2017
Ang Institute ay para sa Atin
August 2017


Ang Institute ay para sa Atin

Paano mapagpapala ng institute of religion ng Simbahan ang inyong buhay?

institute students 2

Maraming bagay tayong kailangang gawin. Ang ilan sa atin ay mga estudyante. Ang ilan ay nagtatrabaho nang mahabang oras. Ang ilan sa atin ay malayo sa mga kaibigan at pamilya, o may mabibigat na responsibilidad. Ang ilan sa atin ay sinusubukang makaakma sa buhay pagkatapos magmisyon, o katatapos lang sa high school at hindi sigurado kung ano ang kasunod nito.

Tila salungat sa karaniwang inaasahan kung idaragdag pa ang institute sa lahat ng iba pang bagay. Marami sa atin ang nagtatanong kung minsan, makakatulong ba talaga ang institute sa akin?

Ang sagot ay oo.

Libu-libong kabataan sa buong daigdig, at marami sa kanila ay kapareho ninyo ang sitwasyon, ang nagkakaroon ng lakas, suporta, kaibigan, at espirituwal na pag-unlad sa institute. Ang sumusunod ay dalawang halimbawa lamang ng pambihirang mga young adult na nakakaalam, sa kabila ng lahat ng pagsubok nila, na ang institute ay para sa kanila.

Ang Institute ay Makakabuti sa Puso

Aric and friend

Kuwento ni Aric, Toronto, Ontario

Si Aric (nakalarawan sa kanan sa itaas) ay isang estudyante ng PhD sa University of Toronto, na nag-aaral tungkol sa heart tissue at regenerative medicine.

Sa paglalarawan ng kanyang pagsasaliksik, ipinaliwanag niya, “Ang ilang uri ng stem cell ay maaaring maging kahit ano sa inyong katawan. Maaari nating ilagay ang mga stem cell sa isang petri dish at patubuin ang mga ito hanggang sa maging selula ng puso. Pagkaraan ng dalawang linggo, magsisimula silang tumibok na mag-isa. Pagkatapos ay gagamitin natin ang mga ito para ipakita ang iba’t ibang uri ng sakit at subukan ang iba’t ibang gamot. Mithiin kong magpatubo ng puso balang-araw sa isang laboratoryong katulad nito.”

Nagbago ang sariling puso ni Aric nang magmisyon siya sa Belo Horizonte, Brazil. “Nang magmisyon ako, natutuhan ko kung paano makinig at sumunod sa Espiritu. Natulungan ako nitong matuto kung paano mag-aral, matuto kung paano ito ipamuhay.” Napakalaki ng kanyang pagbabago kaya nag-alala siya tungkol sa pag-uwi. “Hindi ko talaga alam kung paano kikilos o ano ang gagawin,” pag-amin niya. “Kinailangan kong muling pag-aralan kung paano kumilos sa ilang sitwasyon. Nakatulong sa akin ang pagdalo sa institute.”

Mahalaga kay Aric ang ugnayan niya sa mga tao sa institute. “Nagawa kong kaibiganin ang mga taong kailangan ng mga kaibigan. Nagawa kong aliwin ang mga tao nang kailanganin nila ng aliw. Mahalaga iyan sa akin, na tulungan ang ibang tao, pero mahalaga ring madama ko iyon mula sa ibang tao.”

Nagbibiro siya tungkol sa haba ng panahon ng pagdalo niya sa institute, pero patuloy siyang dumadalo. “Tuwing dadalo ako, nadarama ko ang Espiritung naroon. At tinutulungan ako nitong maging mas mabuting tao, manatili sa mabubuting lugar, at galingan ang trabaho ko.”

Pinaghambing ni Aric ang kanyang trabaho at ang institute. “Kung maglalagay tayo ng isang selula sa isang magandang kapaligiran, may nangyayaring mga pagbabago sa loob ng selula para mas madali itong tumanggap ng magagandang pagbabago o positibong senyales na nais nating ibigay rito. Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang selula—nagiging mas maganda at mas malaki kaysa sarili nito. Para sa akin, talagang napakaespesyal niyan. Kung ilalagay ko ang sarili ko sa tamang kapaligiran, mas madali kong mahihiwatigan ang espirituwal na mga aspetong ito ng buhay at hindi ako gaanong maaapektuhan ng mga negatibong impluwensyang nangyayari sa mundo.”

Pagtatapos niya, “Ang Diyos ay totoo. Isang bagay iyan na nadarama ko sa aking kalooban. Hindi ko palaging nadarama ang Kanyang pagmamahal sa buhay ko. Unti-unti ko nang nauunawaan na bunga ito ng ginawa kong mga desisyon. Naisip ko na nariyan Siya para tulungan ako, na gusto Niya talaga akong maging napakahusay.”

Tinutulungan Ako ng Institute na Maalala si Cristo

Kuwento ni Veronica, Madrid, Spain

Noong 17 anyos si Veronica (nakalarawan sa ibaba), namatay ang kakambal niya sa kanyang mga bisig. Tatlong taon mula nang mamatay ang kanyang kapatid, nag-iisa at nahihirapan sa buhay, nagsimulang maglakad-lakad si Veronica para malunasan ang nadarama niyang kalungkutan. Noon pa man ay naniniwala na siya sa Diyos, kaya isang araw habang naglalakad, nagdasal siya, “Panginoon, bakit ninyo ginagawa sa akin ang lahat ng ito?”

Veronica

Sa sandaling iyon, napatingin siya sa isang gusali ng Simbahang LDS na lagi niyang nadaraanan. Nang tunay na mapagmasdan ito sa unang pagkakataon, naintriga siya; pumasok siya sa loob at nagpakilala sa dalawang sister missionary, na nagturo sa kanya kalaunan nang linggong iyon.

Sinabi ni Veronica na pagkatapos ng unang talakayan, “Tumayo ako at sinabi ko sa kanila, ‘Baliw kayong lahat,’ at umalis ako.” Ayaw niya ng alinman dito, ngunit kalaunan ay pinag-isipan niya itong muli.

“Palagay ko iyon ang unang pagkakataon na nagdasal ako nang husto. Parang sinasabi noon ng Diyos sa akin na, ‘Ibinibigay ko sa iyo ang pagkakataong ito para mas makilala mo ako. Ayaw mo ba?”

Nagdesisyon siya na gusto nga niya iyon. Kahit nawalan siya ng tahanan at trabaho dahil sa ebanghelyo, nabinyagan siya. Kahit patuloy siyang nahirapan sa buhay kung minsan, nagtiwala siya sa Panginoon. “Bago ko nalaman ang tungkol sa Simbahan, umiiyak o nagagalit ako kapag hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang upa ko sa bahay. Pero ngayon alam ko na maglalaan ang Panginoon.”

Binanggit sa patriarchal blessing ni Veronica na magmimisyon siya, pero wala siyang anumang palda o anumang paraan para makabili nito. Naparaan ang isang miyembro ng Pitumpu at ang asawa nito sa lugar at nabalitaan ang kanyang pangangailangan; nagkaroon ng inspirasyon ang kanyang asawa na mag-empake ng ekstrang mga palda para sa biyahe, at ibinigay niya ang marami sa mga ito kay Veronica. Hinikayat din niya si Veronica na dumalo sa institute. Nang simulan ng bishop ni Veronica ang institute program sa kanilang lugar, nagsimula siyang dumalo nang regular.

Naging panatag at masaya siya sa institute. “Palagay ko ang pinakagusto ko sa institute ay na sa buong linggo, marami kaming iba‘t ibang ginagawa. Mayroon kaming mga araw ng Linggo para magpanibago ng aming mga tipan sa Ama sa Langit. Pero sa araw ng Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, ano ang ginagawa namin? Nagpapasalamat ako na may institute kami kahit minsan lang sa isang linggo dahil isang paraan ito para alalahanin si Jesucristo. Ang institute ay isang paraan na tinutulungan Niya akong umunlad.”

At nagmisyon nga si Veronica. Noong Oktubre 2016, umalis siya para maglingkod sa Chile Osorno Mission.

Sabi niya, “Alam ko na narito ako ngayon dahil sa Kanya. Alam ko na naghanda Siya ng isang plano na perpekto para sa bawat isa sa atin. Bibigyan Niya tayo ng mga pagkakataon habang nabubuhay tayo. Nadarama ko ang Kanyang pagmamahal araw-araw, kahit kung minsan ay nasasabi kong, ‘Ama, bakit nangyayari ito sa akin?’ Pero bago ako matulog, sumasagot Siya, ‘Nangyayari ito dahil dito. Kaya matulog ka na.’ At mahal ko rin Siya. Siguro kailangan kong pagdaanan ang lahat ng pinagdaanan ko para makadama ng labis na pagmamahal sa Kanya.”