Walong Estratehiya para Matulungan ang mga Bata na Iwaksi ang Pornograpiya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Hango sa “Arm Your Kids for the Battle,” BYU Magazine, Spring 2015.
Ang estadistika ay maaaring makapanghina sa mga magulang. Tinataya ng Extremetech.com na mga 30 porsiyento ng lahat ng datos na inilipat sa internet ay pornograpiya.1 Talagang matatagpuan ito sa daan-daang milyong web page, kabilang na ang mga higante sa social media na Facebook, Twitter, at YouTube. Makikita ito sa telebisyon, mga computer, mga tablet, at mga smartphone.
“Ang materyal na nakikita ng isang bata ay talagang nakapipinsala sa murang isipan ng bata,” pagtuturo ng therapist na si Dr. Jill C. Manning, na madalas maglahad ng epekto ng pornograpiya sa mag-asawa at pamilya.
Ngunit may pag-asa pa.
Bagama’t tila laganap na ang pornograpiya, may kapangyarihan ang mga magulang na protektahan ang kanilang mga anak at ihanda silang harapin at iwaksi ang pornograpiya.
Narito ang walong estratehiya mula sa mga pinuno ng Simbahan at mga eksperto para matulungan ang mga magulang na protektahan ang kanilang pamilya.
1. Kontrolin ang Access at mga Patakaran sa Pamilya
Magsimula sa mga panlabas na depensa. “Pinangangalagaan natin ang ating mga anak hanggang sa mapangalagaan nila ang kanilang sarili,” sabi ni Jason S. Carroll, propesor ng family life sa Brigham Young University. Ang brain stem, na kinaroroonan ng sentro ng kasiyahan ng utak, ang unang nabubuo, paliwanag niya. Kalaunan lamang lubos na nabubuo ang mga kakayahang mangatwiran at magdesisyon sa frontal cortex. “Kaya nakatapak ang mga bata sa pedal pero hindi nila alam kung kailan sila hihinto,” wika niya. Samakatwid, ang mga external filter at pagsubaybay ay napakahalaga para sa mga kabataan.
Mapoprotektahan ng mga simpleng hakbang at patakaran ang mga bata (at matanda) mula sa di-sadyang pagkalantad [sa pornograpiya] at matutulungan silang magdalawang-isip tungkol sa content ng pinipili nilang tingnan:
-
Gumamit ng mga filter sa computer, router, at sa pag-access mula sa inyong internet-service-provider.
-
Bigyang-kakayahan ang mga magulang na makontrol ang content ng panonoorin sa telebisyon at Internet.
-
I-set up ang content restriction settings sa mga mobile device.
-
Ilagay ang mga computer at tablet sa mga lugar na maraming tao.
-
Sabihin sa mga bata at tinedyer na ibigay sa inyo ang kanilang mga phone at mobile device sa gabi.
-
Magkaroon ng patakaran na walang maglilihim; maaaring tingnan ng mga magulang ang mga text at social media account ng kanilang mga anak anumang oras.
Ituro sa mga bata kung ano ang gagawin kung makakita sila ng pornograpiya: (1) papikitin sila at isara ang device, (2) magsumbong sa isang matanda, at (3) ituon sa iba ang kanilang isipan. Tiyakin sa kanila na wala silang nagawang mali at hindi sila pagagalitan.
2. Mangaral tungkol kay Cristo
“Ang mga filter ay mga tool na nakatutulong, ngunit ang pinakamatinding filter sa mundo, ang tangi at talagang magpoprotekta, ay ang sariling filter sa ating kalooban na nagmumula sa malalim at matibay na patotoo sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit at nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin,” sabi ni Linda S. Reeves, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency.2
Para matulungan ang mga bata na magkaroon ng filter na iyon sa kanilang kalooban, itinuro ni Sister Reeves ang payo ni Nephi: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Sang-ayon ang mga eksperto. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang pagiging relihiyoso sa tahanan, at pagkakaroon ng “mapagmahal na mga magulang,” ay nagpoprotekta laban sa pornograpiya.3
“Ang pinakamahusay na paraan sa paghadlang at pagdaig sa pagkalulong sa pornograpiya ay ang tunay na pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan,” sabi ni Timothy Rarick, parenting professor sa Brigham Young University–Idaho at miyembro ng United Families International advisory board. “Ang pinakamagandang magagawa natin ay tulungan ang ating mga anak na magkaroon ng sarili nilang koneksyon sa Langit.”
3. Turuan ang mga Anak Kung Paano Pumili ng Media
Maituturo ng mga magulang ang partikular na mga estratehiya sa pag-filter ng media sa pamamagitan ng mga pamantayan ng ebanghelyo. Para kay Dr. Manning, ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ang pinakamahusay na filter para sa lahat ng pipiliin sa media.
“Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng [lalaki at babae]; … Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Maraming materyal sa panahong ito na hindi tugma sa mga pamantayang iyon. At kung hindi tugma ang nakita natin sa media, patuloy tayong maghanap,” sabi ni Dr. Manning.
At ang pagsisikap na iyon ang nagpapabukod-tangi sa mga Banal sa mga Huling Araw, itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Habang palayo nang palayo ang mundo sa mga alituntunin at pamantayang ibinigay sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit, mamumukod-tangi tayo sa mga tao. … Magiging kakaiba tayo kapag nagpasiya tayong huwag punuin ang ating isipan ng media na imoral at nagpapababa ng pagkatao at magpapalayo sa espiritu sa ating tahanan at buhay.”4
4. Ituro sa mga Anak ang Malusog na Seksuwalidad
Ang tuntuning “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11) ay angkop sa pornograpiya. Hindi sapat na sabihing masama ang pornograpiya; kailangan din ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak kung ano ang mabuti.
“Ang isa sa pinakamalalakas na pananggalang at proteksyon para sa ating mga kabataan ay turuan sila ng tungkol sa seksuwalidad sa tahanan, na nagsisimula nang maaga,” sabi ni Dr. Manning. “Nahihirapan ang ating mga kabataan dahil lumalaki sila sa isang kapaligiran na puno ng nakalalasong mga mensahe at hindi sapat ang mga positibong mensaheng itinuturo ayon sa pananaw ng ebanghelyo.”
Tuwirang ipinaliwanag ng family life professor sa Brigham Young University na si Mark H. Butler ang tungkol sa bagay na ito: “Ang pagtugon sa seksuwal na pang-aakit ay likas sa ating mga tao. Ang hangarin at sigla natin ay kaloob ng Diyos na nagpapala sa atin, na likas at magiliw na naglalapit sa atin sa opposite sex, tungo sa pag-aasawa, at tungo sa buhay-pamilya.”
Ang mga talakayang angkop sa edad tungkol sa malusog na seksuwalidad ay maaaring magsimula nang maaga. Itinuro ni Professor Carroll na ang mga pag-uusap tungkol sa mabuting paghaplos at masamang paghaplos at personal privacy, kasabay ng tamang terminolohiya para sa mga bahagi ng katawan, ay maituturo sa murang edad. Sa edad na walo, kayang makaunawa ng isang bata tungkol sa seks ayon sa kontekstong pisikal, espirituwal, emosyonal, at pakikipagrelasyon, sabi niya.
Pinasasalamatan din ng mga kabataan ang tama at tuwirang pananalita. Sabi ng isang binata, “Kung magpapaliguy-ligoy ka pa, talagang maaaring magkamali sa pag-unawa ang mga tao. Ilang beses akong tinuruan tungkol sa batas ng kalinisang-puri bago ko nalaman na seks ang pinag-uusapan nila.”
Sabi ni Professor Carroll, dapat pagtuunan ng pansin ng mga magulang ang konteksto ng mga talakayang ito. “Gawin ang lahat para hindi maging pormal ang mga pag-uusap na ito,” sabi niya. “Isinasama natin ang ating mga anak para maghapunan sa labas, nagsusuot tayo ng damit-pangsimba, o nag-uusap sa paradahan ng templo,” sabi niya. At kung naunawaan ng mga bata na maaari lamang pag-usapan ang seks sa mga sitwasyong iyon, baka hindi nila malaman kung paano muling magagawa ang mga sitwasyong iyon kapag may mga tanong sila.
Sa halip, dapat ay patuloy na kausapin ng mga magulang ang kanilang mga anak at bigyan sila ng mga oportunidad na makapagtanong tuwing may mga tanong sila tungkol doon. “Kung nangyari ang pag-uusap habang nakaupo kayo sa sahig ng kuwarto ninyo o sa inyong pickup truck o habang namimitas ng mga strawberry, alam nila kung paano muling magagawa iyon,” sabi ni Carroll.
“Nalaman ko sa aking pag-aaral na ang mga tinedyer na pinakaaktibo sa seksuwal ay karaniwang pinaka-kaunti ang alam,” pagtuturo ng BYU associate professor na si Bradley R. Wilcox. “Ang mga kabataang sinasagot ng mga magulang habang bata pa sila ay karaniwang siyang umiiwas na sumubok sa seks.”
5. Alisin ang Maling Pag-unawa tungkol sa Pornograpiya
Malinaw na ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang katotohanan tungkol sa pornograpiya. “Ito ay mapanganib,” sabi niya. “Ito ay mahalay at marumi. Ito ay mapang-akit at nakawiwili. Tiyak na hihilahin [kayo] nito sa kapahamakan … na parang walang anuman. Ang kababaang-uri nito ang nagpapayaman sa mga mapagsamantala, at nagpapahirap sa mga biktima nito.”5
“Ang paggamit ng pornograpiya ng mga kabataan at young adult ay madalas humantong sa baluktot na pananaw tungkol sa seksuwalidad at sa papel nito sa pagkakaroon ng mabubuting personal na relasyon,” pagtuturo ng American College of Pediatricians. “Kabilang sa mga baluktot na pananaw na ito ang laganap na pakikipagseks sa komunidad, ang paniniwala na ang walang-delikadesang pakikipagseks ay normal, at ang paniniwala na ang hindi pakikipagtalik ay masama sa kalusugan.”6
Sa mga talakayan tungkol sa pornograpiya, dapat ituro ng mga magulang na maraming iba-ibang maling konsepto tungkol sa pornograpiya. Ang mga ugaling ipinapakita sa pornograpiya ay hindi normal ni hindi kakikitaan ng nararapat asamin o asahan sa isang mabuting relasyon. “Ang pornograpiya ay kaakit-akit lamang kapag tinanggap ang mga maling konsepto tungkol sa pornograpiya,” sabi ni Professor Carroll.
6. Ibahin ang Pag-uusap tungkol sa Problema
Nagbabala ang mga eksperto at pinuno ng Simbahan na huwag ipalagay kaagad na nagpapahiwatig ng pagkalulong ang anumang panonood o pagtingin sa pornograpiya.
“Hindi lahat ng sadyang gumagamit ng pornograpiya ay lulong na rito,” pagtuturo ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa katunayan, karamihan ng kabataang lalaki at babae na may problema sa pornograpiya ay hindi lulong. Napakahalagang malaman ang pagkakaibang iyan—hindi lamang para sa mga magulang, mag-asawa, at lider na gustong tumulong kundi maging sa mga taong may ganitong problema.”7
“Tumitingin ang mga kabataang lalaki at babae sa pornograpiya dahil gusto nilang mag-usisa, dahil madali itong ma-access, at dahil hindi pa husto ang kanilang pag-iisip,” sabi ni Professor Carroll. “Bawat isa sa atin ay likas na tumutugon sa pisikal, emosyonal, at mental na pang-aakit sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata, bago pa tayo magkaroon ng emosyonal o espirituwal na kahustuhan upang lubos itong maunawaan.”
Napuna ni Richard Neitzel Holzapfel, BYU professor ng Church history at faculty adviser sa student club tungkol sa Unraveling Pornography, na “totoo ang problema at nakakakilabot ang mga bunga, ngunit ang paggawa ng panglahatang pahayag tungkol sa problema ay kadalasang lalong nagpapalala sa problema ng mga taong nahihirapan.”
Itinuro ni Elder Oaks na maaaring nagsimula ang mga problema sa pornograpiya mula sa “paminsan-minsan o paulit-ulit na sadyang paggamit, hanggang sa matindihang paggamit, hanggang sa walang kontrol na paggamit (pagkalulong). … Kung ang gawi ay inakala kaagad na adiksyon, maaaring isipin ng gumagamit nito na nawalan na siya ng kalayaan at kakayahang daigin ang problema. … Sa kabilang banda, ang mas malinaw na pag-unawa sa lalim ng problema—na baka hindi naman ito talamak o matindi na gaya ng ipinangangamba—ay magbibigay ng pag-asa at dagdag na kakayahang magamit ang kalayaang tigilan ito at magsisi.”8
Sa paglutas ng mga problema, iminungkahi ni Professor Butler na suriin ito nang wasto ng mga magulang: Gaano katagal na ba ito nangyayari? Gaano kadalas ba nila ito tinitingnan? Paano ba nila ito ina-access? Sa gayon ay maaaring makipagtulungan ang mga magulang sa mga kabataan para matukoy ang angkop na gagawin.
“Unawain ang tao at kung sino sila,” sabi ni Professor Holzapfel. “Gaano ba kalalim ang kanilang problema? Ano ba talaga ang nangyayari? Bakit daw ba sila tumitingin sa pornograpiya, at paano natin malulutas ang mas malalalim na problema?”
7. Ituro Kung Paano Kontrolin ang Emosyon
Maaaring ang paglutas din sa mas malalalim na problema ang susi sa pag-iwas sa mga problema sa pornograpiya, sabi ni Nathan Acree, isang therapist na nakabase sa Utah. Bukod pa sa likas na pag-uusisa, madalas gamitin ang pornograpiya bilang isang paraan para makayanan ang emosyon, lalo na ang napakatinding emosyon.”
Sabi pa ni Professor Butler, “May pagkakataon na may mahirap o masakit na karanasan ang isang kabataang lalaki o babae na pangkaisipan, sa pakikipagrelasyon, o sa espirituwal.” Sinabi niya na ang negatibong mga karanasan ay maaaring magpabaling sa isipan ng kabataan sa “mga karanasang maganda sa pakiramdam” tulad ng pagtingin sa pornograpiya at paggawa ng mga ugaling kaugnay nito tulad ng pagpaparaos sa sarili o masturbation. Ang mga emosyong nalikha ng gayong mga ugali ay pumapalit o nagkukubli sa matitinding emosyon. At naroon ang panganib: “Lumalayo ang tao sa isang karanasang maganda sa pakiramdam at nagsisimulang umasa sa gayong mga ugali. Ngayon ay ginagamit niya ang ugaling iyon bilang paraan ng pagkontrol sa buhay.”
Sinabi ni Brother Acree na dapat turuan ng mga magulang ang mga anak na ang kanais-nais at di-kanais-nais na mga damdamin ay normal, at OK lang na makaranas ng negatibong mga damdamin tulad ng lungkot, galit, kabiguan, o sakit. Madalas madama ng mga magulang na kailangan nilang pigilin ang emosyon ng kanilang mga anak, ngunit ang hayaan silang maranasan at kayanin ang negatibong mga damdamin ay lumlikha ng mahalagang kasanayan.
Kung may problema sa pornograpiya, dapat tiyakin ng mga magulang na huwag nang dagdagan pa ang emosyonal na problema ng bata sa pagpapahiya sa kanya. Binanggit ng BYU family life professor na si James M. Harper na bagama’t ang panunurot ng budhi ay isang likas na tugon sa mga pagkakamali na maaaring maghikayat ng pagbabago, ang kahihiyan ay isang mapanirang damdamin na maaaring humantong sa kawalang-pag-asa.
Sa madaling salita, ang paglikha o pagpapalala ng kahihiyan sa isang bata ay sumisira sa kakayahan ng bata na magkaroon ng positibong mga emosyonal na pagtugon at makilala ang impluwensya ng Espiritu, na sa huli ay siyang pinakamalaking tulong sa pag-iwas at paggaling mula sa paggamit ng pornograpiya.
Malinaw na naalala ng isang binatang nahihirapang umiwas sa pornograpiya kung paano tumugon ang kanyang mga magulang nang matuklasan nila ang kanyang problema sa pornograpiya: “Matindi ang reaksyon ng nanay ko, na nagsisigaw at nag-iiyak, at naging mas masahol ang pakiramdam ko tungkol dito sa halip na umasa ako na madaraig ko ito,” wika niya. “Ang lubos na nakatulong ay nang paulit-ulit na sinabi sa akin ng tatay ko kung gaano niya ako kamahal.”
“Huwag sana ninyo silang husgahan,” pakiusap ni Elder Oaks. “Hindi sila masama o wala nang pag-asa. Sila ay mga anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit.”9
8. Ituro na Gumagana ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
Sa mga mensahe, aral, at babasahing materyal, natatanggap ng mga kabataan ang malinaw na mensahe na ang pornograpiya ay isang mapanganib na kasamaan, ngunit kailangan nating bigyang-diin pa ang doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Para sa mga kabataan, naniniwala si Professor Butler na maaaring ang isip ng kabataan ay isa sa mga pangunahing dahilan para turuan sila tungkol sa Pagbabayad-sala. “Ang utak ng kabataan ay hindi pa lubos na nabubuo, at humahantong iyan sa ilang problema gaya ng hindi makontrol ang bugso ng damdamin at hindi pag-iisip sa mangyayari,” paliwanag niya. “Ang espirituwal na tapat at nagsusumikap na tinedyer ay maaaring manghina sa malakas na panunurot ng budhi kapag madali siyang tinablan ng mga kahinaan dahil isip-bata pa siya. Napakahalaga na, kasabay ng pagtuturo ng mga kautusan, ituro ninyo sa mga kabataan ang Pagbabayad-sala—na mayroon nito para sa layunin na matutong magtiis at magtiyaga sa buhay.”
“Kailangan nating lahat ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Sa pamamagitan ng wasto at lubos na pagsisisi, sila ay maaaring maging malinis, dalisay, at karapat-dapat sa bawat tipan at pagpapala ng templo na ipinangako ng Diyos,” sabi ni Elder Oaks.10 Kabilang dito ang mga gumamit na ng pornograpiya.
At iyan ay isang mensahe ng pag-asa: malaki ang magagawa ng mga magulang para maihanda ang kanilang mga anak na iwaksi ang pornograpiya, at kapag nanghina sila, gagawing posible ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pagbabago at pagsisisi.
“Ibig sabihin, ano man ang mangyari, hinding-hindi titigil ang Ama sa Langit na mahalin kayo, at kami, na inyong mga magulang, ay hinding-hindi titigil na mahalin kayo,” sabi ni Professor Rarick. Para sa isang bata, walang ibang pag-asang mas malaki pa kaysa riyan.