2017
Ang Pag-aalala ng Panginoon sa Amin
August 2017


Paglilingkod sa Simbahan

Ang Pag-aalala ng Panginoon sa Amin

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang gunitain ko ang panahon na ang pamilya ko ang pinagtuunan ng mga ward council, natanto ko na hindi lang pala ang ward ang nag-aalala sa amin—nag-aalala rin ang Panginoon.

ward council

Nang tanungin ng bishop ko kung tatanggapin ko ang tawag na maging Young Women president, gusto ko sanang humindi. Pakiramdam ko hindi ko kayang mamuno sa mga kabataang babae. Ngunit tatlong buwan matapos ko itong tanggapin, nalungkot akong malaman na magbabago ang mga hangganang sakop ng ward namin at ire-release ako.

Ipinagdasal kong malaman kung bakit tinulutan ng Panginoon na mapamahal sa akin ang mga kabataang babae para lamang magpaalam ako kaagad. Dumating ang sagot sa akin nang di-inaasahan sa isang ward council meeting.

Pinagkuwento ang mga miyembro ng council sa stake conference tungkol sa pagtulong sa mga miyembro ng aming ward, pero nag-alala ako na baka madama ng ilan na proyekto lang ng ward ang pagtulong sa kanila. Gayunman, pagkatapos kong ipaalam ang pag-aalala ko, sinabi sa akin ng Espiritu na nag-aalala ang Ama sa Langit tungkol sa lahat ng Kanyang anak.

Ilang taon na ang nakararaan kaming mag-asawa ang pinagtuunan ng ward council, at alam namin iyon. Bumalik ako sa pagkaaktibo nang isilang ang aming panganay na anak, pero hindi ang asawa ko. Ilang taon kaming pinagsikapang tulungan ng mga stake presidency, bishopric, at home teacher.

Pagkatapos ay lumipat kami sa ibang ward. Isang matiyaga at mapagmahal na bishop at isang home teacher ang naging mga kaibigan ng asawa ko. Sa pagkakataong ito nadama ng asawa ko ang Espiritu. Nahikayat siyang basahin ang Aklat ni Mormon, at nagsimulang magsimba. Unti-unti siyang nagkaroong muli ng patotoo. Hinding-hindi ko malilimutan ang magandang araw na nabuklod sa templo ang aming pamilya.

Naunawaan ko lang ang ibig sabihin ng mapagtuunan ng ward council nang matawag akong Young Women president at magkaroon ng pagkakataong maglingkod sa ward council. Nalaman ko na ang mga ward council ay nakatuon sa ilang tao hindi dahil sa mahalagang makarami sila kundi dahil nagmamalasakit sila, at ang Panginoon, sa mga tao. Kapag naglilingkod tayo sa ating mga tungkulin, pinupuspos tayo ng Panginoon ng Kanyang pagmamahal para sa ating mga pinaglilingkuran.

Nang gunitain ko ang panahon na ang pamilya ko ang pinagtuunan ng mga ward council, natanto ko na hindi lang pala ang ward ang nag-aalala sa amin—nag-aalala rin ang Panginoon. Nagmalasakit sila sa amin dahil nagmamalasakit Siya sa amin.

Ang totoo, nag-aalala sa ating lahat ang Panginoon. Dahil sa pagmamahal, gumawa Siya ng isang plano para palakasin tayo at, kung kailangan, pakilusin tayo—isang plano na madalas isagawa ng mga taong kagaya ng bishop at home teacher na tumulong sa asawa ko.