Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Kailangan Ko Ba ang Sakramento?
Limang minuto na lang bago mag-sacrament meeting, nakapag-alboroto na ang isang anak namin, dalawang beses na kaming nagbanyo, nagpalit ng lampin, at ilang paulit-ulit na palahaw ng “gutom na ako!”
Bilang ina ng limang batang wala pang walong taong gulang, at may asawa na nakakauwi lang mula sa trabaho tuwing Sabado’t Linggo, karaniwa’y pagod na pagod ako pagsapit ng Linggo. Kapag naglalakad ang pamilya namin papasok ng chapel tuwing Linggo, naghahanda na kaming mag-asawa para sa isang oras na gusto naming tawaging “mahabang pagtitiis.”
Labinlimang minuto bago sumapit ang isang pulong, nagsimulang tumili ang siyam-na-buwang gulang na anak namin. Sinikap ko siyang aluin at patahimikin. Nabigo ako at sa huli ay inilabas ko siya ng chapel para pakalmahin. Pag-upo ko, natuon ang isipan ko sa pagod ko at sa mga gagawin sa susunod na buong linggo. Nanghina ako.
Bigla akong ginulat ng isang binatilyong may hawak ng sacrament tray. “Kailangan po ba ninyo ito?” tanong niya. Simpleng tanong iyon, pero inantig nito ang kaluluwa ko. Agad akong napuspos ng Espiritu, at namuo ang mga luha sa mga mata ko. Naisip ko: “Higit pa sa akala mo.”
Maaari tayong masaid sa araw-araw na mga gawain at responsibilidad sa buong linggo, ngunit mapupuno tayo sa pagtanggap ng sakramento. Nang tumanggap ako ng sakramento, nadama kong dumaloy sa akin ang kapayapaan at pagpapagaling. Sa sandaling iyon natanto ko na kailangan ko ang sakramento nang higit kaysa anupaman dahil kailangang mapasaakin ang Espiritu.
Natuon ang mga mata ko sa isang painting sa bulwagan ng Tagapagligtas na nakaunat ang Kanyang mga kamay. Nag-umapaw ang pasasalamat sa puso ko nang pagnilayan ko kung paano Siya palaging handang pagalingin at palakasin tayo. Naaalala ko ang mga ito tuwing Linggo kapag tumatanggap ako ng sakramento. Nagpapasalamat ako na tinuruan ako ng Espiritu sa pamamagitan ng isang simpleng tanong na sa gitna ng mga hamon sa buhay, ang Tagapagligtas ang pinagkukunan natin ng lakas at kapayapaan.