2017
Paano Tumugon nang May Katapangan ng Isang Kristiyano
August 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Tumugon nang May Katapangan ng Isang Kristiyano

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008.

hugging

Dumarating ang isa sa pinakamalalaking pagsubok sa mortalidad kapag ang ating mga paniniwala ay binabatikos o pinipintasan. Sa gayong mga pagkakataon, gusto nating gumanti kaagad—na “maghandang makipagtalo.” Ngunit kapag sumagot tayo sa mga nagpaparatang sa atin na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, hindi lang tayo nagiging higit na katulad ni Cristo, inaanyayahan din natin ang iba na damhin ang Kanyang pagmamahal at sumunod sa Kanya.

Bilang mga tunay na disipulo, ang una nating dapat isipin ay ang kapakanan ng iba, hindi ang patunayan na tayo ang tama. Ang mga pambabatikos at pamimintas ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na tulungan ang iba at ipakita na mahalaga sila sa ating Ama sa Langit at sa atin. Ang dapat nating maging layunin ay tulungan silang maunawaan ang katotohanan, hindi ang ipagtanggol ang ating sarili o manalo sa isang debate tungkol sa Diyos. Ang ating taos-pusong mga patotoo ang pinakamabisang sagot na maibibigay natin sa mga nagpaparatang sa atin. At ang gayong mga patotoo ay maibabahagi lamang nang may pagmamahal at kaamuan. Dapat nating gayahin si Edward Partridge, na sinabi ng Panginoon na, “Ang kanyang puso ay dalisay sa harapan ko, sapagkat siya ay katulad ni Natanael noong sinauna, na sa kanya ay walang pandaraya” (D at T 41:11). Ang hindi pandaraya ay pagiging inosente na tulad ng isang bata, hindi madaling magdamdam at mabilis magpatawad.

Sa lahat ng naghahangad na malaman kung paano tayo dapat tumugon sa mga nagpaparatang sa atin, isinasagot ko, mahalin sila. Anuman ang kanilang lahi, doktrina, relihiyon, o pinapanigan sa pulitika, kung susunod tayo kay Cristo at magpapamalas ng Kanyang katapangan, kailangan natin silang mahalin. Hindi natin madarama na mas mabuti tayo kaysa kanila. Bagkus, nais nating ang ating pagmamahal ang magpakita sa kanila ng mas mabuting landas—ang landas ni Jesucristo. Ang Kanyang landas ay patungo sa pagpapabinyag, sa makipot at makitid na landas ng matwid na pamumuhay, at sa templo ng Diyos. Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Tanging sa pamamagitan Niya mamamana natin at ng lahat ng kapatid natin ang pinakadakilang kaloob na matatanggap natin—ang buhay na walang hanggan at walang-hanggang kaligayahan. Ang pagtulong sa kanila, ang pagiging halimbawa sa kanila, ay hindi para sa mahihina. Para ito sa malalakas. Para ito sa inyo at sa akin, na mga Banal sa mga Huling Araw na naging marapat na maging disipulo sa pagsagot sa mga nagpaparatang sa atin nang may katapangan ng isang Kristiyano.