2017
Seminary: Kung Saan Tayo Nagkakaugnayan
August 2017


Seminary: Kung Saan Tayo Nagkakaugnayan

Sa maraming paraan, sa seminary nagkakaugnay ang mga bagay-bagay.

marking scriptures

Mga paglalarawan ng mga kabataan sa klase, pagmamarka ng mga banal na kasulatan, at binatang nagdarasal ni Mason Coberly

Nadarama mo ba kung minsan na nag-iisa ka habang sinusubukan mong unawain ang iyong buhay, ang iyong mga pagsubok, at ang mga banal na kasulatan? Kung gayon, ang isang paraan para matakasan ang damdaming ito ay makiugnay.

Ang isa sa pinakamagagandang lugar para gawin ito ay sa seminary. Narito ang ilang pakikiugnay na magagawa mo roon.

Makiugnay sa Ibang mga Tao

Ang seminary ay isang magandang paalaala na hindi ka nag-iisa. At napakagandang lugar nito para makiugnay sa iba sa isang ligtas at sumusuportang kapaligiran.

Nagkaklase ka man araw-araw sa isang silid-aralan o nagho-home o online study, iniuugnay ka ng seminary sa iba pang mga kabataan gayundin sa isang mapagmahal na titser. Sila ang mga taong tanggap ang pinakamabuti mong pagkatao. Maaari kang magsaliksik ng mga banal na kasulatan, magtanong, maghanap ng mga sagot, magbahagi ng mga ideya at damdamin at karanasan. Maaari kayong tumawa, umiyak, at kumanta nang sabay-sabay—at posible pa ngang kumain nang sabay-sabay (magtanong sa teacher mo kung puwedeng gawin ito; kung ang sagot ay hindi, huwag itong gawin).

Makiugnay sa mga Banal na Kasulatan

Kahit napakatagal nang naisulat ang mga banal na kasulatan, tinutulungan ka ng seminary na malaman ang nangyari noon para makaugnay ka talaga sa mga ito. Tinutulungan ka nito na maunawaan ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mundo noon sa mundo ngayon. At tinutulungan ka nitong makita ang di-nagbabagong mensahe ng Diyos sa Kanyang mga tao at sa mundo. Sa ganitong paraan, matutulungan ka ng seminary na makita kung paano maaaring makipag-usap sa iyo ang Diyos sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Espiritu para bigyan ka ng personal na patnubay. Tumutulong din itong gawing matalik na kaibigan ang mga banal na kasulatan habambuhay—isang palagiang pinagmumulan ng kapanatagan, payo, at tulong.

Iugnay ang mga Banal na Kasulatan sa Isa’t Isa

Ano ang kinalaman ng mga turo ni Alma sa mga turo ni Mateo? May pagkakatulad ba ang mga turo ni Isaias sa mga turo sa Doktrina at mga Tipan? Tinutulungan ka ng seminary na makita ang mga hiblang nagbibigkis sa lahat ng turo ng ebanghelyo sa buong banal na kasulatan. Kapag sinimulan mong pag-ugnayin ang mga ito, nagiging kapaki-pakinabang at kapana-kapanabik ang mga banal na kasulatan, at nagiging kasiya-siya at pamilyar din. Patitindihin nito ang iyong interes sa paggawa ng marami pang pag-uugnay na ito sa pagitan ng mga banal na kasulatan. At ang seminary ay nariyan para tulungan kang gawin ito.

Iugnay ang Iyong Kasalukuyan sa Iyong Hinaharap

Maaaring nakarinig na ang Ikaw-Ngayon tungkol sa Ikaw-sa-Hinaharap, ngunit maganda kung mas makikilala pa nila ang isa’t isa. Sa pamamagitan ng seminary, magkakaroon ka ng mas magandang ideya kung sino ang Ikaw-sa-Hinaharap na ito. Halimbawa, maaari mong makita kung paano ginagamit ni Ikaw-Bilang-Missionary-sa-Hinaharap ang mga banal na kasulatan para ituro sa mga tao ang ebanghelyo, lutasin ang kanilang mga problema, at tulungan silang baguhin ang kanilang buhay. O maaari kang magkaroon ng ideya kung paano itinatanim ni Ikaw-Bilang-Magulang-sa-Hinaharap ang pagmamahal sa mga banal na kasulatan sa puso ng mga bata. O maaari mo nang maunawaan kung paano makakatulong ang pagtuon sa mga katotohanan sa banal na kasulatan kay Ikaw-Bilang-Lingkod-sa-Simbahan-sa-Hinaharap upang mapaglingkuran, maturuan, at mahikayat ang iba. At siyempre, makikita mo kung paano nararanasan ni Ikaw-sa-Hinaharap ang personal na kagalakan, kapayapaan, at inspirasyon mula sa nakagawiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

Makiugnay sa Iyong Tunay na Sarili

Ang iyong tunay na sarili ang bahagi mo na nakakaalam kung anong klase kang nilalang, saan ka nanggaling, at kung sino ang iyong mga Magulang sa Langit. Alam din ng iyong tunay na sarili kung ano ang iyong tunay na potensyal, anong klaseng lakas ang taglay mo na, at ang napakatinding lakas na magagamit mo kung pipiliin mo ang tama.

Kapag lubos mong naunawaan ang mga doktrina sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng seminary at nadama mo na pinagtitibay ng Banal na Espiritu ang katotohanan ng mga ito sa puso mo, pinalalalim mo ang kaalamang ito. Madarama mo rin ang mga pahiwatig ng Espiritu na kumilos—magsisi, maglingkod, magdasal, matuto, at gawin ang lahat ng iyong makakaya para makaugnay sa iyong tunay at pinakamahusay na sarili na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maaabot mo.

Makiugnay sa Ama sa Langit

Pinatitibay mo ang iyong pakikiugnay sa Ama sa Langit kapag nanalangin ka sa Kanya, natuto ka tungkol sa Kanya at sa Tagapagligtas, at namuhay ka sa paraang nais Nila. Sa seminary natututuhan mo kung paano nangungusap sa iyo ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Espiritu Santo, na dumarating sa iyo kapag masigasig mong pinag-aralan ang mga banal na kasulatan. Madalas ka ring bigyan ng seminary ng mga pagkakataong manalangin, magnilay, magpatotoo, at gumawa ng marami pang mga pakikiugnay sa Ama sa Langit.

Tingnan kung paano nakiugnay ang mga kabataang ito.

Tuwing nasa seminary ako, alam ko na mahal at pinagmamalasakitan ako ng Ama sa Langit! Ang pagdalo sa seminary ay nabiyayaan ako ng mas malinaw na pang-unawa kung sino ako at kung bakit ako narito. Ang mga alituntunin at doktrinang natutuhan ko sa seminary ay nakatulong sa akin na gumawa ng mabubuting desisyon. Mas determinado na ako ngayong magmisyon nang full time at nasasabik akong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Marlou T., edad 20, Sorsogon, Pilipinas

Noong lumalaki ako, hindi ako naging aktibong masyado sa Simbahan. Wala akong matibay na patotoo. Pero dahil sa pagdalo ko sa seminary araw-araw, nalaman ko na maaari akong manalangin at makadama ng kapanatagan at makatanggap ng mga sagot. Nakaugnay ako sa mga kuwento sa banal na kasulatan. Palagay ko ni hindi pa ako nakabasa ng kahit isang kabanata sa sarili ko bago ako nag-seminary. Natutuhan ko ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo dahil nag-enrol ako sa seminary. Palagi akong makasusumpong ng kapayapaan sa seminary. Hindi ko maipahayag nang sapat na ginagabayan ng Panginoon ang seminary.

Brynn W., edad 17, Idaho, USA

Sa mga taon na nag-seminary ako, marami akong natutuhan tungkol sa kung saan ako nanggaling, bakit ako narito, at ano ang dapat kong gawin. Itinuro sa akin ng seminary kung paano magtanong at makahanap ng mga sagot. Dati-rati, nahihirapan akong ipamuhay ang mga banal na kasulatan. Ngunit sa bawat lesson, gumawa kami ng mga paghahalintulad sa aming buhay, kaya hindi lang mga kuwento sa mga banal na kasulatan ang natutuhan ko kundi nalaman ko rin na ang buhay ko ay bahagi ng kuwentong iyan at na nag-iwan ng patnubay ang mga propeta para sa akin. Dahil diyan, mas madali para sa akin na hanapin ang tamang landas at gumawa ng mga tamang desisyon.

Anastasia V., edad 18, Moscow, Russia

Nadaragdagan nang husto ang pagmamahal ko sa mga pamantayang banal na kasulatan sa bawat taon ng seminary. Ipinadama sa akin ng pagmamahal na ito ang mas matinding hangarin na gawin ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit. Tinulungan Niya akong makadama ng taos-pusong pagmamahal para sa aking kapwa. Nagkaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa bawat tao sa paligid ko. Dahil sa seminary, isang programang binigyang-inspirasyon ng Diyos, nalagpasan ko ang mga paghihirap na iniharap sa akin ng mundo. Tinulungan ako ng Ama sa Langit na malaman kung anong klaseng anak ang gusto Niyang kahinatnan ko, anong mga bagay ang dapat kong pagtuunan, at paano ako dapat kumilos.

Mirian C., edad 18, Guatemala, Guatemala

Sa nakalipas na ilang taon, pinaglabanan ko ang depresyon at pagkabalisa. Noong nakaraang taon ang pinakamalala para sa akin. Unti-unting naglalaho ang aking patotoo, at seminary lang ang nakatulong sa akin na malagpasan ito. Nakilala ko ang ilang batang babae na agad kong naging matatalik na kaibigan. Nagsimulang magkaroon ng kahulugan sa akin ang mga banal na kasulatan. At nagturo ang aming titser sa isang paraan na naging makabuluhan sa buhay naming mga tinedyer ang mga kuwento sa Bagong Tipan tungkol kay Jesucristo na napakatagal nang naganap. Nakilala ko ang Tagapagligtas at ang aking Ama sa Langit. Hindi lamang unti-unting nanumbalik ang aking patotoo kundi naging mas malakas at mas matibay rin ito. Hindi natapos ang pakikibaka ko sa aking mental na kalusugan, ngunit dahil sa seminary, ang pag-asang minsang nawala ay sagana na ngayon. May patotoo ako kay Jesucristo; alam ko na Siya ay buhay, mahal Niya tayo, at kaya Niyang dalhin ang ating mga pasanin kung lalapit tayo sa Kanya. Kung walang seminary hindi ko sana natanggap ang pagpapalang iyon.

Jalee D., edad 16, Colorado, USA

Bago sumapit ang unang taon ko sa seminary, hindi ko naunawaan kung bakit kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Akala ko nakakabagot na mga kuwento lang ang naroon. Pero salamat sa seminary, nalaman ko na bawat kuwento ay may mahalagang aral at magagamit ko iyan sa buhay ko ngayon. Hangad kong patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Oscar B., edad 15, Limón, Costa Rica

Nabinyagan ako noong Mayo 2016. Ang unang taon ko sa seminary ay nagsimula kalaunan pa sa taong iyon. May pag-aalinlangan ako noong una, at hindi ako handang gumising nang maaga, pero nahikayat akong dumalo. Medyo hindi pa rin ako gaanong sigurado tungkol sa pagkilala sa tinig ng Espiritu, pero nakatulong sa akin ang pagdalo sa seminary para makilala ang tinig na iyon. Sa pamamagitan ng Espiritu, nalaman ko na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Alam ko na ginagabayan ako ng Espiritu na markahan ang mga talatang makahulugan at na palaging may dahilan. Ginagabayan ako ng mga banal na kasulatan kapag naliligaw ako ng landas, at tinuturuan ako nito. Tuwing masama ang araw ko, maaari kong buklatin ito at pagandahin ang araw ko.

Shelby L., edad 16, Montana, USA