2017
Paano Ka Makakatulong sa Gawain sa Templo
August 2017


Paano Ka Makakatulong sa Gawain sa Templo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang gawain sa templo ay naghahatid ng kagalakan sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay.

taking pictures of old photographs

Nanabik ka na ba sa isang bagay na hindi ka makapaghintay na magsimula? Siguro’y nanabik kang umalis kasama ng iyong kapatid na lalaki para panooring maglaro ang paboritong mong sports team, o siguro’y inimbitahan ka ng matalik mong kaibigan na manood ng isang magandang konsiyerto.

Noong mga 1840, ipinanumbalik ng Diyos ang isang katotohanan ng ebanghelyo na talagang nagpasaya at nagpasabik kay Joseph Smith. Nalaman niya na sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood, maaaring mabinyagan ang mga tao sa pamamagitan ng proxy para sa kanilang mga mahal sa buhay na hindi nabinyagan sa buhay na ito.

Ang doktrina ng binyag para sa mga patay ay nagpasaya lalo na kay Joseph dahil namatay ang kuya niyang si Alvin sa edad na 25 nang hindi nabinyagan. Matagal na nag-alala si Joseph na baka nahatulan si Alvin ng walang-hanggang pagdurusa dahil hindi ito nabinyagan noong buhay ito.

Ngunit sa pamamagitan ng mga paghahayag tungkol sa kaligtasan para sa mga patay, nalaman ni Joseph na maaaring mabinyagan si Alvin sa pamamagitan ng proxy at maligtas sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 137).

Pagbabahagi sa Iba ng Katotohanan tungkol sa Pagbibinyag para sa mga Patay

Hindi lamang masayang balita ito para sa pamilya Smith, masayang balita rin ito para sa iba pang mga Banal sa Nauvoo, Illinois. Noong Agosto 15, 1840, nagturo si Joseph Smith tungkol sa ordenansa ng pagbibinyag para sa kanilang mga ninuno sa isang burol para kay Seymour Brunson. Sinabi ni Joseph na panahon na para isakatuparan at ibalik ang gawaing iyon, na ginawa na ng mga Banal noong unang panahon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29).1

Nang marinig ng mga Banal sa Nauvoo na maaari silang binyagan para sa mga kapamilya nilang pumanaw, tuwang-tuwa sila. “Nang akin itong mabalitaan, lumukso sa galak ang aking kaluluwa,” sabi ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98).2

Nang malaman ng mga banal na maaari silang magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, ginusto nilang tapusin ang gawain para sa kanilang mga pamilya sa lalong madaling panahon. Maraming sumulat sa kanilang mga kapamilya para makakalap ng mga pangalan ng mga yumaong kamag-anak. Dahil wala pang templo noon, daan-daang tao ang bumaba sa Ilog Mississippi para isagawa ang mga ordenansa.

Pagbibinyag para sa mga Patay at Ikaw

Ang kagalakan ay patuloy sa panahong ito tungkol sa gawain sa templo at binyag para sa mga patay. May mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo, at binubuksan ng gawain sa templo ang pintuan para makamit ng lahat ang kaligtasan. Ito ay isang napakagandang regalo!

Tulad ng mga Banal sa Nauvoo, maaari kayong magsama-sama ng mga kaibigan at pamilya mo para gawin ang pagbibinyag para sa mga pumanaw na. Maaari mong dalhin ang iyong pamilya sa templo. Ibig sabihin ay hindi lang ang buhay mong kapamilya ang dadalhin mo sa templo kundi maging ang iyong mga mahal sa buhay na pumanaw na. Kung hindi makakapunta ang iyong pamilya sa templo, maaari mong hilingin sa iyong mga kaibigan, lider, o miyembro ng korum at klase na samahan ka.

Ang pagpunta sa templo na kasama ang mga mahal sa buhay ay naghahatid ng kagalakan. Pinag-uugnay nito ang mga pamilya, nagdudulot ng kapayapaan, at nagpapaalala sa atin na mahal tayong lahat ng Diyos at nag-aalok Siya ng kaligtasan sa lahat ng Kanyang anak.

At isang bagay iyan na maaari nating ikatuwang lahat.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Matthew McBride, “Letters on Baptism for the Dead,” Mayo 29, 2013, history.lds.org.

  2. Wilford Woodruff, sa Deseret News, Mayo 27, 1857, 91.