Mensahe ng Unang Panguluhan
Buhay ng Isang Disipulo
Tatlumpung taon na ang nakararaan sa Ghana, isang estudyante sa kolehiyo na nagngangalang Doe ang pumasok sa isang LDS meetinghouse sa unang pagkakataon. Isang kaibigan ang nag-anyaya kay Doe na sumama sa kanya, at gustong malaman ni Doe kung ano ang hitsura ng Simbahan.
Napakabait at napakasigla ng mga tao roon kaya hindi niya naiwasang magtaka, “Anong klaseng Simbahan ito?”
Hangang-hanga si Doe kaya nagpasiya siyang alamin pa ang iba tungkol sa Simbahan at mga miyembro nito, na puspos ng labis na kagalakan. Ngunit nang simulan niyang gawin ito, ilang kapamilya at kaibigan niya na nag-alala sa kanyang kapakanan ang nagsimulang tumutol sa pag-imbestiga niya (sa Simbahan). Masama ang mga sinabi nila tungkol sa Simbahan at ginawa nila ang lahat para pigilan siya.
Ngunit nagkaroon na ng patotoo si Doe.
Nanampalataya siya, at minahal niya ang ebanghelyo, na pumuspos ng kagalakan sa buhay niya. Kaya, nagpabinyag siya.
Pagkatapos, nag-aral at nanalangin siya nang husto. Nag-ayuno siya at naghangad ng impluwensya ng Espiritu Santo sa kanyang buhay. Dahil dito, mas tumibay at lumalim ang patotoo at pananampalataya ni Doe. Kalaunan nagpasiya siyang magmisyon nang full-time para sa Panginoon.
Pagkauwi mula sa kanyang misyon, nakipagdeyt siya at ikinasal sa isang returned missionary—ang mismong nagbinyag sa kanya ilang taon na ang nakararaan—at kalaunan ay ibinuklod sila sa Johannesburg South Africa Temple.
Maraming taon na ang nakalipas mula nang unang makadama ng galak si Doe Kaku sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa panahong iyon, hindi palaging masaya ang buhay niya. Natiis niya ang dalamhati at kawalan ng pag-asa, pati na ang pagkamatay ng kanyang dalawang anak—labis pa rin siyang nasasaktan sa mga karanasang iyon.
Ngunit sinikap nila ng asawa niyang si Anthony na maging malapit sa isa’t isa at sa kanilang pinakamamahal na Ama sa Langit, na minamahal nila nang buong puso.
Ngayon, 30 taon matapos siyang magpabinyag, katatapos lang ni Sister Kaku ng isa pang full-time mission—sa pagkakataong ito kasama ang kanyang asawa, na isang mission president sa Nigeria.
Sabi ng mga nakakakilala kay Sister Kaku, may isang bagay na kakaiba sa kanya. Nagniningning siya. Kapag kasama mo siya, mas masaya ka.
Matibay ang kanyang patotoo: “Alam ko na anak at kaibigan ang turing sa akin ng Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 5:7; Eter 3:14),” wika niya. “At pinag-aaralan at pinagsisikapan kong mabuti na maging kaibigan din Niya—hindi lang sa salita kundi maging sa gawa.”
Tayo ay mga Disipulo
Ang kuwento ni Sister Kaku ay kahalintulad ng marami pang iba. Hinangad niyang malaman ang katotohanan, nagsikap siya para magtamo ng espirituwal na liwanag, nagpakita siya ng pagmamahal sa Diyos at sa kanyang kapwa-tao, at habang ginagawa ito ay dumanas siya ng mga paghihirap at kalungkutan.
Ngunit sa kabila ng oposisyon, sa kabila ng kalungkutan, patuloy siyang sumulong nang may pananampalataya. At nanatili siyang masaya, na kasinghalaga ng pananatiling sumasampalataya. Nakakita siya ng paraan hindi lamang para matiis ang mga hirap ng buhay kundi para umunlad din sa kabila nito!
Ang kanyang kuwento ay katulad ng sa inyo at sa akin.
Bihirang mawalan ng balakid o pagsubok sa ating landas.
Bawat isa sa atin ay may mga pighati, kabiguan, kalungkutan.
Maaari pa nga tayong panghinaan ng loob at kung minsa’y mahirapan.
Ngunit yaong mga namumuhay ng buhay ng isang disipulo—na nananatiling tapat at patuloy na sumusulong nang may pananampalataya; na nagtitiwala sa Diyos at sumusunod sa kanyang mga kautusan;1 na ipinamumuhay ang ebanghelyo araw-araw at oras-oras; na naglilingkod na katulad ni Cristo sa mga nasa paligid nila, sa paisa-isang mabuting gawa—ang yaong ang maliliit na gawa ay madalas makagawa ng malaking kaibhan.
Yaong mas mababait, mas mapagpatawad, at mas maawain ang mga taong maawain na kaaawaan.2 Yaong mga nagpapaganda sa mundong ito, sa paisa-isang pagpapakita ng malasakit at pagmamahal, at nagsisikap na ipamuhay ang pinagpala, nakasisiya, at payapang buhay ng isang disipulo ni Jesucristo ang makasusumpong ng kagalakan sa huli.
Malalaman nila na “ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao … ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay … at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa.”3