Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko matutulungan ang mga kaibigan ko na madaig ang mga problemang gaya ng pagmumura at sobrang paglalaro ng video games?”
Ang pagtulong sa mga kaibigan mo na madaig ang mga problema ay maaaring isang senstibong paksa, dahil hindi mo naman nais na magmukha kang nangangaral o nanghuhusga. Kahit magkakaiba ang bawat sitwasyon, mahalagang tandaan na mahalaga ang iyong halimbawa. Kung paninindigan mo ang iyong mga pamantayan, mapapansin ito ng iba—at maaari kang maging mabuting impluwensya. Halimbawa, kung nagmumura ang kaibigan mo, tiyakin na palaging malinis na pananalita lamang ang ginagamit mo—kabilang na ang malilinis na biro at komento. Sa gayong paraan, may nakikita siyang magandang halimbawa kung paano maaaring maging katawa-tawa at popular nang hindi nagmumura.
Madalas na mapapansin ng mga kaibigan mo ang iyong mga pagpapasiya at igagalang nila ito. Igagalang ng mabubuting kaibigan ang iyong mga pasiya, kahit iba ang sa kanila.
Pero paano kung hindi tumigil sa paggawa ng anumang bumabagabag sa iyo ang kaibigan mo, kahit isa kang magandang halimbawa? Mahalaga ring tandaan na hindi mababasa ng mga kaibigan mo ang nasa isip mo. Kung minsan, baka hindi pa nga nila matanto na may partikular na ugali sila na nakakabagabag sa iyo. Kung, pagkaraan ng kaunting panahon, hindi pa siya tumitigil, OK lang naman na maayos at magalang silang pakiusapan.
Anumang problema ang kinakaharap ng mga kaibigan mo, maaari kang maging positibong impluwensya sa kanila sa pamamagitan ng pagpili ng tama. Puwede mo silang anyayahan sa masasaya at nakasisiglang mga gawain. Kung masaya ka sa pagpili ng tama, mapapansin ito ng mga tao.
Palakasin ang mga Kaibigan Mo
Nagbigay ako ng isang lesson sa Mutwal tungkol sa pananalita. Sa palagay ko naging mabisa ito, kahit sa isa man lang sa mabubuti kong kaibigan. Kailangan muna tayong magpakita ng halimbawa. Maaari nating ipagdasal ang ating mga kaibigan at magkaroon tayo ng tapang na sabihin sa kanila sa tamang panahon na, “Huwag naman kayong magmura. Hinahamon kita na huwag magsalita ng masasamang bagay sa araw na ito.”
Dante C., edad 19, Puebla, Mexico
Ipakita sa Kanila ang Mas Mabubuting Bagay na Magagawa Nila
Sa halip na kastiguhin sila, tulungan silang maunawaan na may mas mabubuting bagay silang magagawa. Anyayahan silang gumawa ng masaya at makabuluhang mga aktibidad na kasama ka at hikayatin silang gumawa ng mas kapaki-pakinabang na mga libangan tulad ng pag-aaral na tumugtog ng isang instrumentong musikal, pakikipaglaro sa mga kapatid, o pagtulong sa kanila sa mga gawaing-bahay.
Elder Cobabe, edad 19, at Elder Allred, edad 19, Hong Kong China Mission
Magdasal Bago Sila Kausapin
Una, magdarasal ako bago ko siya kausapin. Pangalawa, kakausapin ko sila sa maayos at mahusay na paraan, at papayuhan ko sila gaya halimbawa ng iwasang gumanti kapag nagagalit. Makakatulong din ang halimbawa ko na gumamit sila ng mas mabuting pananalita.
Ndansia B., edad 18, Kimbanseke, Democratic Republic of the Congo
Pagsasanay ang Paraan para Maging Perpekto
Sasabihin ko sa kanila na ipagdasal na magkaroon sila ng lakas at magsanay silang magsalita nang hindi nagmumura o gumagamit ng masasamang salita. Sasabihin ko rin sa kanila na ang paggugol ng napakatagal na oras sa mga video game ay lilimitahan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan at na maititigil nila ito sa pamamagitan ng pakikilahok sa kapaki-pakinabang at makabuhulang mga gawain. Kung masumpungan nila na nagkamali sila, maaari nilang ipagdasal na magkaroon sila ng lakas at patuloy silang magsanay dahil pagsasanay ang paraan para maging perpekto.
Ozioma O., edad 17, Abia, Nigeria
Magkaroon ng “Swearing Jar”
Ang isang paraan para matulungan ko ang mga kaibigan ko na tumigil sa pagmumura ay sa paggamit ng “swearing jar,” at tuwing may magmumura, kailangan nilang maglagay ng barya sa garapon. Makakatulong ako sa paghikayat na tumigil sa sobrang paglalaro ng video games kung aanyayahan ko ang mga kaibigan ko sa mga youth camp, mga kaganapan sa Simbahan, at iba pang masasayang aktibidad. Maaari ko rin silang ipakilala sa iba na tutulong sa kanila na makihalubilo at maging aktibo.
Owyn P., edad 13, Hawaii, USA
Impluwensyahan Sila sa Kabutihan
Hindi natin makokontrol ang mga kilos ng ibang tao, ngunit maiimpluwensyahan natin sila sa kabutihan. Maaari tayong mamuhay bilang mabubuting halimbawa na tulad ni Cristo at tumulong sa mga nasa paligid natin na lumapit kay Cristo. Kung mali ang ginagawang desisyon ng ating mga kaibigan, maaari tayong magmungkahi ng mas magagandang alternatibo at ipahayag natin ang alam nating tama at totoo sa pamamagitan ng ating mga salita at kilos.
Mosiah M., edad 17, Utah, USA
Pagmamalasakit sa Ibang Tao
Pagiging mabuting halimbawa ang pinakamahalagang bagay na magagawa ko dahil ang pagsisikap na tulungan ang isang tao na itigil ang isang masamang pag-uugali samantalang ginagawa ko rin iyon ay hindi makatwiran. Hindi nila seseryosohin ang payo o pananaw ko. Matutulungan ko rin ang mga kaibigan ko sa pagpapaliwanag sa kanila kung bakit hindi ako komportable sa kanilang ginagawa. Kung hindi angkop ang kanilang pananalita, matutulungan ko silang makita ang impresyong nagagawa nila sa ibang tao kapag ginagamit nila ang gayong uri ng masamang pananalita.
Alejandra T., edad 17, Chihuahua, Mexico
Manalangin
Maaari mong ipagdasal na tumigil na sila sa pagmumura o sa sobrang paglalaro ng video games. Hindi makakasama ang magdasal.
Joshua L., edad 14, Oregon, USA