2017
Tinatawag Akong Muli ng Diyos
August 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tinatawag Akong Muli ng Diyos

scientist

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Nang makatapos ako ng kolehiyo, naging research scientist ako. Dahil bihasa sa mga pamamaraan ng siyensya, tinanggap ko lamang kung ano ang mauunawaan at mapapatunayan. Nabuhay ako nang walang impluwensya ng Diyos sa aking buhay; isa akong ateista.

Pagkatapos isang umaga nakatanggap ako ng tawag na sangkot sa isang matinding aksidente sa kotse ang anak kong lalaki. Habang papunta sa ospital, nadama ko na kailangan kong bigkasin ang panalangin ng Panginoon, na natutuhan ko noong bata pa ako. Hindi ko ito maalala, pero nadama ko na kailangan ko pa ring magdasal.

Kahit tinawag na ako ng Diyos, nang makalagpas sa krisis at gumaling ang anak ko, patuloy akong namuhay nang wala Siya sa buhay ko.

Ilang taon kalaunan sinimulan kong ideyt ang isang babaeng nagngangalang Rubí. Miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bagama’t hindi siya aktibo. Tatlong taon na kaming nagsasama nang madama niya ang hangaring magsimba. Hiniling niyang samahan ko siya, pero lagi akong tumatanggi.

Isang araw kumatok ang mga missionary sa pinto namin. Binigyan nila ako ng Aklat ni Mormon at nag-iwan sila sa akin ng mga takdang-babasahin. Binasa ko ang ipinabasa nila pero wala akong naramdaman. Nagsimba rin ako pero lagi akong may pag-aalinlangan. Gayon pa man, nadama ko na kailangan kong patuloy na basahin ang Aklat ni Mormon. Tinatawag akong muli ng Diyos.

Nang patuloy akong magbasa, nadama ko na ang aklat ay totoo. Lumalakas na ang pananampalataya ko. Nang makarating ako sa 3 Nephi 13:9–13 at mabasa ko ang panalangin ng Panginoon, bumuhos sa akin ang Espiritu. Napahikbi ako. Tinatawag ako ng Diyos sa ikatlong pagkakataon. Sa pagkakataong ito’y nakinig ako.

Lumakas ang pananampalataya ko sa Diyos. Ginusto kong malaman pa ang iba. Sa loob ng maikling panahon, nabasa ko ang lahat ng pamantayang banal na kasulatan. Patuloy akong nagsimba, at matapos kaming makasal ni Rubí, nabinyagan ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang galak na nadama ko nang makumpirma akong miyembro ng Simbahan.

Ngayo’y isa pa rin akong research scientist. Pero ngayo’y nakikita ko na ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay. Sang-ayon ako kay Alma, na nagsabing, “Lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha” (Alma 30:44).