2017
Ang Banal na Pamantayan ng Katapatan
August 2017


Ang Banal na Pamantayan ng Katapatan

Mula sa isang mensahe sa devotional na, “Honesty—The Heart of Spirituality,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Setyembre 13, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Para sa isang disipulo ni Cristo, katapatan ang pinamahalagang bahagi ng espirituwalidad.

man choosing between two paths

Mga paglalarawan ni Simone Shin

Ang ating Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay mga nilalang na tiyak, sakdal, at lubos ang katapatan at katotohanan. Tayo ay mga anak ng Diyos. Ang tadhana natin ay maging katulad Niya. Hangad nating maging ganap na matapat at totoo na katulad ng ating Ama at ng Kanyang Anak. Katapatan ang naglalarawan sa pagkatao ng Diyos (tingnan sa Isaias 65:16), at samakatwid, katapatan ang pinakamahalagang bahagi ng ating espirituwal na paglago at mga kaloob.

Ipinahayag ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6; tingnan din sa Juan 18:37; D at T 84:45; 93:36).

Tinanong ng Panginoon ang kapatid ni Jared, “Maniniwala ka ba sa mga salitang sasabihin ko sa iyo?”

At sumagot ang kapatid ni Jared: “Oo, Panginoon, nalalaman ko na nagsasabi kayo ng totoo, sapagkat kayo ay Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling” (Eter 3:11, 12).

At narito ang mga salita mismo ng Tagapagligtas: “Ako ang Espiritu ng katotohanan” (D at T 93:26; tingnan din sa talata 24). “Sinasalita ko sa inyo ang katotohanan” (Juan 16:7; tingnan din sa talata 13).

Sa kabilang dako, inilarawan si Satanas bilang ama ng mga kasinungalingan: “At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:4).

Sabi ni Jesus, “[Ang] diablo … [ay] hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka’t siya’y isang sinungaling” (Juan 8:44; tingnan din sa D at T 93:39).

Patuloy na pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga taong hayagang nagpahayag ng isang bagay ngunit iba naman ang nilalaman ng kanilang puso (tingnan sa Mateo 23:27). Pinuri Niya ang mga taong namuhay nang walang panlilinlang (tingnan sa D at T 124:15). Nakikita ba ninyo ang pagkakaiba? Sa isang dako ay may pagsisinungaling, panlilinlang, pagkukunwari, at kadiliman. Sa kabilang dako naman ay may katotohanan, liwanag, katapatan, at integridad. Nilinaw ng Panginoon ang pagkakaiba ng mga ito.

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkakatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito. …

“Inilarawan ng Tagapagligtas ng sangkatauhan ang Kanyang sarili bilang nasa mundo ngunit hindi makamundo [tingnan sa Juan 17:14; D at T 49:5]. Tayo man ay magiging gayon kung tatanggihan natin ang mga maling konsepto at turo at mananatili tayong tapat sa ipinag-uutos ng Diyos.”1

man with world

Sasabihin ng mundo sa atin na mahirap matukoy ang katotohanan at katapatan. Ginagawang biro ng mundo ang kaswal na pagsisinungaling at agad na pinangangatwiranan ang tinatawag na “walang-malay” na panlilinlang. Ang pagkakaiba ng tama sa mali ay pinalalabo, at ang mga bunga ng pagsisinungaling ay minamaliit.

Upang laging matanggap ang Espiritu ng Katotohanan—ang Espiritu Santo—kailangan nating puspusin ng katotohanan at katapatan ang ating buhay. Kapag tayo ay naging lubos na matapat, higit na naliliwanagan ang ating espirituwal na mga mata.

Madali ninyong mauunawaan kung paano pinagagaan ng espirituwal na lakas na ito ang pagkatuto ninyo sa klase. Ngunit nakikita rin ba ninyo kung paano naaangkop ang alituntuning ito sa mahahalagang desisyon kung paano ninyo ginugugol ang inyong oras, kanino ninyo ginugugol ang inyong oras, at paano ninyo hinuhubog ang inyong buhay?

Mangakong Maging Matapat

Hindi ninyo maaaring paghiwalayin ang espirituwal na kaloob ng katotohanan na kailangan at nais ninyo mula sa inyong pagiging isang taong matapat at makatotohanan. Ang katotohanang hinahangad ninyo ay nakaugnay sa inyong pagkatao. Ang liwanag, espirituwal na mga kasagutan, at patnubay ng langit ay laging nakaugnay sa sarili ninyong pagiging matapat at makatotohanan. Karamihan sa inyong nagtatagal na kasiyahan sa buhay ay darating kapag patuloy kayong nangangakong maging matapat.

Ibinahagi ni Roy D. Atkin ang kuwentong ito:

“Matapos mag-drop out ang ilang estudyante kasunod ng freshman year [ko], mas nagpagalingan ang mga kaklase ko sa dental school. Lahat ay nagsumikap na manguna sa klase. Habang nag-iibayo ang kompetisyon, ipinasiya ng ilang estudyante na mandaya para pumasa. Labis akong nag-alala dahil dito. …

“… Alam kong hindi ako puwedeng mandaya. Mas gusto kong maging tama sa paningin ng Diyos kaysa maging isang dentista.

“[Noong] junior year ko, may nag-alok sa akin ng kopya ng isang parating na test sa isang napakahalagang klase. Malinaw na nangahulugan iyan na hawak na nang maaga ng ilan sa mga kaklase ko ang mga tanong sa test. Tinanggihan ko ang alok. Nang ibalik na ang na-check na test papers, napakataas ng average ng klase, kaya mababa ang naging score ko kung ihahambing. Hiniling ng propesor na makausap ako.

“‘Roy,’ sabi niya, ‘karaniwa’y mataas ang marka mo sa mga test. Ano’ng nangyari?’

“‘Sir,’ sabi ko sa propesor ko, ‘sa susunod na exam, kung magbibigay po kayo ng test na hindi pa ninyo naibigay noon, naniniwala ako na makikita ninyong mataas ang marka ko.’ Hindi siya sumagot.

pencil and test

“Nagkaroon kami ng isa pang test sa klaseng iyon. Nang ibigay na ang test, may mga nagreklamo. Bagung-bago kasi ang test na ibinigay ng guro. Nang ibalik ang mga test namin na may marka na, isa ako sa pinakamataas ang marka sa klase. Mula noon, bago na ang lahat ng test.”2

Dahil tayo ay mga disipulo ni Cristo, lalong tumitibay ang banal na pamantayan ng katapatan sa ating kalooban. Sa Aklat ni Mormon, ang payo ni Haring Benjamin na “hubarin ang likas na tao” (Mosias 3:19) ay isang panawagan para sa pinag-ibayong katapatan at katotohanan.

Sa mga taga-Efeso, ipinayo ni Apostol Pablo, “Iwan … ang dating pagkatao, na [masama] … at mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip.” Pagkatapos ay nagbigay si Pablo ng partikular na payo tungkol sa pagkakaroon ng “bagong pagkatao”: ang pinakaunang sinabi niya sa kanila ay “[itakwil ang] kasinungalingan, … [magsalita] ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan” (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:22–25; tingnan din sa Mga Taga Colosas 3:9; 3 Nephi 30:2).

Gusto ko ang paglalarawang ito sa katapatan: “Ang katapatan ay pagiging lubos na tapat, matwid, at makatarungan.” Gayundin, ang integridad ay “[pagkakaroon] ng katapangang moral na iangkop ang [inyong] mga kilos sa kaalaman [ninyo] tungkol sa tama at mali.”3

Ikinuwentong minsan ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na nag-aplay siya sa Officer’s Candidate School sa United States Army. Sabi niya:

“Pinaharap ako sa board of inquiry. Kakaunti ang mga kwalipikasyon ko, pero may dalawang taon ako sa kolehiyo at nakapagmisyon ako para sa simbahan sa South America.

“Ang mga itinanong sa akin sa officers’ board of inquiry ay talagang nakakagulat. Halos lahat sa mga ito ay nakatuon sa mga paniniwala ko. ‘Naninigarilyo ka ba?’ ‘Umiinom ka ba ng alak?’ ‘Ano ang palagay mo sa mga taong naninigarilyo at umiinom?’ Hindi ako nahirapang sagutin ang mga tanong na ito.

“‘Nagdarasal ka ba?’ ‘Naniniwala ka ba na dapat magdasal ang isang opisyal?’ Ang opisyal na nagtatanong nito ay isang tigasing sundalo. Mukhang hindi siya madalas magdasal. … Gustung-gusto kong maging opisyal. …

“Ipinasiya kong huwag nang magpaliguy-ligoy. Inamin ko na nagdasal ako at na nadama ko na maaaring humingi ng banal na patnubay ang mga opisyal tulad ng ginawa ng ilang magagaling na heneral. …

“Nagsulputan ang mas nakatutuwang mga tanong. ‘Sa panahon ng digmaan, hindi ba dapat ibaba ang pamantayan ng moralidad? Hindi ba makatwirang gawin ng mga lalaki ang hindi nila gagawin kapag nasa bahay sila at normal ang mga sitwasyon dahil sa hirap ng digmaan?’

“… Inakala ko na hindi ipinamumuhay ng mga lalaking nagtatanong sa akin nito ang mga pamantayang itinuro sa akin. Sumagi sa aking isipan na marahil ay maaari kong sabihin na may sarili akong mga paniniwala, pero ayaw kong ipilit ito sa iba. Ngunit parang sumagi sa aking isipan ang mukha ng maraming taong naturuan ko ng batas ng kalinisang-puri noong missionary ako. Sa huli’y sinabi ko na lang na, “Hindi ako naniniwala na may dalawang magkaibang pamantayan ng moralidad.’

“Nilisan ko ang pagdinig na iyon na naniniwala na ang mga tigasing opisyal na iyon ay … tiyak na bibigyan ako ng napakababang marka. Makalipas ang ilang araw nang ipaskil ang mga marka, nagulat ako na nakapasa ako. Kabilang ako sa unang grupo ng mga tinanggap sa Officer’s Candidate School!”

At pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Faust, nang matanto na maaaring magkaroon ng malalaking bunga ang maliliit na desisyon, “Ito ang isa sa mahahalagang pagpapasiya sa buhay ko.”4

Ang katapatan, integridad, at katotohanan ay mga walang-hanggang alituntunin na mahalaga sa paghubog ng ating karanasan sa buhay at tumutulong na matukoy ang ating walang-hanggang tadhana. Para sa isang disipulo ni Cristo, katapatan ang pinakamahalagang bahagi ng espirituwalidad.

Tuparin ang Inyong Sinabi

May impluwensya ang katapatan sa bawat bahagi ng inyong buhay araw-araw, ngunit tutukuyin ko ang ilang partikular na halimbawa. Noong estudyante pa ako, naaalala ko na ibinahagi ng noon ay pangulo ng Brigham Young University na si Dallin H. Oaks, na miyembro na ngayon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang pahayag na ito ni Karl G. Maeser: “Mga kaibigan kong kabataan, may nagtanong sa akin kung ano ang ibig sabihin ng palabra-de-honor. Sasabihin ko sa inyo. Ikulong mo ako—sa batong pader [na napakataas,] na ubod nang kapal, na nakabaong mabuti sa lupa—may posibilidad na kahit paano’y makatakas ako. Ngunit patayuin mo ako [sa sahig na iyan] at guhitan ng yeso ang aking paligid at hayaang ibigay ko ang aking palabra-de-honor na di ako kailanman hahakbang dito. Makalalabas ba ako sa bilog? Hindi kailanman! Mamamatay na muna ako!”5

man standing in circle

May mga pagkakataon na tinutupad natin ang ating mga pangako dahil lamang sa pumayag tayong tuparin ang mga ito. Magkakaroon ng mga sitwasyon sa buhay ninyo na matutukso kayong balewalain ang kasunduang nagawa ninyo. Sa una’y makikipagkasundo kayo dahil sa isang bagay na nais ninyong matanggap bilang kapalit. Kalaunan, dahil nagbago ang sitwasyon, ayaw na ninyong tuparin ang mga napagkasunduan ninyo. Dapat ninyong malaman ngayon na kapag nagbitaw kayo ng salita, kapag nangako kayo, kapag pumirma kayo, ang inyong katapatan at integridad ay inoobliga kayong tuparin ang inyong sinabi, ang inyong ipinangako, ang inyong napagkasunduan.

Kaylaki ng pasasalamat namin na “naniniwala [kayo] sa pagiging matapat” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13), na nagsasabi kayo ng totoo, na hindi kayo mandaraya sa exam, mangongopya ng isinulat ng iba at aangkinin ito, o lilinlangin ang isa’t isa. Sinabi sa atin ng Tagapagligtas:

“At ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa;

“At ano man ang humigit-kumulang kaysa rito ay espiritu ng yaong masama na isang sinungaling mula pa sa simula” (D at T 93:24–25).

Kadalasa’y dumarating ang ating mga hamon nang “humigit-kumulang”—ang maliliit na tukso na huwag maging lubos na matapat. Noong college freshman ako, may inipit akong isang pahayag sa ibabaw ng mesa ko na madalas banggitin noon ni Pangulong David O. McKay (1873–1970). Sabi roon: “Ang pinakamatinding digmaan sa buhay ay nilalabanan sa tahimik na kaibuturan ng kaluluwa.”6

Ano sa palagay ninyo ang pakiramdam ng Panginoon kapag gumagawa tayo ng mahihirap na desisyon na nangangailangan ng katapatan? May malaking espirituwal na lakas sa pananatiling tunay at matapat kapag ang mga bunga ng inyong katapatan ay tila walang kabuluhan. Bawat isa sa inyo ay mahaharap sa gayong mga desisyon. Sa mahahalagang sandaling ito masusubukan ang inyong integridad. Kapag pinili ninyo ang katapatan at katotohanan—umaayon man ang sitwasyon sa inaasahan ninyo o hindi—matatanto ninyo na ang mahahalagang pagpapasiyang ito ay nagiging mga pangunahing sandigan ng lakas sa inyong espirituwal na paglago.

“Maging Matwid sa Dilim”

Sinabing minsan ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Kailangan nating matutong maging matwid sa dilim.”7 Ang isang kahulugan ng pahayag na ito ay kailangan nating matutong maging matapat kapag walang makakaalam kung magsinungaling man tayo. Hinahamon ko kayo na maging “matwid sa dilim.” Piliin ang landas na pipiliin ng Tagapagligtas mismo.

Isinulat ng makatang si Edgar A. Guest:

Ayaw kong itago sa loob ng istante

Ang maraming lihim tungkol sa aking sarili,

At lokohin ang sarili ko, sa pagparoo’t parito,

Na isiping walang ibang makakaalam nito.8

Alalahanin ang magagandang salita ni Propetang Joseph Smith: “Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

man in vice

May pamimilit sa inyo na magtagumpay kayo, panatilihing matataas ang marka ninyo, makakita ng trabaho, magkaroon ng mga kaibigan, pasayahin ang mga nasa paligid ninyo, makatapos sa pag-aaral. Huwag hayaang madaig ng mga pamimilit na ito ang matapat ninyong pagkatao. Maging matapat kahit maging negatibo ang ibubunga nito sa inyo. Manalangin na maging mas matapat, pag-isipan ang mga aspeto ng buhay na nanaisin ng Panginoon na maging mas matapat kayo, at maging matapang na gawin ang kailangang mga hakbang upang mas determinadong maging lubos na matapat.

Ipinayo sa atin ni Pangulong Monson, “Nawa’y maging mga halimbawa tayo ng katapatan at integridad saanman tayo magpunta at anuman ang ating ginagawa.”9 Maaari ninyong ilagay ang payong ito ng propeta ng Panginoon kung saan ninyo ito madalas na makikita.

Ipinayo ni Elder Oaks, “Hindi tayo dapat magparaya sa ating sarili. Dapat tayong sumunod sa mga hinihingi ng katotohanan.”10 Maging matatag ka sa iyong sarili. Sabi ni Jesus, “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin” (Mateo 16:24).

Magtatapos ako kung saan ako nagsimula. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak ay mga nilalang na tiyak, perpekto, at lubos ang katapatan. Pinatototohanan ko na buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Kilala Nila kayo nang personal. Mahal Nila kayo. Ang inyong tadhana bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos ay maging katulad Nila. Tayo ay mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. Magkaroon tayo ng tapang na sundin Siya.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 66, 67.

  2. Roy D. Atkin, “I Wouldn’t Cheat,” New Era, Okt. 2006, 22–23.

  3. Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 61.

  4. James E. Faust, “Honesty—A Moral Compass,” Ensign, Nob. 1996, 42–43.

  5. Sa Alma P. Burton, Karl G. Maeser: Mormon Educator (1953), 71; tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Be Honest in All Behavior” (Brigham Young University devotional, Ene. 30, 1973), 4, speeches.byu.edu.

  6. Tingnan sa James L. Gordon, The Young Man and His Problems (1911), 130.

  7. Office Journal ni Brigham Young, Ene. 28, 1857.

  8. Edgar A. Guest, “Myself,” sa The Best Loved Poems of the American People (1936), 91.

  9. Thomas S. Monson, “Sa Paghihiwa-hiwalay,” Liahona, Mayo 2011, 114.

  10. Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 32.