2017
Ang Malaswang Larawan
August 2017


Ang Malaswang Larawan

“Ang [katotohanan at] tama’y ipaglalaban. Ako’y maaasahan [ng Panginoon]” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).

the bad picture

“Hoy, tingnan mo ito.” Dinukot ni Jack ang isang nakatuping papel sa kanyang bulsa. “Nakita ko ito sa isang magasin kaninang umaga.” Iniladlad niya ito at iniabot kay Taran.

Ngunit nakita kaagad ni Taran na isang bagay ito na ayaw niyang tingnan. Tumalikod siya at sinabi, “Ayaw kong tingnan ’yan.”

Nagkibit-balikat si Jack at ibinalik ang papel sa kanyang bulsa. “Baby.”

Hindi ito pinansin ni Taran.

Pagdating ni Taran sa bahay nila, tinulungan niya si Inay na gumawa ng manipis na tinapay para sa hapunan. Hinila niya ang isang upuan papunta sa counter, at itinali ni Inay ang apron niya.

“Inay,” sabi niya, “noong nasa bahay po ako ni Ian, tinangka akong pakitaan ng kaibigan niya ng larawan ng isang taong nakahubad. Tumalikod po ako at umalis.”

Inilapag ni Inay ang mangkok ng masa at niyakap si Taran. “Napakaganda ng ginawa mo. Salamat at sinabi mo ito sa akin.”

“Noong family night iyan po ang sinabi ninyong gawin ko,” sabi ni Taran habang tinatapik ng kanyang mga kamay ang harina at itinataas ang masa sa counter.

“Natutuwa ako’t naalala mo. Iyan ba ang unang pagkakataon na may nagpakita sa iyo ng malaswang larawan?”

Tumango si Taran.

“Masaya talaga ako at sinabi mo sa akin. Alam mong puwede mo akong tanungin o sabihan tungkol sa anumang bagay, ’di ba? Kahit mali ang pinili mo, gusto ko pa ring malaman para makatulong ako. Hindi ako magagalit.” Tinuldukan niya ng kaunting harina ang ilong ni Taran.

Ngumiti si Taran at ikinunot ang kanyang ilong na may harina. “Opo. Alam ko po.”

Pagkatapos ng hapunan nang gabing iyon, sinabi ni Itay, “Kanina may sumubok na pakitaan si Taran ng malaswang larawan, na katulad ng pinag-usapan natin sa family night.”

Nagtaas ng kamay si Reena. “Naaalala ko po na pinag-usapan natin ’yan!” Napakabata pa ni Dhara para maalala ang lahat, pero tumango rin siya.

“Ano ang ginawa mo?” tanong ni Sonia kay Taran.

“Hindi ko iyon tiningnan at umalis ako,” sabi ni Taran.

Tumango si Inay. “Masaya talaga kami na napakaganda ng ginawa ni Taran. At ipinagmamalaki namin siya dahil ipinaalam niya sa akin ang nangyari.”

Dumukwang si Itay sa mesa at nakipag-apir kay Taran. “Ang galing mo, anak.” Pumalakpak sina Reena at Dhara, at nginitian nang husto ni Sonia si Taran.

“Kaya may espesyal na pagkain tayo para masaya!” sabi ni Itay. Nagsaya ang lahat dahil dito.

Tumayo si Inay para kunin ang ice cream sa freezer, at tumakbo sina Taran at Sonia para kumuha ng mga mangkok at kutsara.

“OK, anak,” sabi ni Itay, habang itinuturo ang panalok ng ice cream kay Taran. “Anong flavor ang gusto mo?”

Habang kumakain sila ng ice cream, sabi ni Inay, “Gusto lang namin ni Itay na tandaan ninyong mga bata na kung nag-aalala kayo o may mga tanong kayo, palagi ninyo kaming malalapitan at makakausap, anuman ang mangyari. Nagpapasaya ito sa amin.”

“At bibilhan ninyo kami ng ice cream?” tanong ni Sonia habang hawak ang isang kutsara ng tsokolate.

Tumawa si Inay. “Kung minsan. Pero kadalasan nagpapasaya lang ito sa amin. At sapat na iyan.”

Tumango si Taran habang tinatapos ang huling subo ng ice cream. Nagpasaya rin sa kanya ang pagsasabi niya kay Inay.