intelektuwal at sa espirituwal, hanggang sa lubos ninyong makamit ang inyong banal na potensyal.”3

Malalim na Pagkatuto

Ang pag-aaral na nagtutulot sa bawat isa na “lubos ninyong makamit ang inyong banal na potensyal” ay tinatawag kong malalim na pagkatuto: pagkatuto ng buong kaluluwa—ng isipan, ng puso, ng katawan, at ng walang-kamatayang espiritu. Ang malalim na pagkatuto ay angkop sa lahat ng uri ng kaalaman, espirituwal man o sekular. Malalim ang pagkatuto kapag dinaragdagan nito ang inyong kakayahang gawin ang tatlong bagay: (1) makaalam at makaunawa; (2) kumilos nang epektibo at matwid; at (3) maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit.4

Tulad ng itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph, ang malalim na pagkatuto ay kailangang gawin sa paraan ng Panginoon, sa pamamagitan ng paghahayag at inspirasyon sa liwanag ni Cristo at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa aktibo at masigasig na pag-aaral at pagtuturo sa isa’t isa, na dinaluhan ng biyaya ni Jesucristo. Totoo iyan sa anumang uri ng kaalaman. Narito ang mga kautusan ng Panginoon tungkol sa malalim na pagkatuto:

“Masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).

“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo, upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong maunawaan” (D at T 88:78).

Espirituwal na Kaalaman ang Dapat Unahin

young woman holding scriptures

Ang malalim na pagkatuto, sa anumang larangan, ay talagang isang espirituwal na karanasan, na nakasalig sa pundasyon ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan para maturuan kayo ng Espiritu Santo. Ang malalim na pagkatuto ay hindi madali, ngunit sulit ito! Kung talagang gusto ninyong matuto nang malalim, kung ang inyong puso’t isipan ay handang matuto, at kung kikilos kayo ayon sa hangaring iyan, pagpapalain kayo ng Panginoon. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi—manalangin nang may pananampalataya, maghanda, mag-aral, aktibong makibahagi, at gawin ang lahat—tuturuan kayo ng Espiritu Santo, daragdagan ang inyong kakayahang kumilos ayon sa natutuhan ninyo, at tutulungan kayong maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. “Ang kaligtasan,” pagtuturo ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “sa ilalim ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ay isang patuloy na edukasyon. … Ang kaalaman ay isang paraan ng pag-unlad na walang hanggan.”5

Ang prosesong ito ay angkop sa anumang sitwasyon ninyo at sa anumang uri ng kaalaman. Gayunman, ang pinakamahalagang kaalamang kailangan ninyong matamo ay ang kaalaman tungkol sa mga bagay ng Diyos. Ang espirituwal na kaalaman, kung gayon, ay kailangang maging pinakamahalaga sa inyong puso at sa inyong mga prayoridad. Binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith ang kalamangan ng espirituwal na kaalaman sa mga salitang ito: “Ang tao ay kailangan munang matuto bago maligtas, sapagkat kung hindi siya magtatamo ng kaalaman, siya ay mabibihag ng kapangyarihan ng kasamaan sa kabilang daigdig, sapagkat higit ang kaalaman ng masasamang espiritu, at bunga nito ay mas makapangyarihan kaysa sa maraming tao na nasa lupa. Kaya nga kailangan ang paghahayag para matulungan, at mabigyan tayo ng kaalaman tungkol sa mga bagay ng Diyos.”6

Totoo na saklaw ng ebanghelyo ang buong katotohanan,7 ngunit ang kaalaman at pag-unawa sa payak at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kailangang maging pundasyon ninyo para sa lahat ng malalim na pagkatuto. Ang pag-una sa espirituwal na kaalaman sa inyong puso’t isipan ay tumitiyak na magtitiwala kayo sa Panginoon at sa Banal na Espiritu sa inyong pag-aaral, na makikita ninyo ang lahat ng bagay na pinag-aaralan ninyo nang may kaalaman tungkol sa Kanyang ebanghelyo, at patuloy kayong matututo nang malalim sa buong buhay ninyo.

Malalim na Pagkatuto Habambuhay

Ang malalim na pagkatuto tungkol sa espirituwal at sekular na kaalaman ay isang kautusan ng Panginoon. Isipin kung ano ang mangyayari kung titigil kayo sa pag-aaral. Paano kung tumigil na ako sa pag-aaral nang makatapos ako ng kolehiyo sa kalagitnaan ng 1970s? Wala sana akong mga bagong ideya o paghahayag mula sa mga buhay na propeta, sa mga banal na kasulatan, o sa Espiritu Santo; wala sana akong alam tungkol sa patuloy na pag-unlad sa teknolohiya, pangangalagang pangkalusugan, mga nangyayari sa mundo, mga pamamalakad ng pamahalaan, o edukasyon. Wala sanang personal na paglago o espirituwal na pag-unlad sa pamamagitan ng pagsisisi at pagkatuto mula sa karanasan.

Nang maglingkod ako bilang Pangulo ng Brigham Young University–Idaho, madalas itanong ni Sister Clark, “Paano mo nakilala si President Clark?” Ang sagot niya kadalasa’y nagsimula sa, “Hindi pa siya si President Clark nang makilala ko siya.” Kung hindi ako nagpatuloy sa pag-aaral, tumanda nga ako, pero ako pa rin sana ang 25-taong-gulang na nakilala ni Sister Clark nang makatapos ako ng kolehiyo—hindi magandang hinaharap para kay Sister Clark o sa aming pamilya!

Kung titigil kayo sa pag-aaral, hindi kayo maaaring maging mas maalam, mas epektibo, mas kapaki-pakinabang, mas matapat, o mas katulad ng inyong Ama sa Langit.

Ang inyong karanasan sa pag-aaral sa mga taon ng inyong kabataan at pagiging young adult ang nagtatakda ng pundasyon para sa habambuhay na pag-aaral. Kung magkakaroon kayo ng kakayahang mag-aral nang malalim sa paraan ng Panginoon—sa pamamagitan ng Espiritu at sa masigasig at aktibong pag-aaral—magiging malaking pagpapala ito sa inyo.

Ang susi para matamo ang pagpapalang iyon ay panatilihing bukas ang inyong puso’t isipan sa pag-aaral at pagkatuto. Narito ang tatlong bagay na magagawa ninyo upang lagi kayong maging handang matuto:

  1. Hilingin sa Panginoon na biyayaan kayo ng hangarin na matuto nang lubusan.

    Kung may hangarin na kayong matuto nang lubusan, napakaganda niyan. Kung wala pa, hilingin sa Diyos na pagkalooban kayo nito. Itutuwid ng Panginoon ang inyong mga hangarin upang naisin ninyong malaman kung ano at paano Niya kayo nais na matuto habambuhay. Sa plano ng Panginoon, kung paano Niya kayo nais na matuto—sa pamamagitan ng Espiritu, sa masigasig na pag-aaral—ay kasinghalaga ng kung ano ang nais Niyang matutuhan ninyo.

  2. Gawing sentro ng inyong buhay ang pagsisisi.

    Ang pagsisisi ay isang banal na proseso. Ito ang paraan ng ating pagbabago, pag-unlad, at pagiging mas mahusay sa pamamagitan ng tumutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung mahalaga ang pagsisisi sa inyong buhay, lagi kayong luluhod, magpapakumbaba sa harapan ng Panginoon, hihingi ng Kanyang tulong kung paano gagamitin ang inyong oras at kung paano maglilingkod sa kanya.

  3. Sumamba sa templo nang madalas hangga’t kaya ninyo.

    Ang templo ang bahay ng paghahayag ng Panginoon at ng pagkatuto. Kung pupunta kayo roon nang madalas, kung dadalhin ninyo ang inyong mga tanong at hangaring matuto, tuturuan kayo ng Panginoon mismo.

Pagdaig sa Oposisyon sa Malalim na Pagkatuto

young man with tablet

Ang malalim na pagkatuto ngayon ay maghahanda sa inyo para sa pag-aaral sa habambuhay. Gayunman, alam ko na nahaharap kayo sa mga balakid at maging sa lantarang oposisyon sa pagkatutong nais ng Panginoon na matamo ninyo. Ang takot, panghihina ng loob, katamaran, hirap sa pagbabasa, kawalan ng suporta o oportunidad, kultura o mga tradisyon sa pamilya, mga problema sa gastos, mga tukso sa mundo, mga maling ideya tungkol sa edukasyon, at marami pang iba ay maaaring maging sagabal sa inyong daan.8

Alam ko na nahaharap ang ilan sa inyo sa ilan sa mga bagay na ito, at ang mga ito ay tila napakalalaking balakid sa pag-aaral.

Pinatototohanan ko na saanman kayo nakatira, anuman ang inyong sitwasyon, tutulungan kayo ng Panginoong Jesucristo laban sa lahat ng oposisyong ito dahil sa Kanyang nanunubos na pag-ibig at napakalakas na kapangyarihan. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, naranasan at nadaig Niya ang lahat ng maaaring humadlang sa inyong pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan. Sa Kanyang lakas at sa Kanyang kapangyarihan, madaraig ninyo ang anumang nakapagitan sa inyo at sa pagkatutong nais ng Panginoon na matamo ninyo.

Ito ang Kanyang pangako sa inyo, at ang Kanyang mga pangako ay totoo: “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan”(D at T 88:63; tingnan din sa Mateo 7:7).

Katapusan

Talagang dakilang araw ito sa kaharian ng Diyos. Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, at nakakita na tayo ng sunud-sunod na himala habang kumikilos ang Panginoon nang may kapangyarihan upang magbukas ng magagandang oportunidad para matuto kayo nang lubusan.

Kumikilos ang Panginoon sa inyong buhay upang pagpalain at ihanda kayo. Dalangin ko na kumilos kayo nang may pananampalataya kay Jesucristo upang samantalahin ang bawat pagkakataong matuto nang lubusan, umunlad sa kaalaman at pang-unawa, isakatuparan ang Kanyang mabubuting layunin, at maging kung ano ang dapat ninyong kahinatnan.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot,” Liahona, Nob. 2004, 116.

  2. Thomas S. Monson, “Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 119.

  3. Thomas S. Monson, “The Mighty Strength of Relief Society,” Ensign, Nob. 1997, 95.

  4. Ang huwarang “matuto, gawin, at maging” ay nagamit nang husto bilang gabay sa pag-unlad sa pamumuno at sa pagtalakay sa plano ng Panginoon para sa espirituwal na pag-unlad ng Kanyang mga anak. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Liahona, Nob. 2008, 60–68; at Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Nob. 2000, 32–34. Para sa detalyadong paliwanag tungkol sa bawat isa sa mga bahagi ng huwarang ito, tingnan ang serye ng tatlong aklat ni David A. Bednar, Increase in Learning (2011); Act in Doctrine (2012); and Power to Become (2014).

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 375.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 309–10.

  7. Mahusay na naipaliwanag ng pahayag na ito ni Brigham Young ang ideya: “Hindi lamang ginagawa ng relihiyon ni Jesucristo na makilala ng mga tao ang mga bagay ng Diyos, at mabuo sa kanila ang kadakilaan ng kalooban at kadalisayan, bagkus nagkakaloob din ito ng lahat ng maaaring paghimok at paghikayat, para maragdagan ang kanilang kaalaman at katalinuhan, sa bawat sangay ng teknolohiya, o sa sining o sa agham, sapagkat ang lahat ng karunungan, at ang lahat ng sining at agham sa daigdig ay mula sa Diyos, at pinanukala para sa ikabubuti ng kanyang mga tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 215–16).

  8. Narito ang halimbawa ng isang maling ideyang nagmula sa mga tradisyon ng kultura na maaaring makaapekto sa mga young adult: Isang henerasyon na ang nakararaan, makakakita ang isang taong naninirahan sa maunlad na daigdig ng isang maganda at mataas-ang-sahod na trabaho nang may sapat na kita upang masuportahan ang isang pamilya, na nakatuntong lang sa high school o, ang mas maganda pa, nakatapos ng high school. Nariyan pa rin ang ideyang iyan sa kabila ng katotohanan na para sa halos lahat ng tao, sa halos lahat ng mauunlad na bansa, at maging sa umuunlad na bansa, ang mga araw na iyon ay lipas na. Ang edukasyon at pag-aaral nang higit pa sa high school sa mga larangang malaki ang pangangailangan, sa pagtatamo man ng sertipiko sa teknikal na mga kasanayan o pagtatamo ng isang degree sa kolehiyo (at sa ilang larangan ay isang mas mataas na degree), ay naging mahalaga sa pagsuporta sa pamilya, paglalaan para sa mga taon ng pagreretiro, at pagkakaroon ng temporal na pundasyon para makapaglingkod sa Simbahan.