Ang Himala kay Sister Sheldon
Si Sister Sheldon ang pinakamagaling na Primary president sa lahat! Masigla siya at nakakatawa. Kapag tumayo na siya para sa sharing time, paulit-ulit naming sinasabi na, “Sheldon sharing time na” habang kumakaway at nakangiti. Gustung-gusto niya ito!
Kasisimula pa lang ng 2015 nang matuklasan ni Sister Sheldon na may kanser na naman siya, sa ikalimang pagkakataon! Ipinaliwanag niya sa aming lahat kung ano ang kanser at kung ano ang nagagawa nito. Sinabi niya sa amin na baka hindi siya makapagsimba kung minsan at malamang na malugas ang buhok niya. Hiniling niya na mag-ayuno at manalangin kami para mawala ang kanser.
Sa panahong ito, gumawa ng helping hand challenge ang Primary namin, kung saan gumupit kami ng mga kamay na papel at sinulatan iyon ng mga paglilingkod na ginawa namin. Naisip ni Sister Ashby, na nasa Primary presidency, na gumawa kami ng helping hands quilt para kay Sister Sheldon. Gusto naming lahat na malaman niya na mahal namin siya, kaya nagbakat ng mga kamay at puso ang buong Primary, at sa araw ng aktibidad ay ginamit ito ng mga bata para gumawa ng quilt. Nanahi kami, namalantsa, at nagbuhos ng buong pagmamahal dito. Ang ilan sa amin ay nagtali pa ng sinulid sa aming daliri para maalala si Sister Sheldon.
Ibinigay namin ang quilt kay Sister Sheldon. Dinala niya ito sa mga chemotherapy session niya at nadama niya ang aming pagmamahal.
Ang pinakamagandang bahagi ay nang magpatotoo si Sister Sheldon sa buong Primary. Sinabi niya sa amin kung gaano kami kaespesyal sa kanya at na mahal niya kami. Alam niya na malaking bahagi kami kung bakit niya nakayanang muli ang chemo. Kahit natakot ako na baka hindi niya ito makayanan, alam kong makakayanan niya ito. Ngayon ay wala nang kanser si Sister Sheldon!