2017
Pagpapasiyang Maging Tapat
August 2017


Pagpapasiyang Maging Tapat

Maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyo ang apat na desisyong ito.

walking down a dirt road

Ang isa sa pinakamalalaking hamong kinaharap ko habang lumalaki ako noon sa Guatemala ay ang karalitaan—espirituwal na karalitaan dahil hindi namin alam ang ebanghelyo at temporal na karalitaan dahil sa kawalan ng pera. Namatay ang aking ina noong ako ay limang taong gulang, at naiwang mag-isa ang aking ama sa pagtataguyod sa apat na maliliit na anak. Dahil gusto ng aking ama na magkasama-sama pa rin kami, kinailangan niyang bigyan kaming magkakapatid ng ilan sa mga responsibilidad sa bahay.

Ako ang panganay at inatasan akong maghanda ng tanghalian at hapunan para sa pamilya araw-araw. Mahirap ito noong una, pero natuto ako ng ilang paraan ng pagluluto. Bawat araw ay iniiwanan ako ng 25 sentimo ni Itay para ipambili ng pagkain. Bumibili ako ng isang librang beans na 6 na sentimo at isang librang bigas na 7 sentimo. Pagkatapos ay bumibili ako ng 5 sentimong uling na ginagamit ko para lutuin ang lahat, 2 sentimong pamparingas, at 5 sentimong tortilyas. Ginawa ko ito araw-araw, at araw-araw kaming kumain ng kanin at beans na may kasamang tortilyas. Kahit noon ay maliit na halaga lang ang 25 sentimo, pero nakaraos kami rito.

Ang hamon ay kung paano makakaalis sa paulit-ulit na karalitaang ito. At lahat ng ito ay nakabatay sa mga desisyon—ang pagpiling gawin ang isang bagay na makakabuti sa buhay ko. Tayo, bilang mga indibiduwal, ay laging gumagawa ng mga desisyon para sa ating sarili, kahit na hindi natin alam na ginagawa natin ito. Halimbawa, pinipili nating maniwala. Kung minsan ay nalilito tayo kung ano ang itinuturo ng mundo at kung ano ang itinuturo ni Jesucristo. Ngunit ang pinakamainam na pagkunan ng gabay sa ating buhay ay ang doktrina ni Jesucristo. Nang magdesisyon ako batay sa doktrinang ito, nadama ko ang kamay ng Panginoon sa aking buhay.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang apat na desisyong nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ko. Kung gagawin ninyo ang mga desisyong ito at paninindigan ang mga ito, magiging pagpapala rin ang mga ito sa inyo: (1) ang desisyong magpabinyag (2) ang desisyong maniwala kay Jesucristo at manatiling aktibo sa Simbahan, (3) ang desisyong magtiwala sa mga pangako ng Panginoon, at (4) ang desisyong manatiling tapat at sumunod sa payo ng mga propeta.

Ang Desisyong Magpabinyag

baptism

Noong ako ay 12 anyos, nagsimula ang mga missionary na turuan kaming magkakapatid. Noong una’y hindi nakisali ang tatay ko. Naupo lang siya sa isang silid sa likod ng kurtina at nakinig. Ngunit nabasa niya ang isang polyeto ng Simbahan na nagsasaad kung paano maaaring mabuhay nang magkakasama magpakailanman ang isang lalaki at isang babaeng ikinasal ng isang taong may tamang awtoridad. Nakuha nito ang kanyang pansin dahil kahit pumanaw na ang kanyang asawa, maaari niya itong makasamang muli. Nang malaman niya ito, nagpasiya siyang magpabinyag. At nabinyagan kami bilang isang pamilya.

Ang bagong pananaw na ibinigay ng ebanghelyo ang tumulong sa akin na maunawaan na makakamit ko ang mas mabubuting bagay sa buhay kung gagamitin ko ito at magiging masunurin ako. Nagdesisyon akong gawin ang anumang kailangang gawin upang manatili sa landas ng Panginoon.

Ang Desisyong Maniwala kay Cristo at Manatiling Aktibo sa Simbahan

Naaalala ko na ginawa ko ang pangakong ito isang araw habang nakaupo ako sa isang chapel at naghihintay na magsimula ang isang serbisyo sa binyag. Habang nakaupo ako at nagninilay tungkol sa doktrina ni Cristo, nagsimula akong magkaroon ng matinding kagalakang nagsasabi sa akin na lahat ng natutuhan ko mula sa mga missionary ay totoo. Sa sandaling iyon tahimik akong nangako sa Diyos na lagi akong magtitiwala sa Kanya at mananatiling aktibo sa Kanyang Simbahan habambuhay kung ang kahulugan nito ay patuloy kong madarama ang galak na nagmumula sa Espiritu Santo. Para sa akin, ang pangakong ito ay hindi lamang kinapapalooban ng pagsisimba tuwing Linggo kundi ng pagtitiwala rin sa doktrina ng Panginoon, mga banal na kasulatan, mga buhay na propeta, at lalo na sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang Desisyong Magtiwala sa mga Pangako ng Panginoon

Medyo bata-bata pa ako nang gawin ko ang mahalagang desisyong ito na magtiwala sa mga pangako ng Panginoon. Mula noon napatunayan ko na ang desisyon ko ay lubos na nakabuti sa akin. Tuwing dumarating ang isang pag-aalinlangan o tanong, naaalala ko ang pangakong ginawa ko at naibatay ko ang mga desisyon ko sa buhay sa pangakong iyon. Ang pagpapasiya nang maaga tungkol sa mga pamantayang susundin mo sa buhay ay tutulungan kang gawin ang mga tamang pagpili kapag dumating ang mga pag-aalinlangan o problema.

Nagkaroon ako ng di-malilimutang karanasan sa alituntuning ito noong estudyante ako. Palagi akong masipag mag-aral para matuto at makapaghanda para sa hinaharap. Nalaman ko na para makaalis sa karalitaan, kailangan kong makahanap ng trabahong magbubukas ng mga pintuan para sa mga bagong oportunidad sa buhay. Nalaman ko rin na para magkaroon ng ganitong uri ng trabaho, kailangan kong magtuon sa aking pag-aaral.

Mahalaga man ang edukasyon sa akin, gumawa ako ng personal na desisyon na huwag mag-aral tuwing Linggo. Bilang miyembro ng Simbahan, nalaman ko na sinabi ng Panginoon na ang Sabbath ay Kanyang araw, hindi sa atin. Sinikap kong gumawa ng mga makabuluhang desisyon tungkol sa gagawin ko sa espesyal na araw na ito. Gayunman, kahit nagawa ko na ang desisyong ito, kung minsan ay natutukso akong huwag sundin ang sarili kong patakaran, lalo na kapag may pagsusulit ako. Iniisip ko, “Hindi naman ito masama; nag-aaral lang ako. Makakasimba ako sa umaga at mag-aaral sa hapon at gabi.”

Ngunit kapag naalala ko ang pangakong ginawa ko na mananatili akong aktibo at tapat sa payo ng mga propeta ng Panginoon, mas madaling sundin ang desisyon kong huwag mag-aral tuwing Linggo at sa halip ay gamitin ang araw ng Panginoon sa paglilingkod at pagsamba. Nagpasiya na akong manatiling tapat, kaya para sa akin tungkol lamang ito sa pag-unawa sa kahulugan ng sinabi ng Panginoon tungkol sa araw ng Sabbath at pagsunod sa Kanyang payo sa abot ng aking makakaya sa buhay ko.

Dahil dito’y naging mahusay ako sa aking pag-aaral at nagkaroon ako ng magandang trabaho na nakatulong sa akin upang matustusan ang aking pamilya. Alam ko na dahil tinupad ko ang aking pangako sa Panginoon, pinagpala niya akong magkaroon ng mas magandang buhay.

Ang Desisyong Manatiling Tapat at Sumunod sa Payo ng mga Propeta

Para sa bawat isa sa atin, ang manatiling tapat sa Panginoon ay nakabatay sa kung gaano natin personal na pinaniniwalaan na si Jesus ang Cristo, na ang mga sumulat ng mga banal na kasulatan ay binigyang-inspirasyon ng Diyos, at na ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay tunay na mga lingkod ng Diyos. Ang pagkabatid na may paghahayag sa ating panahon at na ang mga propeta ay tinawag ng Diyos ay mas nagpapadali sa atin na manatiling tapat sa ebanghelyo kapag nahaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon.

Kung ganito ang uri ng inyong pagtitiwala, kailanman ay hindi kayo babagabagin ng mga tanong tungkol sa kung anong mga asal o gawain ang angkop o hindi. Lahat ng alalahaning ito ay masasagot kapag naghanap kayo ng mga sagot nang may pananampalataya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, ng Espiritu, at ng mga propeta—ang hinirang na mga lingkod ng Diyos.