2017
Pagbabasbas sa mga Taong Di-Gaanong Aktibo
August 2017


Pagbabasbas sa mga Taong Di-Gaanong Aktibo

Kapag namuhay tayo ayon sa patnubay ng Espiritu at humingi ng tulong sa Panginoon, pagpapalain Niya ang ating mga pagsisikap na maibalik ang kanyang nawawalang mga tupa sa kawan.

Christ healing

Pagpapagaling, ni J. Kirk Richards

Marami tayong natutuklasang magagandang katotohanan ng buhay sa pamamagitan ng ating mga espirituwal na pandama sa halip na sa pamamagitan ng ating mga pisikal na pandama. Sa katunayan, maraming mahalagang bagay—kabilang na ang mga bagay na walang hanggan—ang nadarama ngunit hindi nakikita.

Itinuro ni Apostol Pablo ang alituntuning ito sa mga Banal na taga-Corinto: “Samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka’t ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa’t ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan” (II Mga Taga Corinto 4:18).

Ang pagmamahal ay natututuhan at nadarama sa pamamagitan ng mga espirituwal na pandama. Gayundin, ang habag, pagkakaibigan, mahabang pagtitiis, at pananampalataya ay mga bunga ng Espiritu (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22). Ginagamit ng Ama sa Langit ang mga paramdam na ito ng Espiritu upang pagpalain ang Kanyang mga anak, pati na yaong mga naligaw ng landas.

Halos buong buhay akong nakatira sa Pacific Area. Maraming tao sa Pacific ang may malalim na pagkaunawa sa kahalagahan ng mga bagay na hindi nakikita na inilarawan ni Pablo, at marami talaga ang mas nagpapahalaga sa mga espirituwal na bagay kaysa temporal na mga pangangailangan.

Ang lugar na ito ng Simbahan ay iba-iba, na may maunlad at sopistikadong mga bansa, tulad ng Australia at New Zealand, at mayroon ding mga bansang nagsasaka at nangingisda, tulad ng Tonga at Samoa, kung saan kinakatawan ng mga miyembro ng Simbahan ang malalaking bahagi ng populasyon. At nariyan pa ang umuunlad na mga bansa, tulad ng Papua New Guinea at Solomon Islands, kung saan nahaharap sa malalaking hamon ang mga tao.

Ang mga pagkakaibang ito ay nagbibigay ng mga pagkakataong matuto.

Pangangailangang Bisitahin ang mga Di-Gaanong Aktibo

Naalala ko ang isang karanasan na nagbigay-aral sa akin. Bilang Area Seventy, naatasan akong mamuno sa isang stake conference sa New Zealand. Ilang buwan lang bago iyon, naghatid ng isang nakaaantig na mensahe si Pangulong Thomas S. Monson sa lahat ng Pitumpu sa mundo. Nakasentro ang Kanyang mensahe sa pagsagip sa mga tao na sa kung anong kadahilanan ay tumalikod sa mga ordenansa ng ebanghelyo.

Dahil sa mensahe ni Pangulong Monson at sa hatid nitong hamon sa amin, nadama ko na kailangang bisitahin at anyayahan ang mga taong hindi lubos na nakikilahok sa ebanghelyo na bumalik sa mga tipan at ordenansa ng kaligtasan. Inanyayahan ko ang mga stake president na isama nila ako sa kanilang stake conference tuwing katapusan ng linggo upang bisitahin ang mga di-gaanong aktibong miyembro. Ang mga pagbisitang iyon ay palaging nakasisiya.

Isang araw ng Sabado sa isang partikular na stake conference sa katapusan ng linggo, binisita namin ng stake president ang ilang pamilya. Ang mag-asawa sa isa mga pamilyang ito ay mga 10 taon nang kasal at nabuklod na sila sa templo ngunit ngayon ay di-gaanong aktibo. Malugod nila kaming tinanggap, at naging espirituwal ang pagbisita namin. Nang patapos na ang pagbisitang ito, nahikayat akong itanong sa lalaki kung gusto niyang magpabasbas at pagkatapos ay hilingan siyang basbasan ang kanyang asawa.

Pambihira ang pahiwatig na ito. Natutuhan ko na bilang panauhin sa tahanan ng iba, hindi ako dapat mamuno at na ang pinuno ng tahanan ang dapat magpasiya kung ano ang gagawin. Gayunman, nagpasalamat ang brother na ito sa alok na basbasan siya, at halatang naantig siya nang matapos kami ng stake president.

Gayunman, pagtindig niya, itinanong niya kung babasbasan ng isa sa amin ang kanyang asawa. Sinabi niya sa amin na kahit 10 taon na silang kasal, hindi pa niya ito nabasbasan kahit minsan at asiwa siyang gawin ito.

“Tutulungan ka namin,” sabi ko, na hinihikayat siya.

woman receiving priesthood blessing

Mga paglalarawan ni Brian Call

Matapos naming ipaliwanag kung paano magbasbas at tulungan siyang ensayuhin ang sasabihin sa simula at sa huli, binigyan niya ng napakagandang basbas ang kanyang asawa. Nang matapos siya, may luha ang mga mata naming lahat, at tinanggap nilang mag-asawa ang aming paanyaya na bumalik sa ebanghelyo.

Dahil sa magandang karanasang ito, nagkainspirasyon ang stake president sa kanyang mensahe sa mga miyembro ng stake kinabukasan na anyayahan ang mga priesthood holder na umuwi pagkatapos ng stake conference at basbasan ang kanilang mga kapamilya.

Nahikayat na Magbasbas

Nang matapos ang sesyong iyon ng stake conference sa araw ng Linggo, nadama ko ang isa pang pahiwatig—sa pagkakataong ito na lapitan ang isang dalagang nakaupo mga 10 hanay mula sa harapan ng chapel at tanungin kung kailangan niya ng basbas. Hindi ko siya kilala, pero patuloy kong nadama ang pahiwatig.

Nagulat ang dalaga at atubiling sinabing, “Hindi po, salamat.”

Medyo nagpasalamat ako sa sagot niya, ngunit nadama ko na nasunod ko ang iniutos ng Espiritu. Bumalik ako sa harapan ng chapel para batiin ang mga miyembro nang biglang lumapit ang dalaga at nagtanong sa akin kung gusto ko pa rin siyang basbasan. Sinabi ko sa kanya na “siyempre naman” at pinapunta ko siya sa opisina ng stake president, kung saan ko siya pupuntahan maya-maya.

Habang papunta kami ng stake president sa kanyang opisina, tinanong ko siya tungkol sa dalaga. Ipinaliwanag niya na kababalik lang nito sa Simbahan pagkaraan ng mga 10 taon na hindi siya nagsimba. Mag-isa siyang namumuhay, pero sa loob ng 10 taong iyon hindi nakaayon ang buhay niya sa mga pamantayan ng ebanghelyo.

Bago ang pagbabasbas, ipinaalam sa amin ng dalaga na pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat. Nang lumayo siya sa Simbahan, sabi niya, talagang ginawa niya ang gusto niya nang hindi iniisip ang mga espirituwal na bagay. Simula noon ay muli siyang naging interesado sa ebanghelyo ngunit nadama niya na parang napakababa ng kanyang espirituwalidad at wala na siyang pag-asang makamtan ang kanyang walang-hanggang potensyal.

Itinuro namin sa kanya na ang mga manggagawang pumapasok sa ubasan nang huli—at yaong mga bumalik sa ubasan pagkatapos umalis sandali—ay tatanggap pa rin ng gantimpala na tulad ng mga taong matagal nang nagtatrabaho roon (tingnan sa Mateo 20:1–16). Pagkatapos ay binigyan namin siya ng priesthood blessing.

vineyard

Kababaihan sa Ubasan, ni J. Kirk Richards

Habang binibigkas ko ang basbas na iyon, napuspos ako ng nadama kong pagbuhos ng pagmamahal ng Panginoon para sa kanya. Mas matindi ang damdaming iyon kaysa nadama ko noong araw—na nagpapabatid sa akin na kasama ko ang isang marangal na espiritu. Nang matapos namin ang basbas, tumayo ang sister mula sa upuan. Dalawang maiitim na guhit ng mascara ang tumulo mula sa kanyang mga mata. Napaluha rin ako.

Ipinakita sa akin ng Panginoon na ang natatanging dalagang ito ay nasa mga unang yugto ng proseso na kailangang maranasan nating lahat upang makamtan ang ating ganap na potensyal dito sa lupa. Kapag espirituwal tayong naligaw ng landas at nagkasala tayo, kailangan nating magpakumbabang lahat at magsisi.

Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia, ang buhay na ito ang panahon para supilin ng espiritu ang laman. “Sapagka’t ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman: sapagka’t ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin” (Mga Taga Galacia 5:17).

Ang pagkakamit ng ating potensyal ay nakasalalay sa pagsupil ng ating espiritu sa ating katawan, sa pagdaig natin sa “likas na tao” (Mosias 3:19). Sa mundo ngayon, marami ang tila ayaw sumabak sa labanang ito. Mga pita ng laman ang sumusupil sa kanilang buhay, at dinaraig ng laman ang kanilang espiritu.

Ang dalagang ito ay nasa landas na magagawa ng kanyang espiritu na masupil ang laman. Determinado siyang manalo sa nasimulan niyang pakikibaka.

“Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu”

Nang lisanin ko ang stake noong araw na iyon, hiningi ko sa stake president ang contact information ng mga taong nakilala ko noong katapusan ng linggong iyon para mahikayat ko silang magpatuloy sa landas ng ebanghelyo at alalahanin ang mga pangakong ginawa nila.

Patuloy na umunlad ang dalaga at mabilis niya itong ginawa. Dahil sa kanyang pananampalataya, nagsimula siyang “[lumakad] ayon sa Espiritu” at “[mabuhay] sa pamamagitan ng Espiritu” (Mga Taga Galacia 5:16, 25). Patuloy siyang nakipag-ugnayan at nagtapat sa akin tungkol sa malalaking hamon na nadaig niya at nakaharap mula noon. Naging malapit siyang kaibigan ng aming pamilya, at nakita namin ang tatag ng kanyang espiritu habang napapalapit siya sa Tagapagligtas.

Ngayo’y nagtatamasa na siya ng mga pagpapala ng templo, nakapaglingkod na bilang ordinance worker, at mababanaag sa kanya ang mga espirituwal na kaloob na pag-ibig sa kapwa at kabutihan. Nakasal na siya sa isang karapat-dapat na binata sa templo.

Maliwanag na nadaig ng espirituwal ang temporal sa dalagang ito. Nakita namin na naging dalisay ang kanyang puso, at “wala na [siyang] hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).

Marahil ay alam ng Panginoon na marangal ang kanyang kaluluwa kaya nakatanggap ako ng pahiwatig noong araw na iyon. Napagpala ako ng pahiwatig na iyon na makita ang kapangyarihan at biyaya ng Ama sa Langit sa buhay niya.

Lahat tayo ay may responsibilidad na tulungan ang ating di-gaanong aktibong mga kapatid, at lahat tayo ay maaaring makadama ng pahiwatig kung paano natin sila mapagpapala. Habang namumuhay tayo ayon sa Espiritu at humihingi ng tulong sa Panginoon, pagpapalain Niya ang ating mga pagsisikap na “[ibalik sila] sa kawan” (“Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134; tingnan din sa Alma 26:4).