Ano ang Institute?
Huwag palampasin ang pagkakataong magkaroon ng mga kaibigan, espirituwal na proteksyon, at kaalaman sa ebanghelyo.
Nang hikayatin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga young adult na maging “pinakamahusay na henerasyon … sa kasaysayan ng Simbahan,” ang isang bagay na iminungkahi niyang gawin nila ay ang mag-enroll sa institute of religion. Nangako siyang sa paggawa nito, sila ay magiging mas handa para sa misyon, kasal na pangwalang-hanggan, at buhay bilang adult, at mas makatatanggap ng inspirasyon at patnubay mula sa Espiritu.1
Ngunit kung hindi kayo gaanong sigurado kung ano ang institute of religion ng Simbahan o kung paano nito mapagpapala ang buhay ninyo pagkatapos ng high school, susubukan kong sagutin ang ilang katanungan na maaaring mayroon kayo.
Sino ang Maaaring Dumalo?
Pinipili ng karamihan sa mga kabataan na makibahagi sa seminary, ngunit ano ang kasunod nito? Ang ilang estudyante ay pumapasok sa isang unibersidad o kolehiyo ng Simbahan, kung saan ang mga kurso sa relihiyon ay kasama sa iskedyul ng mga klase. Bakit? Dahil napakahalagang pagsabayin ang espirituwal na edukasyon at sekular na edukasyon.
Pero paano kung hindi kayo papasok sa isang paaralan ng Simbahan? Hindi naiisip ng maraming young adult na maaari nilang makamit ang pinagsamang sekular at espirituwal na edukasyon saan man sila naroroon. Sa pagpasok ninyo sa kolehiyo, malimit na may malapit na institute of religion program, kadalasan ay isang tawid lang mula sa kolehiyo o sa isang lokal na gusali ng Simbahan. Kung minsan pa nga ay pinahihintulutan ng ilang kolehiyo na magdaos ng mga klase ng institute sa loob ng kanilang mga kampus. Kahit kapag nakatapos na kayo sa kolehiyo, maaari kayong dumalo.
Hindi ninyo kailangang maging estudyante sa kolehiyo. Lahat ng young adult, edad 18–30, may asawa man o wala, ay maaaring dumalo sa institute.
Bisitahin ang institute.lds.org para makahanap ng institute na malapit sa inyo.
Bakit Dapat Dumalo?
Mayroon lamang 57 estudyante nang magsimula ang programa malapit sa isang kolehiyo sa Moscow, Idaho, USA, at ngayon ay mayroon na itong mahigit 250,000 estudyante sa buong mundo. Nakikita nila ang malaking kalakasan at pagpapalang bumubuhos sa buhay nila. Sa isang survey na ginawa kamakailan, tinanong ang mga estudyante sa institute sa 10 magkakaibang bansa kung ano ang nagawa ng institute para sa kanila. Bakit sila dumadalo rito? Paano sila natutulungan nito? Libu-libong tugon ang natipon at nagpahayag ng tatlong pangunahing tema: Tinutulungan ng institute ang mga estudyante na (1) patibayin ang kanilang kaugnayan kay Jesucristo, (2) umunlad sa espirituwal, at (3) magkaroon ng tiwala sa sarili sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.
Pag-isipan ang mga pagdedesisyunan ninyo: pagpili ng papasukang kolehiyo; pagpapasiya kung magmimisyon o hindi; at pagpili ng trabaho, mga kaibigan, at mapapangasawa. Ito ay malalaking desisyon. At tulad ng sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Mga desisyon ang nagpapasiya ng tadhana.”2 Tiyak na ang mahahalagang desisyong ito ay dapat gawin sa tulong ng Espiritu Santo. Ang kailangang banal na tulong ay makikita kapag kayo ay umuugnay sa Espiritu, sa mga banal na kasulatan, at sa mga kaibigan na kapareho ninyo ang mga pinahahalagahan sa isang religion class sa institute o sa isang paaralan ng Simbahan.
Si Laura ay isang estudyante na nakikinabang sa institute. Nang magsimula siyang mag-aral sa isang unibersidad sa Ontario, Canada, parang hindi niya alam kung nasaan siya at nadama niya na hindi na kasinglakas ng dati ang kanyang patotoo. Nagsimula siyang dumalo sa institute at muling “nadama na katulad pa rin siya ng dati” at “nalaman kung sino siya.” (Tingnan ang kanyang kuwento at ang mga kuwento ng iba pang mga young adult sa InstituteIsForMe.lds.org.)
Kapag alam ninyo talaga kung sino kayo—isang lalaki o babaeng anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na nagnanais na kayo ay maging kahanga-hanga—makagagawa kayo ng mahahalagang desisyon na hahantong sa kaligayahan at tagumpay.
Habang dinaragdagan ninyo ang inyong mga natutuhan sa seminary at sa iba pang mga gawain sa Simbahan, patitibayin ng pagdalo sa institute ang inyong kaugnayan kay Jesucristo sa napakahalagang bahagi ng inyong buhay at tutulungan kayong ipagpatuloy ang inyong espirituwal na pag-unlad.
Mahal kayo ng Ama sa Langit. Maglalaan Siya ng paraan para patuloy kayong maging katulad Niya. Ang institute ay isa sa mga paraan na gumagawa ng kaibhan sa daan-daang libong buhay bawat taon.