Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Maraming Himala kay Cristina
Nasaksihan ng pamilya namin ang maraming himala dahil sa kapatid kong si Cristina. Ipinanganak siya na may malubhang depekto sa puso. Nang suriin siya ng mga doktor, sinabi nila sa mga magulang ko na malamang na hindi siya mabuhay. Gayunman, kinarga ng mga magulang ko ang kanilang mahinang sanggol at nagtiwala sila sa Panginoon. Himala na nabuhay si Cristina.
Nagdaan ang mga taon, at si Cristina ay naging malakas, matalino, at mahilig maglaro at magandang bata. Noong siya ay 12 anyos, kinailangan siyang operahan para malagyan ng artificial valve ang puso niya. Nag-alala kami kung makakaligtas siya sa operasyon, ngunit nang may labis na lakas at tapang, nagpaalam siya sa amin at pumasok sa operating room.
Nakaligtas si Cristina sa operasyon at umuwi sa amin. Lagi siyang mukhang masaya at nagpapasalamat sa Ama sa Langit na buhay siya at may pagkakataong matuto at lumago. Hindi inakala ng mga kaibigan niya na may depekto siya sa puso, dahil napakaaktibo niya.
Matapos gumaling mula sa isang stroke sa edad na 16, pinatulong si Cristina sa pagtuturo ng seminary. Hinikayat niya ang maraming estudyante nang magsaulo sila ng mga talata sa banal na kasulatan at matuto mula sa Aklat ni Mormon. Tumugtog din ng piyano si Cristina at mahilig siyang kumanta. Hindi siya nag-atubili nang anyayahan siya na kumumpas sa isang koro na may 60 katao para sa isang ward conference.
Noong siya ay 22, ikinasal si Cristina sa isang binata sa templo para sa kawalang-hanggan. Hindi nagtagal matapos ang kasal, tinawag siyang maging Young Women president sa kanyang ward.
Noong siya ay 26, mabilis na bumagsak ang kalusugan ni Cristina. Nagpunta siya sa São Paulo para sa ilang pagsusuri. Doo’y nalaman niya na kailangan niya ng isa pang operasyon. Habang inooperahan, inatake sa puso si Cristina at nagdulot ito ng pinsala sa kanyang utak. Lumipas ang ilang buwan, at hindi umigi ang kanyang kalagayan. Nagtipon kami bilang pamilya para mag-ayuno at manalangin para sa kanyang paggaling, ngunit hindi umigi ang kanyang kalagayan. Nagpasiya kaming mag-ayunong muli, sa pagkakataong ito para humingi ng tulong na tanggapin ang kalooban ng ating Ama sa Langit. Kinabukasan pumanaw si Cristina.
Hindi iyon ang inasam namin, ngunit natanto namin na himala rin ito. Hindi na kailangang magdusa ni Cristina. Ang ebanghelyo ay nagbigay sa amin ng galak at kapayapaan, kahit sa mga sandali ng matinding kalungkutan. Dahil nabuklod sa kami, alam namin na maaari naming makapiling na muli si Cristina.