Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
“Alam Kong Buhay ang Diyos”
Ako’y taga-Nigeria, isang bansa kung saan Ingles ang salita, kaya nang matawag akong maglingkod sa Benin Cotonou Mission at matanto ko na magsasalita ako ng French, kinabahan ako. Paano ko ituturo ang ebanghelyo? Tulad ng inaasahan ko, nahirapan akong matutong magsalita ng French habang nasa missionary training center ako sa Ghana. Maraming beses akong halos mawalan ng pag-asa.
Pagkatapos, sa unang area ko, hinilingan akong magpatotoo sa branch sa French! Tahimik na nakaupo ang lahat habang dahan-dahan akong naglakad papunta sa pulpito. Dinukot ko sa bulsa ang maikling patotoong naisulat ko. Pero hindi ko makita iyon! Agad akong binalot ng takot!
Nang matanaw ko ang magagandang mukha sa aking harapan, napuno ng luha ang aking mga mata. Napakarami kong gustong ibahagi, pero hindi ko alam kung paano sabihin iyon. Sinabi ko ang tanging masasabi ko sa French: “Alam kong buhay ang Diyos.”
Bumaba ako at naupo at sa natitirang oras ng pulong, taimtim akong nagdasal. Sinabi ko sa Ama sa Langit na gusto ko talagang magsalita ng French, at na kung tutulungan Niya ako, paglilingkuran ko Siya nang buong puso.
Makalipas ang tatlong buwan bumisita sa branch ang isang bagong missionary couple mula sa Estados Unidos. Hinilingan din silang magpatotoo. Naglakad papunta sa pulpito ang sister, nagsalita ng ilang salita sa French, pagkatapos ay tumigil. Tumulo ang luha sa kanyang mukha. Tahimik ang chapel. Nilapitan ko siya at tinanong kung puwede akong mag-interpret para sa kanya.
“Naku, maraming salamat, Elder,” wika niya. Nadama ko ang Espiritu nang magsalita siya sa Ingles, at in-interpret ko ang kanyang patotoo, bawat salita, sa wikang French.
Pagkatapos ng pulong ay sinabi sa akin ng asawa ng branch president, “Naaalala ko kung gaano katagal mo natutuhang sabihin ang, ‘Alam kong buhay ang Diyos’ nang una kang dumating. Tama, talagang buhay ang Diyos at hinipo Niya ang dila mo.”
Alam ko na nauunawaan ng Diyos ang lahat ng wika at lahat ng problemang kinakaharap natin. Nariyan Siya upang tulungan tayo kung magtitiwala tayo sa Kanya, at pinagpapala Niya ang ating mga pagsisikap kapag nagsikap tayo. Dahil sinagot Niya ang dalangin ko, nagawa kong ituro ang ebanghelyo sa French at napagpala ang buhay ko.