Mga Pagninilay
Mga Orasan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang Espiritu Santo ay parang mga orasan na lubhang nakabighani sa anak ko.
Noong mga dalawang taong gulang ang anak kong si Joshua, labis siyang nagkainteres sa mga orasan. Kung may naraanan kaming orasan sa bahay, gusto niyang tumigil at tingnan ito. Gustung-gusto niyang ilapit nang husto ang tainga niya sa orasan at pakinggan ang pagtiktak nito. Nagdaan siya sa isang yugto ng buhay kung saan hindi namin maaaring maraanan ang isang orasan nang hindi tumitigil para pakinggan ang pagtiktak nito.
May ilang nakatutuwang bagay akong natanto sa simpleng gawaing iyon. Una, palaging tumitiktak ang orasan, hindi lang kapag pinakinggan namin ito. Pangalawa, kahit alam namin na tumunog ang orasan, kinailangan naming lapitan ito at tumahimik at pumanatag para marinig ang mahinang pagtiktak nito.
Ang Espiritu Santo ay parang mga orasan na lubhang nakabighani sa anak ko. Yaong mga nabinyagan sa atin at nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay maaari Siyang makasama palagi kung mamumuhay tayo nang marapat para dito. Ang Espiritu Santo ay palagi nating kasama, ngunit kung minsan ay hinahayaan nating mangibabaw ang mga ingay ng mundo sa banayad na mga pahiwatig Niya sa atin. Tulad namin ng anak ko na kailangan naming tumahimik at pumanatag para marinig ang mahinang pagtiktak ng orasan, kailangan ng bawat isa sa atin na pumanatag para marinig, o madama, ang banayad na mga pahiwatig ng Espiritu.
Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tinig ng Espiritu ay inilarawan sa mga banal na kasulatan na hindi ‘malakas’ ni ‘garalgal.’ ‘Hindi ito tinig ng kulog, ni tunog man ng napakalakas na ingay.’ Sa halip, ito ay ‘isang tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong,’ at maaaring ‘tumagos maging sa buong kaluluwa’ at ‘[m]agpaalab sa [puso]’ (3 Nephi 11:3; Helaman 5:30; D at T 85:6–7). …
“Ang Espiritu,” pagtuturo ni Pangulong Packer, “ay hindi tayo pinupukaw sa pagsigaw o pagyugyog sa atin nang malakas. Sa halip ay bumubulong ito. Masuyo tayong hinahaplos nito kaya maaaring hindi natin ito madama kapag abala tayo. …
“Kung minsan pipilitin tayo nito nang sapat para makinig tayo. Ngunit kadalasan, kung hindi natin papansinin ang magiliw na damdamin, lalayo ang Espiritu at maghihintay hanggang sa maghanap at makinig tayo” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).
Ngayon tuwing maririnig ko ang mahinang tiktak ng orasan, hindi ko maiwasang maalala ang simpleng aral na itinuro sa akin ng anak ko na pumanatag para marinig ang banayad na mga pahiwatig ng Espiritu.