Mga Kampeon ng Panalangin ng Pamilya
Sampung tip mula sa mga kabataan para matulungan ang pamilya mo na makamtan ang mga dakilang bagay sa pamamagitan ng panalangin.
Alam mo ba na isang kautusan ang manalangin na kasama ang pamilya mo? Inutusan ni Jesucristo ang mga Nephita na “manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama” (3 Nephi 18:21). Mula noon, itinuro na rin ito ng mga propeta at apostol. Halimbawa, itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat itong “unahin palagi sa inyong buhay araw-araw.”1
Mahalaga ang panalangin ng pamilya! Isa rin itong susi para maging malapit sa isa’t isa at sa Ama sa Langit. At hindi lang ito nakasalalay kina Inay at Itay. Maaari kang magkaroon ng malaking impluwensya sa iyong pamilya! Maaari kang maging isang kampeon ng panalangin ng pamilya.
Maging Isang Kampeon
Ano ang isang kampeon ng panalangin ng pamilya? Kapag naiisip mo ang mga kampeon, maaaring naiisip mo ang mga taong naging pinakamahusay sa isang bagay. Isang uri iyan ng kampeon: isang taong nagwagi ng unang gantimpala o nanguna sa isang paligsahan. Ang isa pang uri ng kampeon ay ang isang tao na may ipinaglalaban, isang tagatangkilik o tagapagtanggol. Kaya ang isang kampeon ng panalangin ng pamilya ay isang taong ipinaglalaban, pinaninindigan, at ipinagtatanggol ang panalangin ng pamilya.
Magagawa mo kaya iyan?
Narito ang ilang tip kung paano maging kampeon ng panalangin ng pamilya:
-
Subukang huwag umusal ng paulit-ulit na mga panalangin kapag ikaw na ang magdarasal. Jeanel S., edad 14, Idaho, USA
-
Gumawa ng listahan ng mga bagay na kailangan ninyong ipagdasal bilang pamilya. Samantha B., edad 17, Alabama, USA
-
Sa pamilya ko palagi naming sinisikap na mas magpasalamat kaysa humiling ng mga bagay-bagay. Sinisikap namin palagi na magpasalamat sa Ama sa Langit, kaya sinisikap kong tulungan diyan ang mga kapatid ko. Karla S., edad 17, Tijuana, Mexico
-
Paalalahanan ang lahat. Kung hindi palaging nagdarasal nang sama-sama ang pamilya mo, magandang magsimula sa pagkakaroon ng personal na panalangin. Camille G., edad 18, Alabama, USA5
-
Gumising nang mas maaga nang ilang minuto para tiyakin na makapagdasal ang pamilya bago ka umalis. Maaari mong i-set ang alarm para ipaalala sa iyo na oras na para sa panalangin ng pamilya. Tess Z., edad 16, Texas, USA
-
Pakinggan ang sinasabi ng taong nagdarasal, at ulitin ito sa iyong isipan. Pagkatapos, tingnan kung ano ang matatandaan mo sa kanilang panalangin. Ang ibig sabihin ng “Amen” ay “mangyari nawa,” o na sumasang-ayon ka. Gusto ko talagang malaman at maunawaan kung ano ang sinasang-ayunan ko. Grace M., edad 14, California, USA
-
Magkaroon ng mabuting saloobin tungkol sa panalangin ng pamilya. Huwag isipin na isa itong bagay na dapat gawin bago ka matulog. Tandaan na ang panalangin ng pamilya ay lalong ilalapit ang inyong pamilya sa isa’t isa. Ranoah H., edad 17, Alabama, USA
-
Sikaping tulungan ang lahat ng kapatid mo. Malaki ang nagagawa ng pagkakaroon lang ng mabuting saloobin at pagiging mabuting halimbawa. Will W., edad 14, California, USA
-
Isipin kung ano ang gusto mong ipagdasal bago ka manalangin. Lyric A., edad 13, Arkansas, USA
-
Tandaan na walang nang mas mahalaga pa kaysa riyan. Ang pag-uukol ng oras sa piling ng iyong pamilya at pagtiyak na nagugol ninyong mabuti ang oras ninyo sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal ay talagang mahalaga. Isaac S., edad 14, California, USA