BYU–Pathway Worldwide
Sa ating panahon kumikilos nang may kapangyarihan ang Panginoon sa Kanyang Simbahan upang palalimin ang pagkatuto at palawakin ang saklaw nito sa mas marami pang tulad ninyo. Marahil ang pinakamagandang halimbawa ng pagpapalawak ng Simbahan sa saklaw ng malalim na pagkatuto ay ang balita nitong 2017 tungkol sa isang bagong organisasyon sa loob ng Church Educational System (CES) na kilala bilang BYU–Pathway Worldwide. Ang bagong organisasyong ito ay binigyang-inspirasyon ng Pathway program.
Pathway
Noong 2009 pinahintulutan ng Church Board of Education ang Brigham Young University–Idaho na lumikha ng bagong programa sa akademya na tinatawag na Pathway na may layuning magbigay ng mga oportunidad para sa mas mataas na edukasyon sa marami pang miyembro ng Simbahan. Ang Pathway ay isang tatlong-semestreng programa na naghahanda sa mga estudyante para sa mas mataas na edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng online courses at pagtitipon sa isang institute o meetinghouse bawat linggo para mag-aral ng relihiyon at makilahok sa mga talakayang pinamumunuan ng mga estudyante tungkol sa materyal na nasa online courses. Ang Pathway program ay ginagabayan ng lokal na mga lider ng priesthood at pinangangasiwaan ng mga service missionary ng Simbahan na nagtuturo at sumusuporta sa mga estudyante. Ang tatlong layunin ng Pathway ay (1) itanim ang ebanghelyo sa puso ng mga estudyante, (2) tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng kakayahang matuto, at (3) ihanda ang mga estudyante sa pamumuno at pagsuporta sa mga pamilya.
Ang Pathway ay tumatakbo na ngayon sa halos 500 sites sa buong mundo at nakapaglingkod na sa mahigit 57,000 estudyante, nagbibigay ng mga oportunidad, nagpapaibayo ng pag-asa at pananampalataya sa Tagapagligtas, at nagpapalalim sa pagkatuto ng libu-libo sa inyo. Ang pagkumpleto ng Pathway program ay nagbigay-kakayahan sa maraming estudyante na makaenrol sa mas mataas na paaralan, kabilang na ang certificate at degree programs na iniaalok online sa pamamagitan ng BYU–Idaho o sa lokal na mga institusyong pang-edukasyon.
BYU–Pathway Worldwide
Nabigyang-inspirasyon ng paglago at tagumpay ng Pathway program ang paglikha ng isang bagong organisasyon, na nauugnay sa lahat ng institusyon ng CES, na tinatawag na BYU–Pathway Worldwide (BYU–PW). Ang BYU–PW ang nangangasiwa sa Pathway at pinag-uugnay ang lahat ng CES online higher education certificate at degree programs. Pinaglilingkuran ng organisasyon ang mga estudyante sa pamamagitan ng online courses at pinamamahalaan ang mga aktibidad sa pagtitipon sa Pathway sites sa buong mundo, kabilang na ang mga talakayang pinamumunuan ng mga estudyante ukol sa akademya at workshops at local career services.
Ang BYU–PW ay bunga ng isang patakarang inaprubahan ng Church Board of Education noong Nobyembre 2015: “Sisikapin ng Church Educational System na mabigyan ng mga pagkakataong makapag-aral ang mga miyembro ng Simbahan saan man nakatatag ang Simbahan.”
Matutulungan ka ng BYU–Pathway Worldwide na magkaroon ng access sa online certificate at degree programs nito na magbibigay ng mas magagandang oportunidad para makapagtrabaho. Kasama ang pag-aaral ng relihiyon sa institute at pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu sa paraan ng Panginoon, malalim ang matututuhan mo saan ka man nag-aaral. Bukod pa sa pagpapayo ukol sa akademya, magkakaroon ka ng access sa payo at suporta ng mga tauhan ng CES at Self-Reliance Services para matulungan kang makahanap ng mga internship at trabaho o patuloy na makapag-aral sa inyong lugar.
Maaari mong ma-access ang BYU–Pathway Worldwide programs, kabilang na ang Pathway, pagtuturo sa wikang Ingles, mga certificate, at mga degree, sa pamamagitan ng inyong lokal na mga unit at lider ng Simbahan. Ang mga programang ito ay makukuha na sa maraming lugar ngayon, at patuloy na magdaragdag ng bagong Pathway sites at programs ang BYU–PW sa maingat at tuluy-tuloy na paraan habang sumusulong ang Simbahan ayon sa patnubay ng Panginoon.