2017
Bumalik Kayo!
August 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Bumalik Kayo!

Mula sa “A Priceless Heritage,” Ensign, Nob. 1992, 85–86.

Iniuunat namin ang aming mga bisig sa inyo. Kailangan namin ang tulong ninyo.

members greeting each other at church

Sa mga nasaktan o nawalan ng interes [sa Simbahan], o tumalikod sa anumang kadahilanan, inaanyayahan namin kayo na lubusang makisamang muli sa amin. Ang matatapat na miyembro, sa kabila ng lahat ng pagkakamali at pagkukulang nila, ay mapagkumbabang nagsisikap na gawin ang banal na gawain ng Diyos sa buong mundo. Kailangan namin ang tulong ninyo sa dakilang pakikibaka laban sa mga puwersa ng kadiliman na napakalaganap sa mundo ngayon. Sa pakikibahagi sa gawaing ito, matutugunan ninyong lahat ang pinakamatitinding pagnanais ng inyong mga kaluluwa. Makadarama kayo ng kapanatagan na masusumpungan sa paghahangad ng mga sagrado at banal na bagay ng Diyos. Maaari ninyong matamasa ang mga pagpapala at tipan na ginagawa sa mga banal na templo. Maaari kayong magkaroon ng magandang kahulugan at layunin sa buhay, kahit sa mundong ito na puno ng kasamaan na ating tinitirhan. Maaari kayong magkaroon ng katatagan ng pagkatao upang makakilos kayo para sa inyong sarili at hindi pinakikilos ng iba. (Tingnan sa 2 Nephi 2:26.)

Ilang taon na ang nakalipas, ibinigay ng Unang Panguluhan ng Simbahan ang paanyayang [ito]:

“Nalalaman namin ang tungkol sa ilang miyembro na hindi aktibo, ang tungkol sa iba pa na naging mapunahin at may inklinasyong humanap ng mga pagkakamali, at sa mga taong na-disfellowship o na-excommunicate dahil sa mabibigat na kasalanan.

“Sa kanila ay ipinaaabot namin ang aming pagmamahal. Ninanais naming magpatawad alinsunod sa diwa Niya na nagsabi: ‘Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao (D at T 64:10).’

“Hinihikayat namin ang mga miyembro ng Simbahan na patawarin ang mga taong nagkasala sa kanila. Sa mga tumigil sa pagsisimba at sa mga naging mapunahin, sinasabi namin, ‘Bumalik kayo. Bumalik kayo at magpakabusog sa hapag ng Panginoon, at tikmang muli ang magiliw at kasiya-siyang mga bunga ng pakikisama sa mga Banal.’

“Nakatitiyak kami na marami ang [gustong] bumalik, ngunit nahihiyang gawin ito. Tinitiyak namin sa inyo na makasusumpong kayo ng mga bisig na nakaunat upang tanggapin kayo at mga kamay na nakahandang tulungan kayo” (Church News, Dis. 22, 1985, 3).

… Taimtim at mapagkumbaba kong inuulit ang kahilingang iyan. At inuunat namin ang aming mga bisig sa inyo.